The Equality between genders in our society. (Tagalog)

3 58
Avatar for SoulEater
3 years ago

Sa kasaysayan ng ating bansang Pilipinas, matatandaan natin na sa umpisa pa lamang ng sistema ay medyo nakakaangat ang mga kalalakihan. Sa pagiging pinuno pa lamang sa pamahalaan ay walang karapatan ang mga babae dito. Ang mga babae ay hindi rin maaring mag aral at sila ay dapat nasa bahay lamang. Tinuruan tayo ng ating lipunan na ang babae ay mahina at walang parte sa pagunlad ng lipunan. Sa panahon ng pananakop ng mga espanyol, karamihan sa mga babae ay nasa bahay lamang para maging ina, tagapaglinis at tagapangasiwa ng bahay, at tagabantay ng mga anak. Karamihan sa mga katulong ay babae. Kinokonsidera sa panahon na ito na ang babae ay walang kayang gawin sa lipunan kaya nasa tirahan o kumbento lamang sila. Sa panahon ng mga Amerikano, naging maayos naman ang estado ng kababaihan sa lipunan dahil sa sila ay maari ng bumoto at maiboto, ngunit noong dumating ang panahon naman ng hapon, bumaba ang estado ng mga kababaihan, karamihan sa kanila ay naging comfort women ng mga hapon. Kung babalikan natin ang mga panahon na ito ay parang nagkaroon ng ilang paglabag ng mga karapatan ng kababaihan. Kasalukuyan meron na tayong tinatawag na GAD o Gender and Development. Ito ay naglalayong gawing pantay ang karapatan ng bawat kasarian. Dahil walang GAD noon ay walang kapangyarihan ang mga kababaihan na ihayag ang kanilang mga boses para sa lipunan at lagi na lamang kalalakihan ang siyang pinapakinggan ng pamahalaan at ng lipunan. Dahil sa GAD nagkaroon ng pantay na boses ang kalalakihan at kababaihan, hindi lamang lalaki ang may boses ngunit ang  mga babae rin.  Sa aking pagkakaunawa ang unang pokus ng GAD ay patungkol sa pagkakapantay ng oportunidad at pagtrato ng maayos sa bawat kasarian. Naalala ko ang sinabi ni Dr. Brion noong aming webinar na may batas para sa mga kababaihan na naglalayong alisin ang diskriminasyon sa mga kababaihan ito ay Magna Carta of Women ( Repulic Act No. 9710).  Kung ilalagay natin ang batas na ito sa trabaho nararapat na ang mga kababaihan ay napapansin at naiiangat dahil nga sabi ni Mr. Garcia na kung kaya ng lalaki ay kaya rin ng babae, kung kaya naman ng babae ay kaya rin ng lalaki.  Walang malisya kung ang babae ay nagwewelding kung kaya naman nya ito at may karapatan siya para gawin ito. Kung sa lalaki naman ay kung mahilig sya mag makeup at ito ang hanapbuhay niya ay ayos lamang din ito. Hindi nasusukat sa hirap at dali ang gawain o trabaho ng bawat kasarian bagkus ang gusto ipakita ng GAD ang pagkakapantay pantay ng kababaihan sa  kalalakihan pagdating sa trabaho.  Bilang karagdagan, sa aspeto ng edukasyon noong una ay hindi maaring mag aral ang mga babae dahil sa paniniwala ng mga matatanda ay ang babae ay dapat nasa bahay lamang at nagaalaga ng anak ngunit sa tulong ng GAD ay namulat ang lahat. Ang mga babae ngayon ay may karapatan na ring mag aral at matupad ang trabaho na gusto nila sa hinaharap. Pangalawa na nakita ko at naintindihan ko sa GAD ay pagkakapantay-pantay sa posisyon sa trabaho. Sa natatandaan ko sa webinar nasabi roon na may naghahanap ng trabaho ngunit nagkaroon ng indirect discrimination na kung saan sinabi na para sa lalaki at babae ang trabaho ngunit kapag andoon ka na ay sasabihin sa babae na bawal sya sa isang posisyon. Mapapansin natin na may diskriminasyon na nangyari. Kaya naman may CEDAW o Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination against Women. Ito ay naglalayong alisin ang hindi pagkakapantay ng mga kababaihan sa kalalakihan at matamasa nila ang pantay na karapatan ng bawat isa. Pangatlo na naintindihan ko ay pagkakapantay pantay sa kaligtasan at maayos na paligid sa trabaho at seguridad. Alam naman natin na tuwing gabi nangyayari ang mga krimen katulad na lamang ng panghahalay sa kababaihan. Dahil sa kakulangan ng mga ilaw, transportasyon at mga tanod sa paligid. Hindi lamang lalaki ang maaring magtrabaho tuwing gabi kaya nararapat lamang na maayos ang paligid at ligtas sa kapahamakan para sa ating mga kababaihan upang makapagtrabaho sila ng maayos at ligtas. Pang apat ay pagkakapantay sa sweldo o sahod ng bawat kasarian. Hindi porke lalaki ay sya na ang mataas ang sahod kung pareho naman ang trabaho ng lalaki sa babae. Panglima na nalaman at naintindihan ko sa GAD ay pagkakapantay sa pagunlad sa trabaho na pinili ng bawat kasarian. Hindi lamang lalaki ang may karapatan na umangat sa trabaho bagkus ang mga kababaihan din. May karapatan  ang mga kababaihan din tumaas ang posisyon sa trabaho. Pang anim ay pagkakapantay sa bahay at trabaho. Sabi ni Mr. Garcia na hindi lamang babae ang maaring maghugas maari din ang lalaki. At hindi rin lamang lalaki ang maaring magtapon ng basura dahil kaya rin ito ng mga  kababaihan. Pagdating sa trabaho at bahay ay ang bawat kasarian ang may karapatan na gawin ang parehong gawain ng bawat isa. Panghuli na aking naintindihan sa GAD ay pagkakapantay sa pagdedesisyon sa lahat ng aspeto. Halimbawa na lamang ay sa pulitika. Sa kasalukuyan, ang mga babae ay maari ng tumayo sa pamahalaan at bumoto.  Ang mga kababaihan ay meron na ring karapatan na magsalita at magkaroon ng boses sa pamahalaan. May makikita na tayong mga pangulo na babae dahil sa ngayon mas pinagtutuunan ng pansin ang pagkakapantay ng parehong kasarian. Kung sa bahay naman natin, hindi lamang mga tatay ang may karapatan magdesisyon sa kanilang tahanan ngunit maari na rin ang mga nanay.  

