Pagmamahal, salitang napakaraming ibig sabihin. Pwede kang magmahal ng kapareha mo. Pwede kang magmahal ng kaibigan. Pwede kang magmahal ng ka-pamilya. Isa lang ang ibig sabihin nito. Ang pagmamahal ay laging nasa paligid lamang, napapansin man o hindi. Napakaraming salita ang pwedeng magpaliwanag sa pagmamahal. Napakaraming salita na hindi na mabilang. Maraming nagpapaliwanag ng pagmamahal, ngunit magkakaiba ito sa kung paano ang pag-intindi ng tao at sa kung paano ang takbo ng isip nito. Magkakaiba ang takbo ng isip ng tao, pati na rin ang pagkakaintindi sa pagmamahal.
May mga taong hindi naniniwala sa pagmamahal. O mga puso na nila ang tumatanggi rito dahil sa mga naranasan nila. May mga tao ring sobra-sobra kung pahalagahan ang pagmamahal at hindi sila nabubuhay ng hindi ito nararamdaman. May mga tao namang takot nang magmahal dahil minsan na silang nasaktan. At hindi mawawala ang mga taong iniiwasan ang magmahal dahil sa tingin nila ay magiging dahilan ito upang masilip ang kanilang kahinaan. Ilang bilyon ang mga tao sa mundo, kung kaya’t napakaraming sabi-sabi at opinyon tungkol sa pagmamahal at sa kung paano ba ito gumagana at nararamdaman.
May kilala ka bang tao na tila pusong bato? Taong akala mo walang pagmamahal sa puso. May mga taong ayaw magpakita at magparamdam ng pagmamahal. Pero alam ko na sa likod ng mga pagtatago nila ng emosyon, meron at meron pa ring pagmamahal sa kanilang mga puso. May mga taong takot na takot nang magmahal dahil minsan na silang nasaktan. May mga taong baliw sa pagmamahal. Nagmamahal sila ng sobra na nagmumukha na silang mahina at nagmumukhang tanga. Ginagawa nila ang lahat maibigay ang pagmamahal nila sa mga taong nasa paligid nila. May mga taong halos magmakaawa sa pagmamahal. Nagmamakaawang mahalin sila ng tao, kahit na kapalit nito ay sakit at pagkapahiya, wala silang pakialam. Pagmamahal lang ang gusto nilang makuha at maramdaman. May mga taong nagbubulag-bulagan sa pagmamahal. Ginagawang tama ang mali para lang mahalin sila. May mga tao namang nagmamahal ng sakto lang at nagtitira ng para sa sarili nila. Ito ang mga taong nakapokus sa kanilang sarili na nakapaglagay ng harang sa kanilang puso upang maiwasan ang masaktan.
Minsan, akala natin hindi tayo nakakaramdam ng pagmamahal, o walang nagmamahal sa atin. Mali yan. May nagmamahal sa atin, hindi lang natin napapansin pero imposibleng wala. Madalas nakatingin tayo sa mga taong gusto nating mahalin tayo, at hindi sa mga taong kahit hindi mo pilitin ay kusang pinaparamdam na mahal tayo. Kailangang matuto ang mga tao na makiramdam sa mga taong nakapaligid sa kanila. Pahalagahan ang mga taong nagmamahal ng totoo sa kanila at hindi tumingin lamang sa mga taong nambabalewala. Pagmamahal ang dapat na pairalin sa mundo sa ngayon. Kailangan ng pagmamahal sa bawat isa para sa mas masaya at payapang buhay. Kailangan ang pagmamahal sa mundo upang magkaroon ng pagkakaisa at pagkakaroon ng simpatya sa isa’t-isa.
******************************
Please don't forget to upvote, comment, and subscribe.
******************************