Kabuluhan ng Pagsasalin sa Kontekstong Filipino

0 58
Avatar for Nyctofiles
2 years ago

Just like on my stories and other articles, I exert same ( or greater) effort and time on my written school works. So, I think, they still belong here. And also, a form of warming up my seat before writing actively again.

I published this essay here so other students who searched on the topic and course and see it. For their source, idea or inspiration.

Pagsasalin sa Kontekstong Filipino:

Ang Dila, Danas at Diwa

Mula sa pagkakalakalan sa pagitan ng iba’t ibang rehiyon sa kapuluan, maging sa mga karatig na bansa; tungo sa doktrinasyon at pananakop ng Kastila at pag-usbong ng bago at nasyonalistang kamulatan ng mga Pilipino; tungo sa korido, awit, at komedya sa mga tanghalan at aliwan bago matapos ang ika- 18 siglo; tungo sa dagdag pang pagyabong ng panitikan sa pananakop ng mga Amerikano at Hapon; hanggang sa pagpapayabong ng wikang pambasa at karunungang bayan at kamulatan sa kasalukuyan, hindi maipagkakailang may malaking ginampanan ang pagsasalin sa buhay ng mga Pilipino at sa Pilipinas, mula noon hanggang ngayon. Kaya naman, inilalarawan ni Virgilio S. Almario sa sanaysay niyang ‘Sulyap sa Kasaysayan ng Pagsasalin sa Filipinas’ ang pagsasalin bilang isang naging mabisang kasangkapan sa paglalaganap at pagtanggap ng mga naturang pamana ng sibilisasyon sa iba’t ibang lugar sa buong 60 introduksiyon ng pagsasalin na maaring gamitin sa pagpapairal ng kapangyarihang pampulitika at pananakop, at ugnayang pangkomersiyo ng mga bansa. Dagdag pa rito na naging kasangkapan din daw ito para tuluyang makinabang ang isang bansa sa mga impluwensiyang galing sa sentro o sulong na kultura. At ang mga ito nga ay danas ng mga Pilipino at Pilinas. Tunay ngang may gampanin ang pagsasalin sa kalakaran ng bansa sa daigdig, pagpapayabong ng kultura sa Pilipinas, pagpapaunlad ng panitikan, mabilis at mabisang kominikasyon, pagpapayaman ng wikang pambasa, at pagpapalawak ng kaisipan at kaalamang nakapaloob sa teksto. Kung sa pagsasalin pa nga lang na pinangangahulugang ‘paglapat ng teksto mula sa isang wika tungo sa isa pang wika’ sa Merriam Webster ay may malaki nang ginampanan sa iba’t ibang aspeto ng buhay ng mga Pilipino at estado ng Pilipinas at marami pang mabuting epekto at benepisyo hanggang sa panahon ngayon, ano pa kaya kung ang pagsasalin ay nakaayon sa kontekstong Filipino?

Kung ayon kay Michael Coroza na ang lahat ng pagkatuto, pag-unawa, pagpapaunawa at pakikipag-unawaan ay kinasasangkutan ng proseso ng pagsasalin. At ito daw paulit-ulit na proseso ng tatlong D: Danas, Diwa, Dila. Para Naman sa akin, ang kabuluhan at kahalagahan ng pagsasalin sa kontekstong Filipino ay makikito at umiikot sa parehong tatlong D na nabanggit: Dila (ang wika), Dana’s (ang kultura), at Diwa (ang kamulatan).

Pagsasalin sa Kontekstong Filipino at ang Dila

May isang kasabihang Italyano na “traduturre, traditure”— translator, traitor sa Ingles. Ito ay patutsada sa mga Pranses mg mga Italyano na nakaramdam ng sama ng loob dahil ang mga akdang isinalin ni Dante sa wikang Pranses ay pagtatataksil sa kagandahan at katuturan ng original na likha. Ang kasabihang din ay isang pagtanggap na walang sinuman ang tapat sa orihinal na teksto kung ilalapat ito sa ibang wika. Isa sa mga dahilan ang puwang ng leksikal (lexical gap); ito ay ang kawalan ng isang salita o parirala ng katumbas o kahulugan sa pagsasalin sa ibang wika. Ang mga tayutay gaya ng puns, palindrome, at spoonerism, ang barirala, sintaksis at iba pang bagay na walang katumbas sa ibang wika ay ilan lamang sa mga ito. Noon, dahil wala pang direktang katumbas ang salitang ‘kilig’ sa Ingles, kalimitang pamalit ang pariralang “butterflies in stomach”. Dahil walang direktang salin, pinupunan ng mananalin ang puwang ng leksikal gamit ang katumbas. Kaya, ang pagsasalin ay maaring kasangkutan ng pagsasakripisyo ng literal na katumpakan para sa pagsasalin na mas tapat sa estilo at punto ng orihinal. Sa pagsasalin sa kontekstong Filipino, gumagamit ng pananliksik (saliksik-salin) upang punan ang puwang ng leksikal para sa mas tumpak at angkop na akda para sa karunungang bayan.

