Nong ako'y nasa sinapupunan pa ni mama

0 21
Avatar for Zachy.3
4 years ago

Sabay akong nakipagsapalaran at nakipagkarerahan sa mga milyon-milyong katulad ko, makita ko lamang ang ganda ng sinasabi nilang mundo. Tiniis ko ang lahat maabot lamang ang lugar kung saan sana ako nagsisimulang mabuhay. Sa awa ng Panginoon, tadhana na siguro ang manalo sa karerang iyon at ngayo'y nasa sinapupunan na nga ako. Napakasaya ko sa panahong iyon dahil sa akala ko pagkakataon ko na ang mapagmasdan ang napakagandang likha ng Diyos, ngunit hindi pala naging masaya ang aking mga magulang sa aking pagkakabuo dahil para sa kanila sagabal lang ako sa kanilang mga pangarap. Bunga lamang ako ng kanilang kamuwangan, kuryosidad at minsang pagkakamali. Kaya ginawa nila lahat para matakpan at maitago ang sa akala nilang kahihiyan, ginawa nila ang lahat ng paraan matanggal lamang ang buhay na nasa sinapupunan ng aking tatawaging "mama". Unti-unti nga nila akong pinatay sa pamamagitan ng pag-inom ni mama ng tableta at pagpapagod sa kanyang sarili ngunit hindi sila nagtagumpay sa maitim nilang balak dahil nagpakatatag ako at pilit kong nilabanan lahat.

Ngunit isang araw, laking gulat ko ng may isang liwanag na pumasok sa aking kinalalagyan. Pinatay nga nila ako gamit ang modernong kagamitan. Hindi ko akalain iyon na pala ang dahilan sa pagkakabigong makita ko ang mundo. Sa pamamagitan ng modernong kasangkapan, napunit nga ako, wala akong magawa, nais ko sanang sumigaw at magmakaawa sa kanila ngunit hindi ko magawa. Napaiyak na lamang ako ng marinig ko ang mama kong umiiyak dahil nasasaktan. Ang araw na iyon pala ang maglulugmok ng lahat ng pangarap ko sa wala at ang katapusan ng aking pakikipagsapalaran.

Nailabas nga ako sa aking kinaroronan na wala namang buhay, gutay-gutay at nagkahiwa-hiwalay ang bahagi ng aking katawan gamit ang modernong teknolohiya. Nais kong magalit sa kanila pero hindi ko magawa. Napaiyak na lamang ako habang pinagmasdan ang kanilang mga ginagawa. Hindi man lamang nila ipinatikim sa akin kung paano mai-hele ng ina, hindi ko na matitikman ang halik ng mapag-arugang mga magulang, makainom ng gatas ng aking mama, hindi ko na rin makikita ang mga ngiti sa kanilang labi at lalong-lalo nang hindi man lamang nila mapapatikim sa akin kung paano maikulong sa kanilang mga bisig at sabihin kung gaano ko sila kamahal. Ipinagdamot nila ang pagkakataong mabuhay na kasama sila at makita ang pinakaaasam-asam na kagandahan ng mundo.

Tadhana na rin siguro ang may gusto na maganap ang masaklap na pangyayaring iyon sa aking buhay. Laking pasasalamat ko pa rin sa kanila na sa ganoon kaikling panahon, naranasan ko kung paano mabuhay sa loob ng sinapupunan ni mama.

1
$ 0.04
$ 0.04 from @TheRandomRewarder
Avatar for Zachy.3
4 years ago

Comments