1. Ano ang coronaviruses?
Ang coronaviruses ay pamilya ng mga virus na nagdudulot ng iba’t ibang klaseng sakit, mula sa karaniwang ubo’t sipon hanggang sa mas malulubhang impeksyon tulad ng MERS-CoV at SARS-CoV. Ang coronavirus ay maaari ring magdulot ng iba’t ibang sakit sa mga hayop.
2. Ano ang novel coronavirus?
Ang novel coronavirus (2019-nCoV) ay isang bagong uri ng coronavirus na hindi pa natatagpuan sa mga tao noon. Ang 2019-nCoV ay nagdulot ng malalang pneumonia sa ilang tao sa Tsina at kumalat na rin sa iba pang mga syudad at bansa.
Noong ika-30 ng Enero 2020, inirekomenda ng World Health Organization na palitan ang opisyal na pangalan nito sa “2019 novel coronavirus Acute Respiratory Disease” o 2019-nCoV ARD.
3. Saan nagmula ang novel coronavirus (2019-nCoV)?
Noong ika-31 ng Disyembre 2019, naitala ang ilang kaso ng pneumonia sa Wuhan, China. Napag-alaman kamakailan lamang na ang mga kaso ay dulot pala ng isang uri ng hindi pa kilalang coronavirus. Ang coronavirus na ito ay karaniwang sa hayop lamang natatagpuan, at hindi pa nakita sa mga tao noon.
4. Anu-ano ang mga sintomas at kumplikasyong dulot ng coronavirus infection?
Ang mga karaniwang sintomas na dulot ng coronavirus ay lagnat, ubo’t sipon, hirap at pag-iksi ng paghinga at iba pang problema sa daluyan ng hangin. Sa mga malulubhang kaso, maaari itong maging sanhi ng pneumonia, acute respiratory syndrome, problema sa bato, at pagkamatay.
5. Paano naikakalat ang 2019-nCov?
Noong ika-24 ng Enero 2020, kinumpirma ng World Health Organization na ang 2019-nCoV ay naipapasa tao-sa-tao. Ngunit wala pang sapat na ebidensyang nagpapatunay sa tindi at bilis ng pagkahawa nito, maging ang orihinal na pinanggalingan ng outbreak.
Masugid pa ring pinag-aaralan ng mga eksperto ang pinaggalingan ng sakit at kung paano ito kumakalat. Bagama’t napatunayan na iba ito sa SARS at MERS, ang bilis ng pagkalat at bagsik nito ay patuloy pang inaalam.
6. May gamot ba sa 2019-nCoV?
Wala pang gamot o treatment sa 2019-nCoV. Ngunit marami sa sintomas nito ang maaaring gamutin base sa kalagayang pangkalusugan ng pasyente. Mabisa rin ang masugid na pag-aalaga at pagsuporta o supportive care para sa mga pasyente.
0
18