Nadiskaril na Nakaraan Tungo sa Kinabukasan: Linya ng Maynila-Dagupan

0 42
Avatar for Nyctofiles
2 years ago

Ayon sa ating mga mananakop na mga Espanyol, ang mga daang bakal ay daan din ng pagbabago at pag-asenso. Sinasabi ring bago bumuo ng lipunan ay kailangan munang maglaan ng oras at enerhiya sa paggawa ng mga tren at mga riles nito. Hindi maipagkakaila na hindi lamang mga pasahero at mga kargamento ang kayang ihatid ng sistemang transportasyong ito. May kakayahan rin ang daang bakal na magdala ng progreso at trabaho sa mga bayang nakapalibot dito. Ang sistemang ito ay nakakabawas sa daloy ng trapiko, mas tipid sa enerhiya, nakakabawas sa polusyon at may epekto sa pagtaas ng ekonomiya ng komunidad. Hindi lang basta mas mabilis, may malaking kapasidad, mura, ligtas at organisado ito. May epekto rin ito sa maaaring resulta ng mga digmaan at sa paghubog sa ating kasaysayan. Sa kabila ng mga benepisyo at bentaha ng sistemang riles, mayroon din itong  mga bagay na kailangan pang paunlarin at disbentaha. Kaya sa paglipas ng panahon, paano natin dadalhin ang nadiskaril na bahagi ng nakaraan patungo sa pag-arangkada nito sa kiinabukasan?

Malayo pa rin ang lalakbayain ng sistemang daang bakal sa Pilipinas. Napakarami pang kailangan paunlarin at baguhin dito. Kailangang pagtuunan ng pansin ang aksesibilidad nito lalo na sa taong may mga kapansanan; bilis ng tren na mas mababa pa sa speed limit ng mga kotse; kaligtasan at seguridad ng mga pasahero,maging ng mga informal settlers malapit sa mga riles; abot-kayang modernong sistema: mga polisiya at pamamahala at ang nakaligtaang pagpapahalaga sa pamana at kasaysayan gaya ng sinapit ng Manila- Dagupan Line. Mula nang magsara ang Manila- Dagupan Northline ay napabayaan na ito at tila kinalimutan na. Dumagdag pa sa dahilan ng sinapit ng linya na ito ang mga disbentahe ng mga sistemang riles gaya ng mataas na maintenance cost, napakalaking kapital na may kahirapan sa pagbawi, at ang kawalan ng pleksibilidad nito sa industriya.

Sa panahon ng mga Espanyol, ang Manila-Dagupan Line ay sinumulan sa tatlong bahagi: Manila-Bagbag, Bagbag-Mabalacat at Mabalacat- Dagupan at binuksan noong 1892. Ang konstruksyon nito ay pinangunahan ng mga inhinyerong taga- Britanya at ang mga primera klaseng materyales at makanismo ay inangkat pa mula sa ibang bansa kaya naman kalidad ng sistemang daang bakal na ito ay kayang makipagsabayan sa ibang bansa. Nang dumating ang mga Amerikanong mananakop, mas napagtuunan ng pansin ang mga kotse at iba pang sasakyan at ang pagbuo ng mga kalsada kaya bumaba ang demand sa daang bakal. Sa Digmaang Pilipino-Amerikano, Ang mga istasyon ng tren ay naging base na kailangan ipanalo at ang daang bakal ay naging sentro ng labanan. Ang linyang ito ay naging aksis ng digmaan patungong Norte ng Luzon. Sa panahon ng mga Hapones, naging saksi ang mga istasyong ito sa pagmamalupit ng mga Hapones sa mga sundalong Pilipino at Amerikano. Napakahalaga ng daang bakal sa digmaan para sa paglipas ng mga sandata at tropa kaya ganoon parin, naging sentro rin ng digmaan ito at pinag-aagawan ang mga istasyon. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Maynila ay ikalawa sa mga pinakamasirang syudad, sumunod sa Warsaw, Poland. Kaya naman apektado ang daang bakal at nasira ang ilan sa mga ito. Dahil sa mga pinsala ng mga nagdaang digmaan, dumagdag pa ang mga pagbaha at hindi maayos na pananatili ng sistemang daang bakal na ito, nahirapan nang bumangon ang Manila-Dagupan Line hanggang malugi at magsara ito noong 1988. Matapos iyan ay tila kinalimutan na ito sa pagdaan ng panahon.

