Sa libo-libong akda't artikulo, bakit daw ito? (M'eron akong 3 punto)
Isa sa mga paborito kong kurso (subject) sa nakaraang semester ay ang Pagsasalin sa Konteskstong Pilipino. Maaring dahil kinahihiligan ko ang pagsusulat, may malaking maitutulong ito sa akin at nakakuha ako ng 1.25, pinakakataas na grado ko nagdaang semsetre. Ang aming pinal na eksaminasyon ay magsalin ng artikulo, akda o aklat na may kinalaman sa Railway Engineering. Sa libo-libong lathalain at mga akda na may kinalaman sa aming program, bakit nga ba ang ito ang aking napili. Ito ay tila singhirap ng paghahanap ng mga artikulo, pananaliksik at akda na gamitin sa RRL.
Ang aking napiling artikulo ay ang “Britain’s heritage railway are booming. But demographic timebomb looms” na isinulat at nilathala ni Stephen McGrath noong February 4, 2016. Ito ay tumatalakay sa mga benepisyo, suliraning kinakaharap, kasaysayan at ang bukas ng mga pamanang daang-bakal sa Britanya.
Natanong ako ng aking propesor, sa libo-libong artikulo, bakit daw ito. Ang katanungang ito ay tumatak na rin sa akin. Ang aking isinaling akda ni McGrath na "Yumayabong ang Pamanang Daang-bakal ng Britanya. Ngunit, Papausbong ang Suliraning Demograpiya" ay bunga ng tatlong punto at rason:
Nadiskaril na Kasaysayan
Sa unang semestre ng klase, sa kursong Railway Engineering Orientation, kami ay pinanood ng “Daang-bakal”. Ito ay isang I Witness dokumentaryo ni Kara David na tumatalakay sa kinahatnan ng mga sistemang riles sa Pilipinas. Marami akong natutunan tungkol sa Manila-Dagupan Northline, kabilang na ang kahalagahan at kasaysayan nito, patio na rin ang sinapit nito sa paglipas ng panahon.
Sa kasalukuyan, sa pangunahing depot sa istasyon ng Tutuban ay nakatengga ang mga treng sobra sandaang taon na ang tanda. Karamihan ay kinakain na ng kalawang at nabubulok na ang mga bahaging gawa sa kahoy. Halos lahat naman mg bahagi ng riles ay natabunan na ng konkreto ng mga bagong kalsada at lahar noong sumabog ang Bulkang Pinatubo. Ang ilanay mawala dahil kinalakal na ng mga tao at ginawang bahagi ng mga bagong istruktura gaya ng tulay, kabahayan at barangay hall.
May mga istasyong tila binabawi na ng kalikasan matapos lamunin ng kagubatan gaya ng sinapit ng Himpilan ng Gerona at Calasiao na nagdulot ng pagguho at pagbiyak ng gusali. Ang istasyong ng tren naman sa Guiguinto at Angeles ay naging biktima ng pambabastos ng tao matapos babuyin ng bandalismo at gawing palikuran. Ang ilang himpilan naman ay ginawang opisina,tahanan, kapilya, barberya at sa mabuting banda, museo.
Naging malaking bahagi na ang Linyang Maynila-Dagupan ng kasaysayan. Ito nga ay naging saksi ng tatlong pananakop sa Pilipinas. Ito ay ginawa sa panahon ng Espanyol at binuksan noong 1982. Ang konstruksyon nito ay pinangunahan ng mga inhinyerong taga-Britanya at ang mga primera klaseng materyales at mekanismo ay inangkat pa sa ibang bansa. Ang linya ay nagdala ng progreso sa mga bayang nasa ruta nito. Naging kasangkapan rin ito sa himagsikan dahil napadali ang pagbisita sa mga probinsya tulad ng ginawa ni Jose Rizal na dumalaw sa Pampangga upang manghikayat ng bagong kasapi ng La Liga Filipina. Bumagsak man ang demand ng sistemang daang-riles sa panahon ng Amerikano dahil sa pagtuon ng pansin sa mga kotse at pagpapagawa ng mga kalsada, naging sentro namn ito ng labanan at base na kailangang ipanalo noong Digmaang Pilipino-Amerikano. Sa panahon ng Hapones, ang daang-bakal ay instrumento sa madaling paglipat ng mga tauhan at armas, at saksi ng pagmamalupit nga mga Hapones sa mga Pilipino gaya ng madugong ‘Death March’ at 'Death Trains'. Ayon kay G. Arturo Corpuz, may akda ng The Colonial Iron Horse, “Marami na ring pinagdaanan ‘yan (Linyang Maynila-Dagupan). Bahagi na ‘yan ng history kaya dapat alagaan natin ‘iyan, parang Intramuros.” Ako ay sumasang-ayon dahil nga ang mga daang bakal, tren at himpilang ito ay may ginampanan sa pagbuo ng kasaysayan kaya hindi marapat lang na mabaon sa limot, bawiin ng kalikasan at makaranas ng pambababoy. Mahalaga na ang nakaraan at kasaysayan ay hindi madiskaril at patuloy na umarangkada sa hinaharap. Kaya, napili ko ang artikulong nabanggit upang mapakita ang pagpapahalaga at pag-aalala sa mga makasaysayang pook gaya ng daang-bakal na maaring pamana sa hinaharap.
