Tagpong hindi na mababalikan
Malamig at malamyos na simoy ng hangin ang sa balat ni Francisco'y lumalapat. Ipinikit muna n'ya ang kan'yang mga mata bago ibinaba ang suot na salakot at tsaka naupo sa buhanginan sa dalampasigan. Mahigit isang taon na buhat ng mangyari ang kaganapang iyon. Ang pangyayaring nagdulot ng malaking pagbabago sa kan'yang buhay. Sa mga araw na lumipas ay pasan-pasan n'ya ang pagsisisi at pangungulila. Sa pagmulat ng kan'yang mata ay ang pag-agos ang ng kan'yang luha. Sariwa pa sa kan'yang isipan ang nangyari noong araw na iyon.
Isang magsasaka ang ama ni Francisco at taong-bahay naman ang kan'yang ina. Isa s'ya sa mga pinagkakatiwalaang tauhan ng pamilya Dela Torre. S'ya ang kutsero ng kalesa ng pamilya at doon n'ya nakilala si Dolores, unica ija ng pamilya. Naging malapit si Francisco at Dolores nang minsa'y maiwan sila sa gitna ng kagubatan, nanghina ang kabayo kaya hindi na sila nakapagpatuloy pa sa paglalakbay.
Tanging tunog lamang ng mga kuliglig ang maririning ng mga oras na iyon. Walang nagsasalita sa pagitan nilang dalawa. Bumaba si Francisco sa kalesa at nagmasid-masid sa paligid habang si Dolores naman ay nanatili sa kan'yang upo. Napadako ang tingin ni Francisco sa kamay ni Dolores. Nakita n'yang may nakadapong lamok roon kaya agad n'ya itong tinaboy gamit ang kan'yang kamay nang 'di sinasadyang lumapat ang kamay n'ya sa kamay ni Dolores. Tila ba napaso ang kan'yang kamay dahil agad n'yan binawi ang kamay roon."Paumanhin Señora, wala ho akong masamang intensyon. Naulinigan kong mayroong dumapong lamok sa likod ng inyong kamay. Nais ko la-", hindi na naipagpatuloy pa ni Francisco ang kan'yang salaysay ng humalakhak ang Señorita. Pagkamangha ang mapapansin sa mukha ni Francisco. Bago sa kan'ya ang makasaksi ng malakas ng halakhak mula sa isang babae sapagkat ang mga babae ay tinuruang kumilos na parang babaae o mahinhin. Napansin ni Dolores na nakatingin sa Francisco sa kan'ya kaya agad s'yang natauhan. Napayuko na lamang si Dolores. Si Francisco naman ay napakurap at pagkatapos ay napa-iwas ang tingin. "Ah eh. Paumanhin señorita, aakto na lamang akong tila walang nakita". Binalot ng ilang ang paligid nilang dalawa hanggang sa sila ay makauwi at maghiwalay ng landas.
Naulit ang halos kaparehong pagtatagpong iyon kaya mas napalapit si Francisco at Dolores sa isa't-isa. Naging matalik silang mag-kaibigan. Kapag kailangan ni Dolores ng makaka-usap, laging naroroon si Francisco upang siya'y pakinggan. Napagkasunduan nilang magtatagpo sa silid-aklatan na binabantayan ni Francisco, sa tuwing sasapit ang ika-walo ng gabi kapag hindi sila nagtatagpo, upang magkwentuhan sa kung paano lumipas ang oras para sa kanilang dalawa.
