Kahit nasa gitna tayo ng umiiral na krisis dulot ng Covid-19 ay hindi maikakaila na may naibabalitang mga rally ng mga kontra sa ipinapatupad ng gobyerno at ng mga gustong mapatalsik ang mga lider ng bansa sa kanilang pwesto. Ngunit, nagbabala ang kinauukulan at nagbigay na rin ng kaniya-kaniyang pahayag ang ilang sangay ng pamahalaan bilang pagtugon sa mga kaganapang ito. Isa na lamang ang ating Presidente na nagsabing “maging banta sana ito sa lahat. Sundin ang lang ngayon ang gobyerno dahil kritikal ito.” Nanawagan din ang Malacanang sa publiko na “maging mainahon sana ang lahat sa gitna ng Covid-19 outbreak.” Ayon pa sa National Capital Region Police Office “aarestuhin at kakasuhan ng breach of the peace kung magsasagawa ng kilos-protesta sa gitna ng Enhanced Community Quaantine (ECQ).” Sinabi pa ng gobyerno na “maglalaan tayo ng budget para sa mahihirap na pamilyang apektado ng sapilitang quarantine at manatili na lang sa loob ng bahay sa halip na sumali sa mga protesta.” Wika naman ng Presidential Spokesperson na si Salvador Panelo na “inaasahan ng Palasyo na ginagawa ng mga kaukulang ahensya ang lahat para masiguro ang kapakanan ng bansa.”
Mula sa mga pahayag na ito, ang aking pananaw ay maaring marami ang hindi nagkakagusto sa Pangulo ngunit kailangang mahigpit na sundin ang mga nasabing pahayag sapagkat ito rin ang makakabuti sa atin. Hindi porket taliwas ang isang grupo sa mga ginagawang kilos ng gobyerno ay kailangan nang magrally ang mga ito. Dapat isaalang-alang pa rin ang kaligtasan kaysa sa mga personal na kagustuhan. Isa ring dahilan ang gutom at kawalan ng tiwala sa gobyerno kaya umabot ang mga tao sa pagrarally. Ngunit, mula sa mga pahayag na ito, manaig sana ang respeto ng mga tao para dito dahil kung paiiralin lang ang sariling pakay, mas maraming buhay ang tiyak na manganganib. Dapat maisaalang-alang talaga ang kapakanan ng bansa lalo na ng mga talagang kapos-palad na hindi alam ang gagawin ngayon. Ngunit, dapat ding siguraduhin na mapupunta ang tulong sa higit na nangangailangan hindi sa mga mapagsamantala at nagkukunwaring nangangailangan.
Sa lahat ng ito, akin ding masasabi na maaari namang maresolba ang mga bagay na ito basta’t may kooperasyon ang lahat. Pwede namang daanin sa maayos na usapan ang lahat at hindi na kailangan pang daanin ito sa pagrarally dahil ang kilos na ito ay baka magdulot lamang ng kapahamakan. Kung hindi man nagugustuhan ang mga ginagawang aksyon ng gobyerno ay kailangang manaig pa rin ang pag-unawa at pagsunod dito dahil sa panahon ngayon kinakailangan ang pagkakaisa ng lahat. Huwag nang gumawa pa ng isang bagay na magpapahamak lang sa sarili at magdudulot ng dagdag na pasanin. Kaya kung gustong mapagtagumpayan ang krisis na ito, kailangang gawin ang makakabuti para sa atin.