Ang Baboy at ang Punong Mangga
Sa isang looba’y sinungkal ng baboy
ang namumulaklak na manggang mayabong
Kaya’t siya’y dagling hinuli’t kinulong;
baboy ay tumiling tila kinakapon
at halos maglagot sa nangyaring yaon.
Dinig sa malayo ang pagpapalahaw
at ihinahampas ang kanyang katawan…
“Nasaan ang sabing may hustisya sosyal?
nahan ang umano’y may pagkakapantay?
ikinulong ako’y nag-aaliw lamang?
“Masarap kong lama’y pagkain ng lahat,
pagka walang litson o hamong masarap,
ay dukha ang piging,” ang palalong sumbat;
“taba ko’y mantika, apdo ko’y panlunas,
sepilyo ang buhok, sapatos ang balat.”
Ang mangga’y pumakling payapa’y lumanay:
“Kasi’y magkaiba tayo ng paraan —
ako’y nagbubunga sa buo kong buhay,
ikaw’y patabain at bago magbigay
kailangan munang lapai’t mapatay!”
“Samantalang ikaw, mapalad na mangga,
na kung mamunga ma’y maasim ang bunga,
busog sa alaga at dilig tuwi na,
pinauusukan sa hapo’t umaga…
A, sadyang sa mundo’y walang demokrasya!”
Wow nice! Good job !