Maraming kinakaharap na suliranin ang Pilipinas. Mga suliraning dahilan kung bakit mabagal ang ating pag-unlad. Ilan sa mga suliraning kinakaharap natin ay ang kahirapan, kriminalidad, korapsyon sa gobyerno at maramin pang iba. Ngunit sa mga suliraning ito, kahirapan ang pinakasuliranin ng ating bansa.
Marami sa ating mga kababayang Pilipino ang nakararanas ng kahirapan dahil sa kawalan ng trabaho, kakulangan sa edukasyon, korapsyon sa gobyerno at marami pang iba. Dahil dito, marami sa ating mga mamamayan ang kumakalam ang sikmura sapagkat walang makain, kung makakain man ay sapat na sa kanila ang makakain ng dalawa o isang beses sa isang araw. Upang mapunan ang kalam ng sikmura, may iba sa ating kababayan ang nagtitiis na kumain ng tinatawag na pagpag.
Ang pagpag ay ang pagkaing tira-tira mula sa mga kainan na kinukuha ng iba nating kababayan upang lutuin ulit at mapakinabangan pa. Ang mga tira-tirang ito ay dinadala sa isang lugar kung saan ito ay itatambak upang maibasura na. Ngunit ilan sa ating mga kababayan ang matiyagang nag-aabang sa pagdating ng mga tira-tirang pagkain na ito upang kanilang mapakinabangan ulit. Muli nila itong iniluluto upang mapagsaluhan ng kanilang pamilya o kaya’y may iba na ginagawa itong hanap-buhay at ibinebenta nila ito sa murang halaga.
Ito ay isa lamang sa mga napakaraming pangyayari na nagpapakita ng tunay na kalagayan sa ating bansa. Isa lamang ito sa mga totoong pangyayari na sumisimbolo sa kahirapang nararanasan ng bawat Pilipino. Minsan ang kahirapan ang sanhi ng hindi kanais-nais na gawain ng ibang Pilipino. Mas pinipili nilang mandaya o manlamang sa kapwa upang lamang ay mabuhay. Halimbawa dito ay ang illigal na pangingisda, gumagamit ng pampasabog ang iba sa kanila upang makapanghuli ng isda at maibenta sa palengke. Maging sa pagbebenta ay dinaraya din nila upang madaling mabenta. Dinaraya nila ang itsura ng isda upang magmukhang presko pa at bagong huli upang kanilang maibenta. Ang tagpong ito ay nagpapatunay lamang na upang mabuhay ay pinipili ng iba sa atin ang mandaya o manlamang sa ating kapwa.
Ito ang mga dahilan kung bakit hindi makaahon sa kahirapan ang Pilipino dahil na din sa panglalamang nila sa kapwa nila. Imbis na magtulungan ay mas lalo nilang inilulugmok ang kapwa nila sa kahirapan.
Tunay ngang maraming suliranin ang kinakahirap ng mga Pilipino , lalong-lalo na sa panahon ngayon. Gayunpaman , nasa kultura na natin ang pagiging masiyahin , kahit may mga pinagdadaanan sa buhay.