Di ko na alam kung ano ba dapat kong gawin. Ako'y nahihirapang mag-isip kung ano ba talaga ang kahihinatnan nitong nararamdaman ko sa kanya. Mahirap umasa na sana may pagtingin din sya sa akin. Mahirap din na mag-isip kung may gusto na ba siyang iba. Iniisip ko pa lang na baka may gusto siyang iba ay parang sumisikip ang puso ko. Di ko maintindihan ang pakiramdam na ganito. Ganito nga ba pag may nagugustuhan ka at gusto mong ang atensyon niya ay matuon sayo? Palagi ko siyang iniisip at palagi ko rin siyang gustong makausap. Araw-araw ay lagi ko siyang iniisip at parang mababaliw ako sa kakaisip sa kanya.
May tanong ako sa aking sarili, kung ako ba'y magtapat sa kanya ay matutuwa kaya siya? Minsan iniisip ko na baka may pagtingin din siya sa akin ngunit minsan naman ay pinanghihinaan ako ng loob at naiisip ko na imposibleng magkagusto siya sa isang katulad ko. Ako kasi yung taong walang kayang ipagmalaki sa buhay at wala pang kayang ibigay na mga materyal na bagay para sa kanya. Ang kaya ko lang na ibigay sa kanya ng buong-buo ay ang puso ko na nagmamahal. Ngunit, kahit na ganito lamang ako ay gusto kong maibigay sa kanya ang lahat-lahat. Dahil sa kanya ay nagkakaroon ako ng inspirasyon at determinasyon na harapin ang hamon ng buhay at abutin ang aking mga pangarap. Kasama siya sa mga pangarap na gusto kong makamit at gagawin ko ang lahat para matupad ang lahat ng iyon.
At sana isang araw, kapag nagkalakas ako ng loob na magtapat sa kanya ay sana'y tanggapin nya ako sa kanyang puso. Gusto ko siyang alagaan at protektahan. Gusto kong mapasaya siya araw-araw at gusto kong madama nya ang mahalin ng buong puso. Nais kong ipadama sa kanya ang alaga, proteksyon at pagmamahal na buong puso kong nais na ihandog sa kanya. Sa aking pagtatapat sa kanya at kung ano man ang magiging resulta nito ay sana'y walang magbago sa aming pakikitungo sa isa't isa. Sana lang . . .
great article my dear freind