Sa isang bansang mayroong higit sandaang wika tulad ng Pilipinas, ang pagsasalin ay isang kasangkapan para ilakip ang kontribusyon ng iba’t ibang rehiyon at pangkat etnikong kultura at kaalaman tungo sa pambansang kamalayang nakabatay sa wikang pambansa. At isa pa, ang pagsasalin sa kontekstong Filipino ay nagpapaunlad at nagpapayaman ng wikang pambansa—Filipino.

Isang malaking bagay na mayroong tayong mga naging mga programa, organisasyon, institusyon at batas na nagsusulomg ng pagsasalin sa kontekstong Filipino para sa ikauunlad ng wikang pambansa at karunungang bayan. Isa sa mga mahalagang programa ay ang ‘Panitikan Series’ na itinatatag ng samahan ng mga manunulat mula sa tatlong pangunahing pamantasan sa bansa— ang Unibersidad ng Pilipinas (UP), Pamantasan ng Ateneo de Manila (AdMU) at Pamantasan ng De LaSalle (DLSU) na naglalayong “maglathala at maglimbag ng mahahalagang likhang panitikang dapat basahin ng mga mag-aaral sa literatura at Kulturang Pilipino “ Isa sa mga tuntuning gabay ng Panitikan Series ay ang pagsasalin ng mga rehiyonal na akda tungo sa Filipino. Hindi maitatanggi na ang programang ito ay may ambag sa pagbuo ng pambansang panitikan. May mga salitang nanatili gaya ng 11 salitang Cebuanong ginamit sa ilang akda: hungot, tughong, agsa, lamaw, binuyok, agpangan, sangig, sanggab, tinustos, bantingan, at bungot-bungot. Dahil sa konseptong isinagawa, mas madagdagdagan pa ang bolabukaryo sa pambansang wika mula sa katutubong salita. Isang daan sa pagpapayaman ng wikang Filipino.

Ang Aklatang Bayan ay isa rin sa ilang programa ukol sa pagsasalin sa kontekstong Filipino. Ito ay sinimulan ng Sentro ng Wikang Filipino noong 1994 nang mangailangan ang Unibersidad ng Pilipinas ng aklatang binubuo ng mga libro sa iba’t ibang larangan at disiplina matapos ideklarang gawing midyum sa pagtuturo sa kolehiyo ang Filipino. Ang Aklatang Bayan ay nahahati sa sari-saring serye batay sa larangan at disiplina, ito ang mga sumusunod: Aklat Bahandi ( isinaling internasyonal at rehiyunal na akda), Aklat Binhi (agricultural), Aklat Danum (agham pampagdaragat), Aklat Ili (agham panlipunan), Aklat Paraluman (agham at sipnayan), Aklat Pasad (pag-iihinyero at mekaniks), Aklat Sanyata (sining, panitikan, wika, huminidades) at Aklat Uswag (ekonomiks). Ito ay naging instrumento rin sa paglilinang ng wika sa pamamagitan ng paghiram ng mga teknikal at siyentipikong konsepto mula sa wikang Espanyol at Ingles at maging natibisayon ng mga ito, at paglikha at paghanap ng katumbas na salita sa wikang katutubo. Halimbawa, ang paggamit ng salitang Ilocanong “rabaw” na katumbas ng “surface” sa sagsigan o heometriya. Hindi lang pagpapaunlad ng wika ang naidulot ng Aklat Bayan. Napatunayan ring maaaring gamitin sa pagtuturo ang Filipino at may kakayahan sa inteleltwalisasyon nito, sa tulong na rin ng pagsasalin sa konseptong Filipino.