Sa pangunahing depot sa istasyon ng Tutuban ay nakatengga ang mga treng sobra sandaang taon na ang tanda. Karamihan ay kinakain na ng kalawang at nabubulok na ang mga bahaging kahoy. Ang  mga treng bahagi ng ating kasaysayan ay ngayon ay pinabayaan.

Karamihan sa mga bahagi ng riles sa Linyang Maynila-Dagupan ay natabunan na ng  konkreto ng mga bagong kalsada, may ilan na sumisilip pa para ipaalaala ang kanilang kasaysayan. May mga riles din na maaaring natabunan na ng lahar mula sa nagdaang pagsabog ng Bulkang Pinatubo. Ilan ay nawawala na dahil kinalakal na ng mga tao. Mayroon din namang ginawang pundasyon ng tulay, kabahayan, at barangay hall.

May mga istasyong tila binabawi na ng kalikasan na kanilang pinagmulan at ang Ilan ay parang hindi na umiiral sa paningin ng nga tao.. Ang istasyon sa Gerona, Tarlac ay nilamon na ng kagubatan kaya naman may mga bahagi na ng gusali na biyak at gumuho na. Sa istasyon ng Calasiao, Pangasinan, mga halaman ang nanahan at mga basura. Ang ilan naman ay nakatayo pa rin ngunit tila nakalimutan gaya ng istasyon ng Meycauayan, Bulacan at Dagupan na marurupok na ang sahig na huwebles at ang pulang ladrilyong pader.

Ang  ilang mga istasyon naman ay maaaring biktima na ng pambabastos ng tao o nabigyan na ng bagong silbi. Ang makasaysayang istasyon ng Guiguinto, Bulacan kung saan ang isang grupo ng mga prayle ay sinalakay ng mga Katipunero noong 1896 ay puno na ng bandalismo at basura. Pambababoy gaya ng mga basura at bandalismo rin ang sinapit ng istasyon ng Angeles, Pampangga at dumagdag pa rito ang umaalingasaw na baho dahil ginawa na itong palikuran ng mga tao. Ang istasyon ng Malolos, Bulacan ay nagsilbing opisina para sa Northrail, samantala, naging tahanan naman ng isang pamilya ang istasyon sa Paniqui Tarlac. Ang istasyon naman sa lungsod ng Tarlac naging barberya, tindahan at munting simbahan.

Ayon nga kay G. Arturo Corpuz, nagsulat ng The Colonial Iron Horse,”Marami na ding pinagdaanan ‘yan (Linyang Maynila-Dagupan). Bahagi na ‘yan ng history kaya dapat alagaan natin ‘yan, parang Intramuros.” Ang mga daang bakal, tren at istasyong ito na bahagi ng kasaysayan ay hindi lang dapat mabaon sa limit, malamon ng kalikasan at makaranas ng pambabastos ng tao. Marami pang paraan para ang mga ito’y buhaying muli, maipreserba at pakinabangan na hindi isinasaalang-alang ang pagpapahalaga sa pamanang bayan at kasaysayan.

