Marami ang nalulungkot sa mga nangyayari
Sa ating paligid kaba't takot ang naghahari
Kung kailan magwawakas ay hindi mawari
Itong pandemikong sa daigdig namamalagi.
Bunga kaya ito ng pagsira sa kalikasan
Mga bundok, dagat at maging kagubatan
Ito nga kaya ang naghihintay na kaparusahan
Sa mga taong mapanira ganid sa kayamanan.
Bakit kailangan pati inosente ay madamay
Sa kabalakyutan maraming nasirang buhay
Lungkot at pighati sa puso'y nag-uumapaw
Hirap ng damdami'y tanging Diyos ang gabay.
Ngayon ay nangangarap ang bawat isa
Simpleng pamumuhay katulad noong una
Pangunahing kailangan ay laging sagana
Subalit tila ba ipinagkakait ng tadhana..
Kung ito nga ang kapalit sa mga kamalian
Magpakumbaba't hingin ang kapatawaran
Upang magbalik ang sigla't kalusugan
Sa Diyos ay magdasal tayo'y pakikinggan.