Ang Aking Tahanan

0 59

Mapalad ang bawat kabataan na buo ang pamilya at mauuwiang sariling tahanan. Masaya sila at malaya nilang nagagawa ang mga gusto nila. Hindi ko kasi naranasan ang mga bagay na iyon dahil pagkapanganak pa lamang sa akin ng aking ina ay binawian na siya ng buhay. Ang aking ama naman limang taong gulang pa lang ako noon ay binawian na rin ng buhay dahil sa kanyang karamdaman.

Bago pa man mamatay ang aking ama ay inihabilin niya ako sa kamag-anak ng aking ina, pero simula ng magsampung taon ako ay napagdesisyunan nila na ibigay ako sa ampunan. Sabi pa nga ng aking tiya mas mapapabuti raw ako doon dahil baka may umampon sa akin na mag-asawang mayaman. Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon na lamang kadali na ibigay nila ako sa ampunan gayong pamilya din naman nila ako.

May isang taon na siguro ako noon sa ampunan ng mapagdesisyunan kong tumakas dahilan sa hindi ko na gusto ang mga patakaran nila roon. Halimbawa na lang ng bawal manood ng telebisyon, may oras ang pagtulog pati na rin ang paggising, kailangan may itutulong ka sa mga gawain halimbawa ng paglalampaso ng sahig, paghuhugas ng mga pinagkainan, paglalaba at paglilinis ng bahay ampunan.

Isa pang kinaaayawan ko ay ang namamahala sa ampunan napakasungit niya strikta, kailangan alerto ka lagi sa kilos mo kung hindi marami siyang pupunahin sa iyo at sa mga ginagawa mo. Isang beses nga noong nagwawalis ako sa labas ng ampunan umupo lang ako saglit dahil napakainit noon sa labas ang dami na niya agad sinabi sa akin. Gaya na lang ng 'kung ibang bata ang makakita sa iyo gagayahin nila ang katamaran mo, gusto mo bang maging masamang modelo sa mga kasamahan mo rito?'. Umupo lang naman ako noon pero inisip niya na katamaran agad ang pag-upo ko. Simula noon naging alerto na ko pag nasa paligid ang namamahala.

At heto na nga ako ngayon binabagtas ang lansangan, sa totoo lang hindi ko alam kung saan na ako dadalhin ng aking mga paa. Ang nais ko lang ay makalayo na ng tuluyan sa lugar na iyon ayokong gugulin ang buong buhay ko sa ampunan na parang isang preso.

Ngunit bigo ako ng makalaya na ng tuluyan, apat na araw simula ng tumakas ako ay nahanap ako ng isa sa mga tauhan sa ampunan.

Maluha-luha akong nakiusap na huwag na niya akong ibalik doon, doon sa lugar na para akong isang bilanggo. Ngunit tila para siyang bingi sa aking pakiusap at ibinalik pa rin ako sa lugar na ayaw ko ng balikan.

Agad kaming sinalubong ng namamahala at dinala ako sa kanyang opisina. Alam kong galit siya nababasa ko iyon sa kanyang mga mata. Bumuntong hininga siya ng mapatingin sa akin at saka sinambit ang mga salitang ito. "Ayos ka lang ba?". Saglit pa akong natulala sa kanya at marahang tumango na tila nagtataka pa rin kung bakit ganoon ang sinabi niya sa akin.

"Mabuti naman kung ganon. Sige na makakabalik ka na sa iyong silid. Huwag mo na ulit tatangkaing tumakas ha? Ikaw lang din ang mahihirapan kung gagawin mo iyon." malumanay niyang sinambit at umupo na siya sa kanyang silya. Tumayo na ako at nagtungo sa pinto ng kanyang opisina. Bubuksan ko na sana ang pinto ng bigla ulit siyang magsalita. "Ayaw mo ba sa lugar na ito?" tanong niya kaya naman hinarap ko siya.

Dapat ko bang sabihing oo? Baka magalit siya sakin at parusahan ako. Pero dapat naman talaga siyang magalit dahil tumakas ako at mali iyon, ano bang isasagot ko?

"Sige na hindi mo naman kailangang sagutin ang tanong ko. Pumunta ka na sa kwarto mo." sambit niya.

"Hindi po ba kayo galit sa akin?" tanong ko.

Napapaisip kasi ako kung bakit hindi siya galit gayong mali yung ginawa ko. Dati rati kahit wala akong ginagawang mali palagi niya akong sinesermunan. Ngayon kahit sama ng tingin ay wala akong natanggap mula sa kanya.

"Kung magagalit ba ako may magagawa ba iyon?" saglit pa siyang tumigil at "Sapat na sa akin ang makitang nakabalik ka ng maayos at walang galos. May nais ka pa bang itanong?" sambit niya.

Umiling na lang ako at nagpaalam na sa kanya. Habang naglalakad ako papunta sa aking silid ay nakasalubong ko si Mark isa sa mga batang kasama ko dito sa ampunan. "Pinagalitan ka ba ni Ms. Jackie?" tanong niya. Umiling ako at nagpatuloy sa aking paglalakad. Naramdaman ko naman na sumunod siya sa akin. "Di pa rin talaga nagbabago si Mam." pangiti-ngiti niyang sambit saka tumawa ng bahagya.

Natigilan ako sa paglalakad at humarap sa kanya. "Alam mo tulad mo tumakas na rin ako noon dito dahil ayoko ng dinidiktahan ako sa mga ginagawa ko." kwento niya. Nagsimula na siyang maglakad kaya naman sumunod ako sa kanya dahil gusto ko pang makinig sa kwento niya. "Isang buwan akong palaboy-laboy sa lansangan. Hanggang sa nakita ulit ako ni Sir Eugene." dagdag pa nito at napansin kong naging seryoso ang mukha niya.

"Takot na takot akong humarap noon kay Ms. Jackie sa pag-aakalang paparusahan niya ako ng matindi, pero mali ako." muli niyang sambit at ngumiti sa akin.

"Niyakap niya ako ng mahigpit at umiyak siya. Ang hindi ko malilimutan na sinabi niya ng araw na 'yon ay 'Natutuwa akong nakabalik ka ng ligtas, huwag mo na ulit lisanin ang lugar na ito. Hindi mo man napapansin pero itong lugar na 'to na lang ang natitira mong tahanan, at kaming narito na kasama mo ang iyong pamilya. Kaya pag umalis ka ulit parang sinabi mo na rin na ayaw mo kaming makasama, kami, na bago mong pamilya.' kwento niya sabay tapik sa balikat ko.

Kaya pala hindi siya nagalit sa akin dahil itinuturing niya ang bawat batang narito na parang mga anak niya.

"Oh saan ka pupunta? Di ba dito kwarto mo bakit babalik ka?" malakas na sambit ni Mark sa akin.

"Pupuntahan ko si Ms. Jackie, papasalamat lang ako at tinanggap niya ulit ako dito." nakangiti kong sinambit at bumalik na sa opisina ni Mam.

Nakalimutan ko na hindi nga lang pala ito isang ampunan ito na rin pala ang aking tahanan. Hindi ko man sila kadugo pero masasabi ko naman na para ko na silang pamilya.

1
$ 0.00

Comments