Isa sa mga pinakamabisang paraan sa pagpreserba ng pamanang ito ay ang pagtatag ng mga museo. Ganito ang ginawa sa Himpilan ng San Fernando. Ang istasyong ito ay ang binabaan ni Jose Rizal nang siya ay bumisita sa Pampangga upang manghikayat ng mga bagong kasapi ng La Liga Filipina. Dito rin natapos ang madugong ‘Death March’ at kung saan isinakay Ang mga bihag patungong Capas, Tarlac para ikulong sa Kampo O’Donnell. Ang istasyon ng Capas, Tarlac ay naging museo rin. Ang istasyong ito ay naging saksi ng masalimuot na karanasan ng mga bihag dahil ang istasyong ito ay naging huling destinasyon ng ‘death trains’ —kung saan pinagsiksikan ang mga bihag ng Hapon na dumanas ng 'Death March’. Sa kabilang banda, naging saksi rin naman ito kabayanihan at malasakit ng mga Pilipino na tumulong at nagpakain sa mga bihag kahit pa man sila ay saktan ng mga Hapones.

Mas mapapakinabangan pa ang mga makasaysayang tren na nakatengga lang sa depot. Maaari itong gamitin ng mga estudyante, lalo na ng mga nag-aaral ng Railway Engineering para maging instrumento sa pag-aaral. Mas mabuti ito kaysa bumase lang sa mga larawan at para mapag-aralan din ang kasaysayan ng kanilang industriyang papasukin. Ganito rin ang ginagawa sa flight schools at marine engineering schools kaya mayroon silang mga modelo ng barko at eroplano.

Maaari din namang ayusin at ipreserba ang mga tren at daang bakal para maging atraksyon. Ganito ang ginawa sa isang tren na binansagang Legendary Siete sa Sagay, Negros Occidental. Ang treng ito naging saksi ng masaganang industriya ng asukal at troso sa probinsya. Naging bahagi rin ito ng isa sa mga malalagim na aksindente ng tren sa Pilipinas, matapos mahulog sa bundok na pumatay sa 82 manggagawa noong Setyembre 2, 1954. Para maipreserba ang kasaysayan ng Siete at masaksihan ng tao, ito ay ipinapakita sa Sagay City Public Plaza.

Isa rin sa maaaring gawin para maipreserba ang kasaysayan ng daang bakal at tren ay ang Heritage Railway. Ito ay kung saan ang tren ay pinapaaandar para maging buhay na kasaysayan sa pamamagitan ng paglika muli ng eksena sa nakaraan. Puwede rin itong gawing atraksyon para sa mga turista. Kaso, sa lagay ng ating bansa ay mahal ito at tila impraktikal, hindi tulad ng mga bansang may heritage railway gaya ng Estados Unidos at Britanya.

Ang daang-bakal at ang sistemang tren ay may malaking ambag sa pamumuhay ng mga tao, sa ekonomiya ng komunidad, pag-unlad at sa ating kasaysayan. Isa sa mga daang bakal na naging malaking bahagi ng kasaysayan mula sa rebolusyon laban sa mga Espanyol at maging sa Amerikano, Death March hanggang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at sa hinahanap pa ay ang Manila- Dagupan Northline. Ngunit, ang linyang daang bakal ay binabawi na ng kalikasan, binastos ng mga mamamayan, at pinabayaan at kinalimutan. Maraming paraan para ipreserba at alagaan ang bahagi ng kasaysayan na ito.“Hangad namin ang maayos at maginhawang paglakakbay.”  dahil malayo-layo pa ang dapat lakbayin upang ibalik sa pag-arangkada ang nadiskaril na bahagi ng nakaraan— ang Daang Bakal ng Maynila-Dagupan.


Sanggunian:


I wrote this for a final requirement in one of our subjects in Railway Engineering. I think, I should share it.

I guess, long time no see. I've been focusing on my class and school works. And these worth the sacrifices— I became a President's Lister in the first sem and passed the PMAEE twice. I'll be more active when this academic year ends on July since I want to maintain my grade.

Thank you!

Sponsors of Nyctofiles
empty
empty
empty

 

1
$ 1.44
$ 1.44 from @TheRandomRewarder
Avatar for Nyctofiles
2 years ago

Comments