Wika at Ang Tatlong Mukha

0 23
Avatar for amirahhh
3 years ago

 

Sa mundo ay may iba’t ibang lengguwahe na dahilan upang magkaintindihan ang mga tao. Sa bawat wika na ito ay may hinuhubog itong kultura at tradisyon na siya nagpapayabong sa isang bansa. At sa bawat lugar sa mga bansang ito ay may mga taong iba iba ang estruktura at paggamit ng wika.

Ang  wika ay nahahati sa dalawang uri, ang pormal at impormal na wika. Ang pormal na wika ay kadalasang ginagamit sa opisina, paaralan, at sa iba pang bahagi ng lipunan na masasabi nating nakakaangat. Ang pormal na wika ay nahahati sa dalawa ito ay tinatawag na pambansa at pampanitikan. Ang Pambansa ay karaniwang ginagamit sa pamahalaan at paaralan. Bawat bansa ay may kani kaniyang wika at gaya nila ang pilipinas ay may wikang Pambansa, Filipino. Sunod ay ang pampanitikan, kadalasang gumagamit ng mga idyoma at tayutay at ginagamit ang salita sa ibang kahulugan. Ang dalawang bagay na mapapansin sa antas sa ilalim ng pormal ay ang pagpapalawak pa ng paggamit ng pambansang wika at pagiging malikhain sa pagpili ng mga salita na mas kaaya aya sa pandinig ng isang tao. Ang impormal na wika naman ay nahahati sa tatlong antas,  ang balbal, kolokyal at lalawiganin. Ang balbal o pabalbal na mga salita ay karaniwang maririnig sa mga lansangan o kalye. Mas kilala rin ang tawag dito sa ingles na slang. Ang kolokyal ay may pagkakahawig sa pambansa ngunit ito ay mas pinaikli. Hinalaw ito sa ibang salita sa pinaikli upang mas madali ang pagsambit sa mga salita. Ang lalawiganin o panlalawigan ay ang mga salita sa bawat rehiyon na ginagamit nila katulad ng Bicolano, Cebuano, Ilokano at iba pa.  Mahalaga ang mga impormal na wika dahil kagaya ng panlalawigan ay sumasalamin ito sa kung ano ang kultura ng tao sa bawat rehiyon.  Makakatulong din ang impormal na wika upang makasabay sa pagtakbo ng panahon dahil sa paglipas ng mga oras ang wika ay nagbabago rin o may umuusbong pang mga salita na iba ngunit natatangi. Sinasabi rin na may tatlong mukha ang wika. Makilala ang tatlong mukha ng wika batay sa paggamit nito. Una ay wika bilang ekspresyon, makikilala mo ito batay sa damdamin na nakapaoob sa mga salita. Ang mga tono, diin at intonasyon ng mga salita ay ang batayan upang makilala ito. Sunod ay ang wika bilang pagpapakahulugan,  nagbibigay ito ng pagpapakahulugan batay sap ag gamit ng wika. At ang huli ay wika bilang konsepto, makikilala ito batay sa kapaligiran. Nagagamit ito kung ano ang hinihingi ng pangyayari. Mahalaga ang tatlong wika ng wika dahil nagbibigay ito ng kaalaman kung ano uri ng wika ang ginagamit mo at makakatulong ito sa pagkilala sa mga tao nakakasalamuha mo. Halimbawa nalang sa paggamit ng mga tono at intonasyon ay makikita mo kung anong ekspresyon at damdamin ang kanilang nararamdaman.

Sa kabuuan mahalaga ang antas ng wika at ang tatlong mukha nito dahil ang mga ito ang kumikilala kung anong uri ng mga salita ang ginagamit, kung anong mga pagkakaiba ng mga ito at kung anong salita ang angkop sa mga pangyayari. Dito mas mapapatalim pa ang isip upang maging mas malikhain sa paggamit nito.

1
$ 0.00
Avatar for amirahhh
3 years ago

Comments