Enero noon, tuluyan nang napa-ibig si Francisco kay Dolores at noong araw ding iyon, buo na ang loob n'yang ipagtapat ang kan'yang nararamdaman. Suot ang kan'yang pinakamaayos na barong, mat'yaga n'yang hinintay si Dolores sa kanilang tagpuan na tila isang masugid na manliligaw. Dumaan ang alas otso, alas otso y medya at alas nuwebe ngunit walang Dolores na sumipot. Bagsak ang balikat na tumalikod s'ya upang magpahangin nang mapalingon s'ya sa kan'yang likuran ng makarinig s'ya ng sunod-sunod na yabag. Sinalubong s'ya ng isang yakap ni Dolores. Pula ang mga mata at nagtatangis. "Magpakalayo na tayo. Ayoko na rito. Magpakalayo na tayo Francisco. Paki-usap", paninimula ni Dolores. "Ngunit sa gagawin nating iyon ay madudungisan ang iyong pangalan señorita, pati na rin ang inyong pamilya. Nababatid mong ikaw ay nanggaling sa isang kilalang angkan. Ano na lamang ang sasabihin ng iyong pamilya kapag kanilang naulinigan nila na sumama ka sa isang katulad ko. Magka-iba ang ating katayu-", pinutol ni Dolores ang salaysay ni Francisco. "Ayoko na rito. Gusto kong magpakalayo-layo. Ayokong matali sa lalaking hindi ko naman kilala at mahal. Ayoko. Ayoko. Ikaw ang minamahal ko Francisco. Ikaw", saglit na naestatwa si Ftancisco. Hindi n'ya inaasahang lalabas ang mga katagang iyon sa mga labi ng señorita. Hinawakan ni Francisco ang mga palad ni Dolores. Ayaw na n'yang magsayang pa ng panahon. May pag-iingat at respeto na hinila n'ya si Dolores papalayo sa silid-aklatan. S'ya ay nakapagpasya na.
Hindi pa sila tuluyang nakakalayo ng makatinig sila ng sunod-sunod na yabag ng mga kabayo. Sa 'di kalayuan ay naaninag nila ang kumpol ng ilaw na paniguradong nanggaling sa lampara at sulo. Patuloy lang ang pagtakbo ng dalawa. Sinikap nilang hindi makalikha ng anumang ingay na magdadala sa kanila sa kapahamakan. Ngunit hindi sa kanila umayon ang panahon. Napadpad sila sa dulo ng kagubatan. Muntik nang mahulog si Dolores sa bangin kaya ito ay napasigaw. Agad na hinapit sa baywang ni Francisco si Dolores. Napalingon sila sa kanilang likuran nang marinig nila ang malakas at sunod-sunod na yabag ng paa ng kabayo. Nakarinig sila ng isang putok ng baril. Napahagulhol na lamang si Dolores sa kanilang sinapit.
"Tigil. Kapag kayo ay nagpatuloy pa sa pagtakas sa amin ay papuputukin ko ang baril na ito", itinutok ng kapitan ng guwardya sibil ang baril kay Franciso. "Señorita, sumama kayo sa amin. Hinahanap na kayo ng Señor. Kung magpapatuloy kayo sa inyong ginagawa ipuputok ko ang baril na ito sa ulo ng iyong kasama", banta pa nito.
Naglakad papalapit ang mga guwardya sibil habang patuloy na humakbang paatras sina Dolores at Frnacisco. Napatingin si Francsico sa ilalim ng bangin, sa kanyang kinatatayuan ay nakikita n'ya ang tila isang napakalalim ng tubig. Tumingin s'ya kay Dolores at tumango rito. Hinawakan n'ya ang kamay ng dalaga at sabay silang tumalon roon.
Napahigpit na lamang ng pikit si Francisco ang masalimuot na pangyayaring iyon. Nakaligtas silang pareho mula sa pagkakalunod ngunit sa pagkagising ni Dolores ay hindi n'ya naalala ang mga pinagsamahan nilang dalawa. Nakikilala lamang s'ya nito bilang isa sa pinagkakatiwalaang katiwala ng kanilang pamilya. Bumalik ang señorita sa kaniyang pamilya. Makalipas ang ilang araw ay nabalitaan n'ya na ikakasal na pala ang dalaga kay Señor Sebastian, kapitan ng guwardya sibil mula pa sa Cavite. Ilang beses n'yang sinubukang kina-usap ang señorita ngunit tila pilit silang pinaglalayo ng tadhana. Hindi s'ya nagkaroon ng ilang segundo o minuto man lang upang mapalapit kay Dolores. Matapos ang pag-isang dibdib ng bababaeng minamahal n'ya at sa lalaking tinakdang ikasal dito, tuluyan nang nawasak ang puso ni Francisco. Nagpakalayo-layo s'ya. Bumalik s'yang muli upang masilayan muli ang señorita ngunit mas lalong pasakit ang kan'yang dinatnan. "
S'ya ay masaya na", bulong ni Francisco sa hangin habang nakatingin sa payapang katubigan. "At heto ako, tila ba napako sa panahon na hindi ko na maibabalik pa".