Kapag sinabi kong mahal kita, ang ibig kong sabihin ay mahal kita.
Kapag sinabi kong mahal kita, ang ibig kong sabihin ay handa
akong maghintay gaano man katagal.
Mahal, maiinip ako sa paghihintay pero hindi ibig sabihin nun ay susuko na ako.
Magpapahinga lang pero hindi susuko.
Dahil mahal, ang tunay na pagmamahal ay hindi agad sumusuko maging napakahirap man ng mga pangyayari.
Kapag sinabi kong mahal kita, ang ibig kong sabihin ay mahal kita maging sino ka man.
Masama. Mabait. Makulit. Pala-asar. Mainisin. Ano pa ba?
Ang aking mahal kita ay ang pagtanggap ng mga pagkakamali mo.
Dahil mahal, wala namang perpektong tao. Lahat tayo ay nagkakamali. Pero hindi ibig sabihin nun ay bibitawan na kita sa oras na magkamali ka.
Mahal, kapag sinabi kong mahal kita, ang ibig kong sabihin ay nandito ako hanggang sa dulo.
Sa dulo kung saan hindi ko alam kung may hangganan ba o wala. Pero sabi nila lahat ng bagay may hangganan. Lahat ng bagay may katapusan. Lahat matatapos din.
Pero mahal, mapunta man tayo sa dulo ay handa pa din akong umasa at maghintay.
Handa akong umasa na ang dulong ating patutunguhan ay bagong simula lamang para sa atin.
Dahil mahal, ayokong matapos ito. Ayokong matapos ang pag-ibig na meron sa atin.
Dahil mahal, sa'yo ko naramdaman ang tunay na pagmamahal.
Sa'yo ko naramdaman ulit ang pakiramdam ng mga paru-parong nagwawala sa aking kalamnan.
Sa'yo ko naramdamang sumaya ulit.
Dahil mahal, mahal na mahal kita.
Ikaw ang dahilan kung bakit kahit tag-ulan ay may liwanag pa rin sa aking mundo.
Ikaw ang dahilan ng bahag-haring patuloy na lumalabas pagkatapos ng bagyo.
Mahal, nasabi ko na ba sa'yong mahal kita?
Malamang nasabi ko na nga. Hula ko nakangiti ka ngayon habang binabasa mo ang tula na ito.
Pero mahal, salamat. Alam kong ilang ulit na ngunit salamat. Salamat sa lahat. Mahal kita.