Pagsasalin sa Kontekstong Filipino at ang Danas

Ayon sa isang Pranses na dalub-aghamtaong si C. Levi-Strauss, “ang wika ay isang bahagi ng kultura, produkto, nito at kamatayan nito.” Nakasaad naman sa teorya ni Jm Lotman, isang Rusong iskolar, mananalysay at dalub-aghamwika: “hindi iiral ang wika maliban nalang kung ito ay bad sa kontekstong kultural; walang iiral na kultura kung hindi ito nakasentro sa kayarian ng natural na wika.” Dagdag pa, ang kultura raw ay ang mekanismong istrukturap na magbibigay kayarian sa pamamagitan ng pangunahing sistemang modelo (wika) at pangalawang sistemang modelo (sining, panitikan, relihiyon, atbp.). Nangangahulugang ang wika at kultura ay konektado at hindi (o mahirap) mapaghihiwalay. Sinasabing ang pagsasalin ay gawain na di maiiwasang masangkot ang di banana sa dalawang wika at dalawang tradisyong kuktural (Toury, 1978). Kaya, kung ilalapat ang teksto sa ibang lengguwahe, dapat ding isaalang-alang ang kultura. May pagkakataong noong 1977, nagbigay ang pangulo ng Poland ng talumpati at ang kagawaran ng estado ay kumuha ng Rusong interpreter na wala masyadong karanasan sa pagsasalin sa Polish. Sa halip na “noong ako’y umalis sa Estados Unidos” na winika ni Pangulong Carter,ito ay” noong iniwan ko ang Estados Unidos,” ayon sa interpreter na ikinasira ng imahe ng pangulo sa araw na iyon. Dahil ang kultura ang magbibigay ng konteksto sa wika, marapat lang na aralin ito para sa mas angkop at tiyak na pagsasalin.

Sa pagsasalin sa kontekstong Filipino, dapat isaliksik at pag-aralan ang wika, kultura sa Pilipinas, kabilang na ang kasaysayan, tradisyon, kabutihang asal at mga bawal (taboos) at ganoon na rin sa katumbas na wika. Inaayon rin ang pagsasalin upang matugunan ang pangangailangan, nakasanayan at naaayon sa madla na kokonsumo ng teksto—lalo na ang mga Filipino. Isang halimbawa ang ‘Sintang Dalisay’, ang adaptasyon ng Romeo and Juliet ni William Shakespeare: ang mga pangalan, relihiyon,musika at sayaw, tradisyon at kabutihang asal ay sumasalamin sa pagka-Pilipino. Mapapansin din na karaniwang isinasagawa ang pagmamano at pagyakap sa mga akda at palabas na Pilipino na hango sa dayuhan na nagsasagawa ng pagbebeso-beso, dapdag pa ang paggamit ng po at opo. Hindi lang iyan;pagkaing Pinoy, hindi Tteokbokki o kimchi at Katoliko sa halip na Buddhist, ay ilan lamang sa mga halimbawa ng pagbabago sa kultura sa adaptasyon ng mga dramang Koreano. Base sa mga mga ipinaliwanag, inilarawan at inihalimbawa, may kabuhulan ang pagsasalin sa kontekstong Filipino sa pagsasaliksik at pagpapaunlad ng kultura ng Pilipinas, kalakip na ang wika na nagpapalalim sa pag-unawa sa mga ito.

Pagsasalin sa Kontekstong Filipino at ang Diwa

Batay sa panayam kay G. Cardenas, ang Filipinolohiya ay isang disiplina ng karunungang nakabatay sa makaagham na pag-aaral sa pinagmulan at kalikasan ng wika panitikan, kultura, kasaysayan at kominikasyon at iba pang batas ng karunungang Pilipino, gayundin ang pagpapaunlad ng karunungang ambag mg Pilipino sa daigdig ng kaalaman. Nakasaad naman sa papel ni Abadilla na ‘Wisyo ng Konseptong Filipinolohiya’,” mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na kaisipan sa pagproproseso ng mga karunungang bayan tungo sa pambansang karunungan at kamulatan.” Winika naman ni G. Lain na ang Filipinolohiya ay nagtataglay ng makamasa, iyentipiko at makabayang edukasyon. Masasabi matin na may gampanin rin ang pagsasalin sa kontekstong Filipino sa Filipinolohiya sapagkat ang pagsasalin ay isang maayos na pagproproseso ng karunungan mula sa mga rehiyon para maging pambansang karunungan at ito rin ay siyentipiko (nakabatay sa pagsasaliksik), makabayan at maka-Pilipino. Ang pagsasalin sa Kontekstong Filipino ay naglalayong paunlarin ang kasanayan sa pagsasalin na may gabay ng pananaliksik (saliksik-salin) na nakalapat sa konseptong Filipinolohiya, sa pag-unawa sa kahulugan, teorya at kahalagahan ng pagsasapraktika ng pagsasalin tungo sa Intelektuwalisasyon ng Wikang Filipino. Nangangahulugang ang pagsasalin sa kontekstong Filipino ay mahalagang kasangkapan tungo sa Filipinolohiya at bise bersa: sila ay magkaugnay.

