Hatid sa Kabilang Buhay

0 51
Avatar for Tamia
Written by
3 years ago
Topics: Story, Death

Lahat ng nilikha ng diyos ay itinadhana ring mawala o humantong sa kamatayan, kahit tayo sa sarili natin ay hindi alam kung hanggang kailan lang tayo mananatiling humihinga sa mundong ibabaw sumakatuwid walang nakaka alam ng kamatayan ng bawat isa. Ngunit minsan, naisip mo na rin ba kung ano ang mangyayari kapag ikaw ay namatay?

Diyan papasok ang mga paniniwala nating mga pilipino tuwing may namatay, gaya na lamang ng pagpapagpag kapag tayo ay galing sa burol ng isang namatay, dahil pinaniniwalaang sumusunod ang kaluluwa ng namatay sa mga dumalaw at ang tanging paraan lamang nito para maitigil ay ang pagpunta pansamantala sa ibang lugar o pagpapaligo ng asin sa sarili. Pangalawa, bawal na matuluan ng ating mga luha ang salamin ng kabaong ng namatay. Pangatlo ay ang paniniwalang ang mga paro paro ang nagsisilbing kaluluwa ng namatay upang ipakita sa pamilya nito ang presensya nya, at marami pang iba.

Ilan lamang ang mga iyon sa mga paniniwala nating mga pilipino tuwing tayo ay namatayan ngunit may isa lamang rin akong tanong, Naniniwala ka ba sa sundo?

Marahil ay namatayan kana, pamilya, kaibigan o kakilala lamang. Naniniwala ka bang sinundo ang mga kaluluwa nila?

May ikekwento ako sa inyo na isang pangyayaring nagpapakita ng pagsundo sa kaluluwa ng isang taong buhay pa, ito ay galing sa aking nakatatandang kapatid at ito'y purong nangyari sa totoong buhay.

January 2014, Inalok ang aking kapatid ng isang trabaho ng kaniyang kilalang kaibigan. Tinanggap agad nya ito dahil nagkataong kailangan rin nya ng trabaho dahil kakatapos lang maitayo ng pinagtatrabuhan nya sa loob ng dalawang buwan bilang isang construction worker. Matapos tanggapin ang inalok na trabaho ay agad nya itong ipinaalam sa aming mga magulang at umayon naman sila dito. Ang ibinigay sa kaniyang trabaho ay ang pagbantay lamang sa isang matanda na kasalukuyang may sakit at ipinapagamot ng mga anak nito sa mula sa ibang bansa. Base sa kwento ng aking kapatid, wala nang kamag anak ang matanda dito sa pilipinas dahil ang lahat ng anak nya ay nakatira na sa ibang bansa at balak na rin syang kunin upang makasama ito ngunit naudlot ito nang magkasakit ang kanilang ama.

Sa mga unang araw ng pananatili ng aking kapatid sa bahay kasama ang matanda ay normal pa ang lahat, minsan ay nagkakausap pa sila ng matanda tuwing ito'y sawa na sa pakikinig sa radyo. Makalipas pa ng ilang araw napagdesisyunan ng aking kapatid na ipaalam sa mga kapatid nito na kung pwede ay magkaroon sya ng kasama sa bahay dahil sa iisa lamang sya nahihirapan sya lalo kung itatayo ang matanda o ihihiga, pumayag naman ang mga anak na magkaroon ng katuwang ang aking kapatid sa pag aalaga sa matanda kaya isanama nya ang isa nyang matalik na kaibigan sa trabahong ibinigay sa kaniya. Nang silang dalawa na ang kasama ng matanda sa bahay, dito na nagsimula ang kapansin pansin nilang pag iiba sa pag uugali ng matanda.

Minsan ay tuwing gabi, naririnig nila ang matanda mula sa kabilang kwarto na tila ay may kausap. Lumipas pa ang mga araw lumalala ang mga mga nangyayari sa matanda. Minsan ay nasuka nito ang kaniyang kinakain at pilit na sinasabi sa kapatid ko at sa kaibigan nito na may mukha ang suka niya. Parati nya itong sinasabi sa tuwing nasusuka sya na para daw na may nakatingin sa kaniyang mukha mula sa palanggana. Sa sunod na araw ay tinawag daw sila nito at pilit na sinasabing patayin ang ilaw at isarado ang mga bintana dahil sa sobrang liwanag raw ng paligid, ngunit ang ipinagtataka naman nilang dalawa ay patay naman ang ilaw at tanging liwanag lamang mula sa kanyang lamp ang nakasindi at higit sa lahat ay gabi noon ng mangyari iyon. Sa sumunod na araw ay napansin parin nila na tila may kausap ito ngunit wala naman. Kinabukasan, habang nililinis nila ang katawan ng matanda ay napansin nilang nakatitig lamang ang matanda sa bandang kusina ng bahay at walang imik, tinanong nila ito kung ano ang tinitingnan nito at sumagot ito, may mga taong nakatayo raw sa kusina nila at nakatitig rin sa kanila, hindi lamang iisang tao kundi mga lima, ang karamihan umano sa mga ito ay patay na at ang iba ang buhay pa. Nagulat silang dalawa sa sinabi ng matanda at bahagyang natakot dahil tatatlo lamang sila sa bahay na iyon. Ipinagsawalang bahala nila ito dahil mas nangibabaw sa kanila na baka ito ay naghahallucinate lamang dahil sa iniinda nitong sakit at kung ano ano na ang pumapasok sa isip nito.

Ngunit nang kinagabihan din ng araw na iyon matapos nilang kumain at pakainin ang matanda iniwan na nila ito sa kwarto nang nakabukas lamang ang pinto upang marinig agad nila kung tatawagin sila nito. Nasa kalagitnaan na ng gabi at napansin nilang wala nang naririnig na boses ng matanda o kahit na ano mang ingay mula sa kabilang kwarto kaya agad nila itong tiningnan. Nakita nila ang matanda na nakaupo sa paborito nitong upuan at wala nang buhay, tinangka pa nila itong itakbo sa ospital ngunit wala na itong pulso.

Photo from google

Matapos ang lahat nagdalawang isip na ang aking kapatid at kaibigan nito na hindi kaya may kinalaman ang mga sinasabi at nakikita ng matanda noong buhay pa ito sa kamatayan nito.

Gif from Pinterest

Wala nang mas may ikasasakit pa ang mawala ang isa sa mga taong pinaka pinahahalagahan natin. Mahirap tanggapin ngunit ganoon talaga ang buhay.

Gayunpaman, maaaring hallucination nga lang ang mga bagay na kagaya nito. Ngunit kagaya na nga lamang sa mundong ito, marami pang hindi natutuklasan at napapatunayan ang tao dahil baka ang iba rito ay mapapatunayan lamang natin kapag dumating na ang panahong iyon sa atin.

Maraming salamat sa pagbabasa kaibigan ♥♥♥

Images used:

https://www.pinterest.ph/pin/716635359439120447/

https://www.pinterest.ph/pin/635007616187831408/

https://www.google.com/search?q=old+man+in+a+room&client=ms-android-oppo&prmd=ivsn&sxsrf=ALeKk00rqtLaPyMJHRT4LkkiOW7Cy_ldOQ:1624962042063&source=lnms&tbm=isch&sa=X&ved=2ahUKEwjkiamqz7zxAhUJG6YKHY11C5QQ_AUoAXoECAIQAg&biw=360&bih=566#imgrc=q3qZ9iA0_tftbM

1
$ 0.00
Sponsors of Tamia
empty
empty
empty
Avatar for Tamia
Written by
3 years ago
Topics: Story, Death

Comments