Mga Akda at ang Pagpukaw sa Kamalayan: Rizal

0 223
Avatar for Nyctofiles
2 years ago

Bilang isang manunulat, nais kong magbigay ng kaalaman at aliw sa aking mga mambabasa ng aking mga kwento at iba pang akda. Pero mas tila gusto ko pang mas palalimin iyan. Nais ko ring magbigay ng inspirasyon, pumukaw ng kaisipan at magbigay ng impluwensya sa pamamagitan ng akda dahil sa aking mga natutunan tulad ng aking hinahangaang bayani. Kaya naman masasabi nga nating "pen is mightier than sword".Sa mga nagdaang buwan, pinag-aralan namin ang buhay, mga ambag at mga akda ni Rizal.

Apat sa mga akda ni Jose Rizal ay ang Noli Me Tangere, El Filibusterismo, annotation of Sucesos de Las Islas Filipinas at Philippines a century hence. Ang mga ito ay humubog sa pambansang pagkakakilanlan ng bansa at ng mga Pilipino. Dagdag pa riyan, ang mga ito rin ay nakatulong sa pagkamit ng kalayaan sa pamamagitan ng pagpukaw ng kamalayan ng mga Pilipino sa pang-aaping dinanas at kamulatan sa ideya ng kasarinlan, kalayaan, reporma at rebolusyon. Ngunit, hindi lang iyan ang kaugnayan ng apat na mga akda. Napansin kong magkakaugnay ang apat na akdang ito sa pamamagitan ng pagtalakay sa kalagayan ng Pilipinas at mga Pilipino sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap, noong panahon ni Rizal.

Una, ang komentaryo ni Rizal sa Sucesos de las Islas de Filipinas ni Antonio de Morga. Bunga ng pagnanasang malamang ang kasaysayan ng bansa bago dumating ang mga Kastila at teorya na ang bansa ay masagana at nagsasarili sa lagay na ekonomikal, napagdesisyunan niyang magsaliksik at magkomenteryo sa akda ni Morga. Ang sanaysay ay naglalaman ng pagwawasto sa mga sinulat ni Morga na inayon hindi sa pananaw ng dayuhan. Ito rin ay naratibo ng kalagayan sa usaping pamumuhay, pagkain, armas, edukasyon, batas, pananamit atbp sa bansa at kasaysayan nito na nakaayon sa Pananaw ng isang Filipino at sa kontekstong kultura ng Pilipinas.

Sumunod ang parehong Noli Me Tangere at ang El Filibusterismo. Ang mga nobelang ito ay tumatalakay sa epekto ng pananalakay ng mga dayuhan na nakaugat sa Pilipinong lipunan na dinanas ng mga Pilipino noong panahon ni Rizal. Masasalamin dito ang pang-aabuso ng mga prayle ng simbahan at maging ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno na isinatauhan nina Padre Salvia at Padre Damaso at iba pa. Makikita rin ang epekto ng kolonyalismo sa pananaw ng mga Pilipino sa kanilang lahi gaya na lamang ni Doña Victorina kinikilala ang sarili bilang Kastila at ginagaya ang mga kababaihanng Espanyol. At sa panahon ito rin umusbong ang mga repormista at rebolusyonista gaya ng tauhang sina Ibarra at Simoun. Sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay makikita ang kalagayan ng Pilipinas at mga Pilipino noong panahon ni Rizal.

Panghuli, ang “Philippines, a century hence”. Ang sanaysay na ito ay nahahati sa apat na bahagi. Ito ay nakabase sa naunang akda ng Alemang si Von F. Jagor na “Travels in the Philippines”. Isa mga hulang naglngyari ay ang pagsakop ng Estados Unidos sa bansa, sumunod sa Espanya. Gaya nga ng pamagat, ang akdang ito ay pananaw at prediksyon ni Rizal sa magiging kalagayan ng bansa at mga Pilipino sa mga taong darating.

Sa pamamagitan ng mga akda ni Rizal ay napukaw ng kamalayan ng mga Pilipino sa kanilang pagka-Pilipino at nakatulong upang makamit ang ating kasarinlan. Ang mga akda rin ni Rizal ay nagsisilbing salamin ng kalagayan ng bansa at mga mamamayan nito at maging ng mga mananakop, sa nakaraan, kasalukuyan at hinaharap, sa kanyang panahon.

2
$ 1.67
$ 1.67 from @TheRandomRewarder
Avatar for Nyctofiles
2 years ago

Comments