Ang gustong gawin ng GAD ay bigyan ng boses ang mga kababaihan na may lugar sila sa lahat ng aspeto sa ating lipunan na hindi lamang mga kalalakihan na lamang na lagi ang mahalaga sa lipunan bagkus pati na din ang mga kababaihan. Ang isa sa mga hindi ko makakalimutan sa GAD o sa aming webinar ay ang patungkol sa pangaabuso sa mga kababaihan at mga anak nito. Kaya naman ginawa ang batas na Batas Pambansa 9262 na naglalayong na ipaglaban ang mga kababaihan at mga anak nito sa karahasan. Maari nating maituring ang batas na ito na ANTI VAWC. Salamat sa batas na ito dahil naproprotektahan ang ating mga kababaihan at mga bata sa mga karahasang dulot ng galit, kasakiman at kahalayan. Kung ako bilang isang lalaki ay ako ay sumasangayon sa batas na ito dahil para na rin itong proteksyon at makamit ng mga kababaihan at bata ang kaligtasan na nararapat sa kanila. 

Sa kabuuan, natutunan ko na ang GAD o Gender and Development ay naglalayong ipakita na ang mga babae at lalaki ay may pantay na gampanin  at  oportunidad sa ating lipunan. Hindi lahat ay lalaki lamang ang kayang gumawa ng isang bagay bagkus kaya rin ng mga kababaihan. Walang lamang o nakakahigit bagkus may pantay na kalayaan, respeto, karapatan at kaligtasan ang nararapat na ibigay sa parehong kasarian.

3
$ 0.15
$ 0.10 from @aj_u2
$ 0.05 from @Bloghound
Avatar for SoulEater
3 years ago

Comments

That's quite an explanation. Mabuhay ka, bunso!

$ 0.00
3 years ago

Salamat po tita! Sorry po if hindi po ako masyadong focus na sa tsu at noise cash😰. God bless po.

$ 0.00
3 years ago

Di na ako ngpopst sa Tsu, bunso. Sa Noise lang :) God bless din. Ingat lagi.

$ 0.00
3 years ago