Problema sa Bato (Kidneys) at Pag-ihi
Payo ni Doc Willie Ong
Impeksyon sa ihi o UTI: Alam ba ninyo na…
1. Isa sa apat na mag-aaral sa public school ay may problema sa pag-ihi o may impeksyon sa ihi.
2. Ang tinatawag na Honeymoon Cystitis ay ang pagkakaroon ng impeksyon sa ihi na nangyayari pagkatapos ng pagtatalik.
3. Ang simpleng UTI ay puwedeng umakyat sa kidneys at makasira nito. Puwede itong magdulot ng kidney failure na mangangailangan ng dialysis.
4. Mas madalas magkaroon ng UTI ang kababaihan dahil maiksi ang daanan ng ihi nila, hindi katulad ng mga kalalakihan.
5. Uminom ng 8 hanggang 10 baso kada araw. Pero huwag din lalampas sa 16 na baso sa isang araw.
6. Pagkatapos magtalik, piliting umihi at maghugas ng puwerta para hindi magkaroon ng impeksyon.
Mag-ingat dahil marami ang may sakit sa kidneys:
1. Ang nephrotic syndrome ay isang sakit kung saan naglalabas ng protina ang mga kidneys ng pasyente at nagdudulot ng pagmamanas ng paa at mukha.
2. Kung may sakit sa kidneys, mag-ingat sa high-protein diet tulad ng Southbeach at Atkin’s diet dahil ito’y nagpapahirap sa trabaho ng kidneys.
3. May 10,000 Pilipino kada taon ang nangangailangan ng dialysis. Kalahati sa kanila ay walang pera para umpisahan ang dialysis.
4. Ang dialysis ay isa sa pinakamahal na gamutan. Aabot ng P3,000 bawat dialysis at P36,000 kada buwan ang gastos
5. Ang kidney transplant ay nagkakahalaga ng 1.5 million pesos para sa pribadong pasyente at P500,000 sa charity case.
Paano aalagaan ang kidneys?
1. Huwag araw-arawin ang pag-inom ng pain relievers dahil ito’y makasisira ng kidneys.
2. Umiwas sa mga maaalat na pagkain at sawsawan, dahil nakasasama ito sa kidneys. Bawasan ang pagkain ng toyo, patis, bagoong, daing at tuyo.
3. Iwasan din ang pagkain ng junk foods at sitsirya na maraming vetsin.
4. Kung mahilig sa instant noodles, bawasan ang alat (seasoning) na inilalagay dito. Kalahati lang ang ilagay para hindi mahirapan ang ating kidneys.
5. Tandaan, uminom ng 8 hanggang 10 basong tubig sa maghapon para manatiling malinis ang ating katawan at healthy ang kidneys