MANILA, Philippines — Naniniwala ang abogado ng mga suspek sa Christine Dacera case na posibleng ‘tampered’ ang mga karagdagang ebidensya na inilalabas ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni Atty. Abigail Portugal, abogado ng 11 sa mga suspek, na ito ay makaraang hilingin ng Makati City Police sa Makati City Prosecutor’s Office sa ‘preliminary investigation’ ng kaso na magtakda ng bagong pagdinig dahil sa hinihintay pa nila ang resulta ng DNA analysis, toxicology/chemical analysis, histopath examination, at laboratory results mula sa Makati Medical Center.
“We think that any evidence (presented) after (deciding for) further investigation by the fiscal could be tampered, doubtful,” ayon kay Portugal sa panayam sa radyo.
Pinagbigyan naman ng city prosecutor ang hiling ng mga pulis at itakda ang susunod na pagdinig sa Enero 27.
Sinabi ng abogado na sila rin ay hinihintay ang paglabas ng naturang mga resulta na maaaring magdagdag ng mga impormasyon at kalinawan sa sinapit ng 23-anyos na si Dacera.
Sa pagdinig nitong Miyerkules, nagsumite ng ‘joint statement’ sina John Pascual dela Serna III, Rommel Galido at tatlong iba pa na binabawi ang una nilang mga pahayag na ibinigay sa Makati City Police ukol sa pagsasabi na posibleng may iligal na droga sa naganap na New Year party.
Iginiit ni Portugal na binago umano ng mga pulis ang kaniyang pahayag at idinagdag ang ukol sa paggamit ng iligal na droga.