Paalam

2 40
Avatar for Oslec08
4 years ago


Oras ng pamamaalam ay narito na
Ang mga luhang dumaloy’ pahiran na
Paghikbing ikinubli’y tahimik na
Sugat ay lamat na ang natira

Pagsigaw na ikaw lamang ang nakaririnig
Sa huling pagkakatao’y dinggin aking tinig
Kung uulitin man ang buhay sa daigdig
Ikaw at ikaw parin ang tinitibok nitong dibdib

Sa ating pagtatagpo sa gitna ng langit at lupa
Mga damdaming totoo - saksi ay tadhana
Masalimuot na nakaraa’y hindi alintana
Bagkus ang dulot’y katapatan sa’ting pagsasama

Subali’t ang hibang na panaho’y nagtataksil
Tanggap man ang nakaraa’y pawang nangingitil
Ang lumipas’y hindi na kayang magpapigil
Hinaharap ay kanya nang sinisingil

Pilit mang sumuway sa agos ng mundo
Pilit mang harangin tadhanang mapaglaro
Nakagapos parin ang damdaming tuliro
Kapos parin ang hinaing sa pagbabago

Bawat sandali’y napukaw ang mga damdamin
Sa isang iglap lang’y dadalhin ng hangin
Gaano man kahigpit ang yakap’y kukulangin
Pagbitiw sa pag asang isa’t isay maangkin

Mabibigat na hakbang papalayo
Unti unting nawawasak damdaming gapo
Ang kirot sa pag lingon ay hindi na nabuo
Pagka’t tanggap na, wala nang tayo

Walang magawa kundi magbalik tanaw
Mga ala-alang naging ako at ikaw
Sa sandaling panahon na damdami’y napukaw
‘di mapantayang ligaya ang nangingibabaw

Paalam – kaibigan, katipan, at kasintahan
Salamat sa munting paraisong ating pinagsaluhan
Madilim na kaluluwa’y iyong nahawakan
Nagkaron ng pag-asang tanggapin ang kinahinatnan

Kapag ang panahon ay umayong muli
At kung ang tadhana’y hindi na magkukubli
Asahan mong sa bawat sandali
Hihintayin kita na may ngiti sa mga labi

4
$ 0.00
Sponsors of Oslec08
empty
empty
empty
Avatar for Oslec08
4 years ago

Comments

hanga talaga ako sa mga gumagawa ng tulog tapos magaling sa tugmaan

$ 0.00
4 years ago

Ang ganda po ng tula nyo

$ 0.00
4 years ago