Karunungang Byaheng Britanya-Pilipinas
Binaggit ni Virgilio S. Almario sa sanaysay niyang ‘Sulyap sa Kasaysayan ng Pagsasalin sa Filipinas’ na malaki ang naging tungkulin ng pagsasalin sa paglipat at palitan ng kultura at kaalaman sa buong mundo. “Kasangkapan ang pagsasalin para ganap na makinabang ang isang bansa o pook sa impluwensiya mula sa isang sentro o sulong na kultura,” dagdag pa niya.
Isang malaking industriya ang sistemang daang-bakal sa Britanya kaya isa ito sa may mga pinakamabilis, maasahan at ligtas na sistemang riles sa buong mundo.At isa pa, ang bansang ito rin ay maraming pamanang daang-bakal (heritage railway) na nakatutulong sa tursimo, lokal na transportasyon, at pag-aaral lalo na sa pag-iihinyero, komersyo, kasaysayan at sining. Isa ring rason na napili ko ang artikulo upang magamit natin ang karunungan at karanasan mula sa bansang may sulong na kultura at larangan gaya ng Britanya sa ating papausbong na industriyang daang-bakal. Isa rin sa mga kahalaganng pagsasalin ay ang maunawaan at matutunan ang mga bagong kaalamang panteknolohiya mula sa iba’t ibang panig ng daigdig na matutugunan ng pagsasalin ng napiling akda.
Hindi pa Malayo ang Nararating
Isa sa mga katangian ng taga-salin ay sapat na kaalaman sa paksang isasalin. Dahil ako ay nasa unang taon pa lamang sa aking kurso, hindi pa malayo ang aking nararating— wala pa akong malawak at malalim na kaalaman at karanasan sa pag-iihinyero at industriya ng sistemang daang-bakal. Nang basahin ko ang artikulo ay nauunawaan ko naman ito at alam ko rin ng iba pang mag-aaral kahit sa ibang kurso. Sa kadahilanang ang akda ay hindi masyadong naglalaman ng mga teknikal na salita at jargons na para maunawaan ng mga mambabasa na wala sa industriya. Para sa estudyante na wala pang masyadong alam sa paksa, isa itong malaking bagay. Hindi ko na kailangang pang bumuo ng mga salitang teknikal at iba pang proseso na para lamang sa mga dalubhasa sa larangan. Napili ko ang artikulo para isalin dahil sa tingin ko ay angkop ito sa aking kaalaman, karanasan at kakayahan kahit hindi pa malayo ang aking nararating .
Gaya ng tren, ang kasaysayan ay maaring madiskaril o wala sa landas. Ang karunungan at kultura naman ay tila mga pasaherong bumabyahe, mula sa isang lugar tungo namn sa iba.At tulad ng riles na may hangganan, ganun rin ang aking kakayahan at kaalaman. Kaya maman, napili ko ang artikulo ni Stephen McGrath para sa pinal na eksaminasyon para sa pag-arangkada ng makasaysayang nakaraan, makarating ang kaalaman mula sa sulong na kultura sa kanyang destinasyon at maging banayad ang aking paglalakbay sa kahingiang ito kahit hindi pa malayo ang aking nararating.