0
3
Nakadungaw sa bintana, mga mata'y mapanglaw na nakatitig sa kawalan, Mga labi'y may bahid ng ngiti ngunit bakas pa rin ang kalungkutan, Sobrang katahimikan na tanging naririnig ay mga patak ng ulan,
Samyo ng hangin ay patuloy na yumayakap sa buong katawan.
Maraming tanong na sa isipan lang naglalagi,
Ni minsan ay hindi nagkaroon ng lakas ng loob na masambit ng labi,
Mga unan ay laging basa ng luha tuwing gabi,
Hinahanap ngunit hindi masumpungan mga taong wala sa ating tabi.
Paano? Paano nga ba?
Maibabalik pa ba ang tunay na ngiting nawala na?
Saan ba? Saan nga ba?
Marahil ay sa kailaliman ng isang pusong mahiwaga.