Isang Akda mula sa isang Makata (A Poem from an aspiring Poet)
Isang papel, isang panulat na may tinta Simpleng bagay lamang ngunit maituturing na armas na Mga armas ng mga tinatawag na mga makata Na mahilig gumawa ng mga ganitong akda. Heto ako ngayon, nasa isang upuan Nag-iisip ng akda sa iba't ibang paraan Para lungkot niyo ay maibsan at tuluyang lumisan At para na rin magkaroon ng kaligayahan. Gaya ng aking binanggit kanina Ito ay isang akda mula sa isang makata Isang makatang kagaya ko na masayang nagbabahagi ng mga tula Para sa sinumang tao na gustong-gusto ng mga ganitong akda. Kapag ikaw ay nalulungkot at walang maka-usap O di kaya ay nakatulala lamang sa alapaap Huwag kang sumuko sa iyong pangarap Dahil ang tagumpay ay iyo ring malalasap. Buhay man ay puno ng hirap at pasakit Marami man ang nagkakasakit Ang iba man ay sa patalim kumakapit Huwag mong hayaan na ang 'yong mga mata ay tuluyang pumikit. Lahat ng problema ay may solusyon Hindi man tayo pare-pareho ng tinatahak na direksyon Manatili pa ring matatag at puno ng determinasyon Kahit pa pinagbagsakan na ng lupa at punong-puno na ng emosyon. Isa, dalawa, tatlo, apat, lima Nasa ika-anim na palang talata Sana kahit papaano ay naaaliw ka sa aking pagiging makata Kahit pa wala akong masyadong kakilala. Ikaw yata ngayon ay nakangiti na Puno ng kislap ang mga mata Parang sa kalangitan na puno ng mga kumukinang na mga tala At kumikintab-kintab naman na mga dyamante sa lupa. Ako ngayo'y aktibong-aktibo Sa pagbuo ng mga linyang talaga namang sumasakto Hindi lamang sa tugma, ngunit maging sa kahulugan ng mga ito Na siyang nagmula pa mula sa kaibuturan ng aking puso. Tunay ngang ang mabubuti ay pinagpapala Pero huwag kalimutang magpakumbaba Ang sinumang arogante sa gawi at sa mga mata ng masa Ay hindi kailanman tuluyang magiging masaya. Hindi naman masamang magyabang minsan Kung ito ay sa mabuting paraan 'Yong tipong wala kang natatapakan At' yong tipo na walang angas na pangmalakasan. Kung ikaw ay punong-puno naman ng biyaya Huwag magdadalawang isip na tumulong sa kapwa Dahil ang sinumang tumutulong sa iba Ay talaga namang patuloy na pinagpapala. Kung ikaw naman ay may nagawang kasalanan Magkumpisal at humingi ng kapatawaran Huwag kakalimutang magdasal sa simbahan Kahit pa wala kang hihongiin na kailangan. Tila yata ako ay nauubusan na Nauubusan ng salitang sasabihin sa madla Tinta ng aking panulat ay para ring paubus na Pero kung gusto maraming paraan, gaya ng sinasabi sa isang kataga. Marami pa akong ikwekwento sa inyo Sinimulan ko ito sa pagbibigay payo Ngayon naman ay kailangang magpakatotoo Sa kung anumang nilalaman ng ating puso. Iba ang sinasabi ng ating isip sa idinidikta ng ating puso Pero kahit ano pa man 'yan mga kaibigan ko Dapat pa ring piliin niyo Ang sa palagay niyo' t makakatulong sa inyo. Huwag gagawa ng mga bagay ng pagsisisihan sa huli Gawin lamang ang tunay na makapagbibigay ng kasiyahan at hindi ang pighati Ikaw man ay mapababae o lalaki Sa pagkakataong maibibigay sa iyo, kailangan mong maging wais sa pagpili. Huwag kang matakot gumawa ng bagay na kesyo ganito o kesyo ganiyan Lahat naman tayo ay nagkakamali at may pinagdadaanan Lahat naman tayo ay may patutunguhan Manalig lang at huwag magsasawang abutin ang kasiyahang hinahangad magpakailanman. Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, hanggang labing-siyam Sana ay naaliw kayo at kahit papaano ay ginanahan Sana may napulot kayo mula sa aking mga nalalaman At sana ay naaliw kayo ng aking akdang pinagpawisan. Ang fund ng read.cash ngayo'y may pitong numero na Kay sir @MarcDeMeselna tunay na pinagpala Lubos akong nagpapasalamat sa kaniya Sa ganitong paraan kahit papaano, ay mapasaya ko siya. Isang papel, isang panulat na may tinta Nakagawa ng isang obra maestra Naglalaman ng magkakatugmang salita Isang akda mula sa kagaya kong pwedeng tawagin na isang makata.
3 comments
Tunay ngang makapangyarihan ang mga salita Ako ay iyong napahanga sa iyong tula Punong-puno ng kahulugan, masarap din sa tainga Kailan rin kaya ako makakagawa ng ganitong klaseng tula?
Maraming salamat, aking kaibigan Sa pagbabahagi ng iyong kumento Lubos akong nasiyahan Sa handog mo sa tulang ginawa ko. ❤️
Anong saya masilayang sariling wika ang iyong ginamit sa akda. Damdaming di mapigilan, sa sulat mo ngayon nilaan ang panambitan.