Bukas na Liham para sa Guro

0 27
Avatar for bloodypen
3 years ago
Topics: Life, Writing, Blog, Experiences, Story, ...

Ma’am/Sir,

Sisimulan ko ang liham na ito sa pagmulat ng iyong mga mata sa bawat araw na nauuna pang magising ang iyong diwa kaysa sa pagtilaok ng manok ng iyong kapitbahay, sa paglalaho ng buwan sa kalangitan, o sa pagbubukang liwayway. Kahit na hindi man lang umabot sa pito ang oras ng iyong pahinga, bumabangon ka't naghahanda para sa panibagong araw na siksik ng mga trabaho't responsibilidad bilang anak, kapatid, ama/ina at higit sa lahat, bilang guro at magulang sa mga bata.

Kung dati'y pumapasok ka upang matuto, ngayo'y pumapasok ka na upang magturo. Bitbit ang mga bagay na tutulong sa pagbabahagi ng iyong mga kaalaman, papasok ka sa silid-aralan, suot ang maskarang aagaw sa atensyon ng mga mag-aaral upang pakinggan sa loob ng 60 minuto ang mga salitang lumalabas sa iyong bibig– umaasang may napulot silang kaalaman mula sa leksyong ilang oras mong pinag-aralan at pinaghandaan. Sa oras na magbigay ka ng gawain marahil , normal nang makarinig ng pagtutol mula sa mga mag-aaral dahil sa dami na rin ng kailangan nilang gawin at bigyang-pansin.

Kung minsan, hindi maiiwasang magkaproblema sa mga estudyante, at ang unang lalapitan? Ikaw. Bukod pa riyan ang samu't saring responsibilidad na kailangan mong punan bilang bahagi ng institusyon ng paaralan. Nariyan ang nagpapataasang paperworks, documentation, o lesson plan, sasabayan pa ng nalalapit na quarterly examinations na kailangan mong matapos bago lumipas ang nakatakdang petsa.  Hindi pa natatapos at kailangan mo pang gawin at tapusin ang marka ng bawat mag-aaral na iyong hinahawakan.

Nagtataka ka siguro kung bakit alam ko ang ilan sa mga paghihirap at sakripisyo mo sa kabila ng minimal na pasahod sa inyo ng gobyerno. Alam ko namang hindi madali, ngunit pinili mo pa rin ang propesyong ito, isang dahilan kung bakit bilib ako sa'yo. Aminado naman po ako, noong una'y hindi ko alam kung gaano ka kahalaga sa’king pagkatao. Tamang "Happy Teachers’ Day" lang at pakiramdam ko'y napakabuting estudyante ko na. Subalit lumilipas ang panahon, lumalawak ang pag-iisip ko, ang mga buto ng kaalamang itinanim mo sa puso't isip ko'y unti-unti nang lumalago. Saka ko napagtanto kung bakit ako naging ganito. Hindi lamang dahil sa pamilya't mga kaibigan ko, kundi dahil na rin sa'yo.

Pasensya na kung madalas akong sakit sa ulo. Ikaw pa nga ang naghahabol sa mga requirements na hindi ko naipapasa sa tamang petsa. Ikaw ang nagpapaalala kapag napapansin mong bumababa ang aking mga marka. Ikaw ang nagpapayo sa tuwing nasasangkot ako sa mga problema, mapa-late lang 'yan o away-bata. Ikaw ang striktong guro sa loob ng silid-aralan ngunit nariyan bilang kaibigan sa oras ng pangangailangan. Ikaw ang nanindigan na aking magulang sa ikalawa kong tahanan.

Kaya salamat. Salamat sa paggising mo ng maaga, sa paghahanda ng lesson plan, sa pagpasok mo sa klase, sa paggawa ng marka, sa mga payo at paalala, sa iyong walang hanggang pasensya at pang-unawa, at sa pagmamahal mo sa aming mga anak mo. Maraming salamat sa hindi mo pagsuko. Maraming salamat sa pananatili sa kabila ng hirap at pagod na dinaranas mo. Taos puso akong nagpapasalamat sa lahat ng iyong mga ginawa, ginagawa at gagawin pa.

Gusto ko lang malaman mo na ang mga ginagawa mo para sa akin, sa amin, lahat iyon ay tumatatak at may naiiwang bakas sa aking pagkatao. Higit pa sa mga kaalamang pang-akademiko ang napupulot ko sa'yo bagkus ay mga aral sa buhay na magagamit namin sa oras na maranasan ko ang lupit ng buhay sa tunay na mundo.

Tatapusin ko ang liham na ito sa pagsara ng iyong mga mata tuwing gabi upang ika’y makapagpahinga. Nais ko lang ipaalala sa'yo na kahit gaano pa katibay ang iyong katawan, nangangailangan pa rin ito ng aruga at atensyon. Kaya't huwag na huwag mong kaliligtaang pangalagaan at pahalagahan ang iyong kalusugan nang marami ka pang mabahagian ng kaalaman at aral mula sa iyong mga naging karanasan.

Sana'y hindi lang po ngayong buwan ng mga guro mo maramdaman ang init ng pagtanggap at pagmamahal ko sa'yo hindi bilang estudyanteng pasaway kundi bilang iyong anak na napalaki mo nang mahusay. Happy Teachers’ Day po Ma’am/Sir!

Nagmamahal at umaalala,

Iyong anak sa paaralan

1
$ 0.00
Avatar for bloodypen
3 years ago
Topics: Life, Writing, Blog, Experiences, Story, ...

Comments