read.cash Log in
@Sequoia more from that month

Hanggang sa kamatayan

Araw: Ika-9 ng Hulyo, taon Dalawang libo dalawampu't isa. Manunulat: Sequoia Kumusta ka na? Kay tagal na din ng huli tayong nagkausap na dalawa. Okay ka lang ba? Naalala mo pa ba kung ano at sino kang talaga? Napagmasdan mo na ba ang iyong sarili sa salamin at ang iyong replika? Ang makinis at maganda mong mukha ay unti-unti ng nawawala. Labis akong nagtataka, bakit hindi ko na masilayan ang galak na laging sumasayaw sa iyong mga mata. And dating palabiro at hindi maubusan ng mga salita ay tila biglang naglaho. Bakit mo iniyuyuko ang iyong ulo na tila may itinatago? Bakit hindi mo naman sinabi sa akin na pinaputol mo na pala ang iyong buhok, diba ay mahal na mahal mo iyon? Nakakatawa, kay lapad na nga ng iyong mga ngiti, ngunit nandiyan parin ang mga sugat sa iyong mga labi. Pag-ibig. Pag-ibig nga ba ang tawag sa bawat pasa na iginagawad niya sayong katawan? Mga panahon pilit ka niyang makipag isa kahit hindi bukal sa iyong kalooban? Mga bakas ng pagdurusa at pagtitiis, sa sinasabi mong pag-ibig na kay tamis. Ito na ba ang makabagong kahulugan ng pag-ibig? Ang saktan ka ng paulit-ulit. Pag-ibig pa ba ang matatawag sa bawat pagsabunot at pag tutok ng patalim sa iyong tagiliran bilang panakot? Ilang taon na ba? Dalawa, tatlo, apat, walo, sampu? Di ko na mabilang ang taon ng kanyang pang-aabuso. Sa bawat pagsikat ng araw ay panibagong pasakit ang iyong natatamasa, sa mga kamay ng taong dapat na sayo ay pumuprotekta. *Hindi naman niya sinasadya,* paliwanag mo pa. Ilang beses niya nabang hindi sinasadya ang pambubugbog sayo? Ilang beses ka na bang sinugod sa ospital dahil lang sa sinasabi mong aksidente? *Nakainom lang yun, mahal ako nun.* Ngayon ko lang napagtanto, ang alak pala ay nakakapagpalimot ng pagmamahal sa isang tao. *Hindi ko kayang buhayin mag isa ang mga bata.* Mas hindi kakayanin ng mga bata na makita ang kanilang inang unti-unting kinikitilan ng buhay ng tinuturing nilang padre de pamilya. At mas hindi mo kakayanin na makita ang iyong mga anak na pinagbubuhatan ng kamay ng sarili nilang tatay. Alam ko, may sinumpaan kayong mga pangako, ngunit nais ko rin na malaman mo na sa inyong dalawa, ikaw nalang ang natitirang nakahawak pa rito. Nginitian mo lamang ako kahit ito’y ikapupunit ng iyong mga labi. Ikaw ay umiling, senyales na hindi ka sumasang-ayon sa akin. Ang luhang kanina pa nagbabadya ay tuluyan ng umagos sa iyong mga naglalalimang mga mata. Nais ko man na isama ka sa aking paglisan ay hindi maari. *“Mananatili ako, naniniwala akong siya’y magababago.”* Mga huling kataga na iyong binigkas bago kita tuluyang iniwan sa inyung munting tahanan, bitbit ang iyong dalawang supling. Hikbi na lamang ang aking nagawa at sabay na niyakap ang dalawang munting anghel na walang kamuwang-muwang sa mundo. Mali man ay hindi ko maiwasang magtanong sa Kanya. Bakit hinayaan ka niyang mapunta sa ganong klase ng tao. Bakit kinakailangan mong maranasan ang lahat ng paghihirap na ito? “Kumusta ka na? Masaya ako at nakawala ka na sa mga kamay ng iyong asawa. Ibang klase ka magmahal mare. Tagos hanggang kalawakan.” Napangiti ako habang pinagmamasdan ko ang kanyang maamo at nakangiting mukha. Unti-unting tumulo ang aking mga luha. *Kung sana, kung sana lang ay sumama ka sa akin noong araw na yon. Kung sana lamang ay nakinig ka sa akin. Kung sana lang ay nilakasan mo ang iyong loob. Kung sana lang ay alam ko ang susunod na mangayayri. Sana wala ka diyan nga sa loob ng malamig na kahon at nakabaon sa ilalim ng lupa. Sana ay kasama ka ng mga anak mo hanggang sa kanilang paglaki.* Hinalikan ko ang kanyang larawan at ibinalik ito sa ibabaw ng kanyang lapida. Pinunasan ko ang aking mga mata at tumayo na. *Paalam mare. Makakapagpahinga ka na. Hanggang sa muli.* ________________________ ***Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi mainggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili , hindi magagalitin, at mapagtanim sa kapwa. Hindi niya ikakatuwa ang gawaing masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at mapagtiis hanggang wakas.*** ***Corinthians 13-4-7*** Heyaaaa! Salamat sa inyong pagbabasa hanggang dito. Naisipan kong gumawa ang artikulo na salin sa wikang Filipino sapagkat nakita ko rin ang mga ibang manunulat na ginagawa to. Sana ay inyung nagustuhan. Ang mga larawan ay galing sa unsplash.com

11 comments

Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.