Ang Masalimuot na Nakaraan

0 21
Avatar for Tamia
Written by
3 years ago

Nagising ako noon mula sa aking mahimbing na pagkakatulog nang marinig ko ang pag-galaw ng aking dalawang taong gulang na kapatid sa aking tabi na siyang agad kong ikinabahala sapagkat akala ko'y magsisimula na siyang umiyak at makagawa ng ingay ngunit laking pasasalamat namin nang siya'y bumalik muli sa mahimbing nitong pagkakatulog.

Matapos kong siguraduhing tulog na ang aking kapatid ay agad na akong bumangon at tinulungan ang aking inay sa paghahanda ng mais na aming kakainin para sa aming almusal. Maya maya ay tinawag ko na ang aking mga nakakabatang kapatid na si hulyo at josefina, matapos ay sinunod ko nang tawagin ang aking ama na nasa sulok at abalang inaayos ang kanyang mga sandata, tumango lamang siya bilang isang senyas na ibig sabihin ay "Susunod na lamang ako".

Sa gitna ng aming pagkain ng isinaing na mais ng aking ina ay may narinig kaming mga pagsabog sa di kalayuan, agad agad na nabahala ang aking ama at ina kaya't tumayo ang aking ama at pinapunta kami sa pinaka sulok ng aming tahanan na nasa ilalim ng lupa. Agad na inilabas ng aking ama ang kanyang mga sandata at sumilip sa maliit na butas sa lupa na ginawa niya upang malaman kung ano ang mga kaganapan sa itaas. Matapos ang ilang minuto ay may narinig uli kaming mga putok na mistulang galing sa mga baril, labis ang takot na nadarama namin noon lalo na ang aking ina na nakayapos lang sa aming magkakapatid. Ilang minuto pa naming naririnig ang palitan ng putok na para bang galing sa dalawang magkaibang grupo. At ang mas ikinatakot pa namin ay nang may marinig na kaming mga ibang pilipinong sumisigaw, sumisigaw sa galit at hirap sa kamay ng mga mapagsamantalang mga banyaga. Maya maya ay mistulang nabingi kami sa isang pagsabog na siyang nagpayanig ng aming tirahan sa ilalim ng lupa, at ang pagsabog na iyon ay nanggaling na sa mga naglalakihang mga kanyon at tangke. Umiiyak na kaming lahat sa takot sa mga oras na iyon, nakita ko ang aking inang takot na takot at umiiyak habang mahigpit parin ang pagkakayakap sa amin, nakita ko ang aking amang dedikadong protektahan kami sa kahit anong paraan na kaya niya kahit buhay man niya ang isaalang alang.

Ay dahil sa mga pagsabog na ito ay siyang dahilan para umiyak ng malakas ang aking bunsong kapatid. Pilit namin na pinapatahan siya mula sa kanyang pagkakaiyak ngunit kami ay hindi nagtagumpay nang ang isa sa mga banyaga ang makarinig ng pag iyak ng isang bata. At sa mga sandaling ito, mistulang panaginip nalang ang lahat na para bang bumagal ang oras at pangyayari sa paningin ko. Agad na hinanap ng mga banyaga ang lagusan sa aming tahanan na siyang natatakpan lamang ng mga bato at mga halaman. Mistulang nagliwanag ang dating nababalot ng dalim na aming tahanan, nakita ko ang mahahabang mga baril ng mga banyaga na siyang nakatutok sa aking ama na siyang pumunta sa aming harapan upang protektahan kami. Gawa ng marami sila ay wala nang nagawa ang aking ama nang bigla siya nitong hawakan sa magkabilang kamay at kinaladkad pataas, labis ang aking galit at iyak nang mga oras na iyon, matapos ay sinunod nila ang aking ina na siyang hindi bumibitaw sa pagkakayakap sa amin, ngunit dahil na rin sa laki at lakas ng mga ito, napabitaw ang aming ina sa amin at ginapos na siyang dahilan ng pagbigay sa akin ng aking ina sa aking bunsong kapatid na isang dalawang gulang pa lamang , hanggang sa lahat kami ay tuluyan nang nailabas lahat mula sa ilalim ng lupa.

Nasaksihan ko ang bawat putok ng baril mula sa mga armas ng mga banyaga na siyang tumatagos sa bawat katawan ng aking kapwa pilipinong nakikipag laban sa gyerang ito. Nasaksihan ko kung paano sirain ng mga naglalakihang mga kanyon ang mga puno, bahay at lupa. Sa paglingon ko sa aking kaliwa ay nakita ko ang pag alipusta at pananakit ng mga banyaga sa aking ama habang ito ay nakagapos, labis ang galit sa mata ng aking ama nang makita niya rin ang pag kaladkad ng isang banyaga sa aking inay na walang ibang ginawa kundi ang magmakaawa ngunit inilayo nila ang aming ina sa amin. At sa sandaling makita kami ng aking ama na umiiyak at nasa gitna ng mga nagpuputukang mga baril ay bigla siyang nagpumiglas upang puntahan kami, dahilan kaya't bigla siyang tinutukan sa ulo ng isang banyaga at ipinutok ito.

Sa sandaling ito, mistulang nabingi ako, na para bang iyak na lamang namin ang tanging naririnig ko, hindi ako makapaniwala sa nakita ng dalawang mata ko... pinatay nila ang ama ko! Pinatay nila!!. Sa pagbagsak sa lupa ng aking ama ay biglang bumuhos nang malakas ang ulan, kasabay ng pagbuhos din ng aking luha habang sinisigaw ang "Itaaay!". Pinatay nila ang ama kong walang ibang hinangad kundi ang kaligtasan namin... Sa sandaling ito, tila nawala ang paningin at pandinig ko ang mga nangyayaring putukan sa paligid ko, habang bitbit ko ang kapatid ko tumakbo kami sa aming amang nakabulagta sa lupa at wala nang buhay. Walang tigil ang aming pagiiyak, walang puso ang bumaril ama ko, tanging paghihinagpis at galit na lamang ang laman ng isip at damdamin ko nang nga oras na iyon.

Ngunit biglang tumigil na lamang ang lahat nang may marinig kaming "Cut!" mula sa aming direktor, sabay nagpalakpakan ang lahat dahil sa matugmpay na natapos ang eksenang ito.

♡♡♡

Bago natin makamtan ang kalayaan, marami muna ang anak na nawalan ng magulang, maraming ina/ama ang nawalan ng asawa, maraming nawalan ng pamilya at maraming buhay muna ang isinugal mula sa matatapang nating mga ninuno, makamtan lamang ang kalayaang tinatamasa natin ngayon. Isa lamang ang hinihiling ko sa pagsulat ng kwento na ito, nawa'y matuldukan o matapos na sana ang lahat ng sakitan, labanan, gyera at digmaan sa buong mundo.

At iyan ang aking kwento para sa araw na ito, maraming salamat sa pagbabasa!

Image Used:

https://www.pinterest.ph/pin/442830575854851529/ (Lead Image)

Maaari mo ring basahin ang ilan sa aking mga artikulo kung ikaw ay may oras pa ♡

Nawa'y magkaroon kayo ng isang mapagpalang araw.

1
$ 1.06
$ 1.06 from @TheRandomRewarder
Sponsors of Tamia
empty
empty
empty
Avatar for Tamia
Written by
3 years ago

Comments