Sa Panahon ng Pandemya Ilang Pangarap ang Nasira?

0 6
Avatar for Nikko14
4 years ago

Gusto ko lang naman maglabas ng saloobin. At siguro may iba rin na kaparehas ko ng nararamdaman. Magtatapos na sana ako ng kolehiyo ngayong Hunyo kung hindi dahil sa pandemyang ito. Sa totoo lang, gustung-gusto ko na makaalis sa aking pamantansan at magpakalayo, magtrabaho, mag-ipon. Ramdam ko na kasi yung pangangailangan, sa susunod na pasukan ay magsisimula na rin sa kolehiyo ang kapatid ko. Wala naman akong tuition sa kasalukuyan kong pinapasukan, pero yung sa kapatid ko, malaking pera ang kailangan. Nalulungkot akong isipin na kung hindi lang talaga dahil sa pandemyang ito ay makaktulong na sana ako sa pamilya ko. Hindi na sana ako aasa sa kanila, hindi na palamunin.

Ngayon kailangan ko pa ulit bumalik sa pamantasan, isang sem pa. Dahil di talaga kayang magtapos ngayong Hunyo. Natatakot ako bumalik, dahil ang pinapasukan ko ay napakalayo kung saaan ako nakatira. Kailangan ko mag dorm. Isa pang bayarin. Paano ang pag biyahe? Laganap pa rin ang virus, tumataas pa lalo ang nahahawaan ng sakit. Ligtas na ba talagang bumiyahe, umalis, nang napakalayo sa pamilya. May maliit na parte sa akin na ayaw na talaga bumalik. Kaya siguro mas inuuna ko pa maghanap ng part-time job kaysa gugulin ang oras ko sa pang akademikong gawain. Pero naisip ko rin, baka ito lang din talaga ang paraan ko para tulungan ang sarili ko. At least, iniisip ko na lang, di pa ako nawawalan ng motibasyon gumawa ng mga bagay bagay.

Yun lang ang hirap talaga. Mahirap maghanap ng trabaho online. Palaging puno, may waitlist. Yung isa namang napasukan ko pinatigil muna yung mga tabahador. Minsan naiisip ko na mag business na lang, pero maliit na pera lang din ang nasa akin. Wala rin naman akong sapat na pera para sa mga permit na hinihingi. Ang dami kong gustong gawin ngunit parang lahat naman ay talagang napupunta sa wala.

Iniisip ko na lang din, hindi naman ako nag-iisa. Kahit ang mga kasabayan ko ay naudlot din. Yung iba pinanghinaan din ng loob, yung iba naman patuloy na lumalaban. Kasabay ko pa nga minsan magahanap ng online job. Para sa akin, wala namang masama sa mga bagay na ito. Ipinapakita lamang nito na tao, ako. Tao, tayo. Nasasaktan, nahihirapan, pero bumabangon para lumaban. Siguro lang talaga ramdam na ramdam ko yung sakit dahil parang lalo pa akong lumayo sa mga pangarap ko nang mangyari ang kaguluhang ito. Parang naging imposible pa nga.

Pero, ayaw ko mawalan ng pag-asa. Ayaw, ko sumuko. Matatagalan pa talaga bago ko maabot ang mga pangarap ko, pero gusto ko lumaban. Hindi pa ito ang katapusan ng lahat. Tuloy lang ang buhay, hindi naman tumitigil ang daloy ng panahon. Para sa sarili ko, gusto kong sabihin na "Sandali lang." Hangga't may bukas, may pag-asa. May pagkakataon. Higit sa lahat huwag mawalang ng pananampalataya. May mga panahong parang gusto ko na bumitaw, pero iniisip ko na lang na kasama ko ang Diyos.

Sana'y matapos na ang pandemyang ito. Sana ay bumuti na ang lahat. Sana'y wala nang magkasakit. Sana'y maging ligtas na muli ang paligid.

Sa ngayo'y mag-ingat tayong lahat. At kung nakaabot ka sa dulo ng aking isinulat, maraming salamat at maging ligtas nawa.

1
$ 0.00
Avatar for Nikko14
4 years ago

Comments