Dahil ang pagsasalin sa kontekstong Filipino ay nakabatay sa sariling wikang pambansa at sa konseptong Filipino, masasabing na ito ay nagsusulong din ng iba pang kamalayang gaya ng Sikolohiyang Pilipino, Pantayang Pananaw at Pilipinohiya.

Ayon kay Mendoza, ang Sikolohiyang Pilipino ay uang pamamaraang pangsikolohiyang may kalipunan ng mga metodolohiyang higit na angkop at may pagpapahalaga at pagkilala sa karanasang panloob ng mga komuninad at ng mga Pilipino. Ito’y pag-aaral ng diwa ng mga Pilipino at ipinanganak mula sa karanasang, kamalayan at oryentasyon ng mga Pilipino na nakabatay sa pagkakaugat sa ating wika at kultura. Ito ay matutugunan rin ng pagsasalin sa kontekstong Filipino, dahil ang mga karanasang panloob mula sa iba’t ibang lalawigan hindi mula sa mga dayuhan ang pokus nito, at nakaugat sa wika at kultura na pinatunayan sa mga naunang talata.

Sa pagpapakahulugan ni Salazar, ang Pantayong Pananaw ay panloob na ugnayan ng katangian, kaalaman, karunungan, at karanasan ng isang kabuuang pangkalinangan na ipinanapahayag sa pamamagitan ng isang wika. Ito’y naglalayong habiin ang pagkakaiba sa pambansang konsepto upang lumikha ng pag-iisa. Gaya nga ng halimbawa kanina ukol sa Panitikan Series, ang pagsasalin sa kontekstong Filipino ay intrumento upang ilapat ang etnikong kultura tungo sa pambansang karunungan. Ang mga akda sa ibang wikang katutubo, ay magiging isang kaalaman ng lahat kung ito ay nasa Filipino dahil lahat tayo ay makakaunawa nito.

Ang Pilipinohiya, ayon kay Covar, ay diskursong nagmumula sa naratibo ng indehenisasyon na naglalayong maging isang disiplinang nanggagaling at kumikilala sa pambansa/ panloob/ pansariling talino at karanasan. Ito’y nagpupuntong bumalangkas at lumikha ng kaalaman tungkol sa bansa mula sa ating pananaw, hindi mula sa pagtingin ng mga Kanluranin. Gaya ng ibang kamulatan at diskurso, ang pagsasalin sa kontekstong Filipino ay kasangkapan rin sa Pilipinohiya dahil ito ay nakabatay sa Filipinolohiya at sariling wika, kultura at karunungang mula sa iba’tibang dako ng bansa na pinagyayabong pa.

Naging malaking bahagi na ng buhay at pagkakakilanlan ng mga Pilipino at Pilinas ang pagsasalin, mula sa wika, relihiyon, kultura, sining, panitikan maging sa edukasyon, kalakalan, at kaunlaran. Marami na ring pagbabago at pag-unlad gaya ng pagsasalin sa kontekstong Filipino na may malaking ginampanan at kabuluhan sa ating Dila— pinagyabong at pinaunlad pa ang pambansang wika, nagbigay tagumpay sa paggamit ng Filipino sa pagtuturo, at nagpatunay na may laban tayo sa inteleltwalisasyon ng wikang pambansa. Sa ating Danas— mas napalalim pa ang pagkakaunawa at pagpapahalaga at tumaas ang level ng kaalaman ukol sa kultura ng mga Pilipino. At sa ating Diwa— isang kasangkapan para maisakatuparan ang Filipinolohiya, Sikolohiyang Pilipino, Pantayong Pananaw, at Pilipinohiya.


Mga Sanggunian:

  • GEED 10113 Pagsasalin sa Kontekstong Filipino Modyul

  • GEED 10103 Filipinolohiya at Pambansang Kaunlaran Modyul

  • https://ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/in-focus/pushing-the-national-language-development-through-translation/

  • http://www3.uji.es/~aferna/H44/Cultural-implications.htm

  • https://www.jstor.org/stable/306702?read-now=1&refreqid=excelsior%3Af136df432ffc051349838a38b363836d&seq=5

  • https://www.sciencedirect.com/science/article/pii/S2210831910000056#:~:text=Lotman’s%20theory%20states%20that%20%E2%80%9Cno,211%E2%80%93232).

  • https://podarilove.ru/tl/yazyk-i-kultura-statya-sootnoshenie-yazyka-i-kultury/

  • https://blog.oup.com/2012/09/traduttore-traditore-translator-traitor-translation/

  • https://www.altalang.com/beyond-words/traduttore-traditore/

7
$ 11.12
$ 11.07 from @TheRandomRewarder
$ 0.05 from @wakeuplincs
Avatar for Nyctofiles
2 years ago

Comments