Sa buhay, hindi na maiaalis ang mga panahong nakararanas tayo ng mga mabibigat na problema at kalungkutan. Mga panahong pakiramdam natin ay mag-isa tayo at walang nakakaintindi sa atin. Sa mga panahong ganito ang ating nararamdaman at nararanasan ay madalas gusto nating mapag-isa at magisip-isip sa buhay.
Gusto ko lamang ibahagi sa inyo kung ano ang isang bagay na nakapapawi ng aking kalungkutan at problema. Bagay na nakapagbibigay sa akin ng kapanatagan sa tuwing ako'y nakararanas ng problema at kalungkutan. Ang bagay na aking tinutukoy ay kape, Oo kape. Mula sa aking pagkabata ay nasanay na ako na sa tuwing ako'y malungkot o kaya'y napapagalitan ng aking magulang ay magtitimpla ako ng kape at pupunta ako sa isang lugar kung saan ako lamang at ang aking kape ang naroroon. Sa bawat higop ko dito ay nakakaramdam ako ng kapanatagan at kapayapaan sa aking sarili. Di ko maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang epekto nito sa akin.
Alam ko na bawat isa sa atin ay may isang bagay o tao na takbuhan natin sa oras ng problema. Sila ang nagsisilbing panyo sa tuwing tayo'y naiiyak, nagsisilbing unan sa tuwing nawawala ang ating kapanatagan sa ating sarili, at sila ang nagsisilbing instrumento upang tayo'y bumangon ulit at magpatuloy sa buhay. Ikaw, anong bagay ang nakakapagpawi ng iyong kalungkutan?