Bakit kaya nagmamano ang mga Pilipino sa mga nakatatanda? Nakasanayan ng mga Pilipino ang magmano. Ginagawa ito upang maipakita ang angking kagalangan ng mga Pilipino tungo sa mga nakatatanda’t pati na rin sa ibang tao.
Ang pagmamano ay isang paraan ng paggalang sa nakatatanda. Isa itong tradisyong ginagawa ng mga Pilipino. Ginagawa ito sa pamamaraan ng pagkuha ng kamay ng kung sino mang nakatatanda na siyang ididikit sa noo tuwing may pagsasamasama ng tao na mayroong mga nakatatanda. Nagmula ito sa ating mga ninuno na siyang tinuturo’t sinasanay sa mga bata o mula sa ating pagkabata. Ngunit mayroon din itong pinanggalingang bansa. Ayon sa definitelyfilipino.com, maaaring galing ito sa Tsina na nakarating lamang sa atin. Sa parehong bukal, sinasabi ring maaring nagmula ito sa mga Malayo sa Singapore at Malaysia.
Kahit saan pa man ito nanggaling, dapat lamang na magmano sa mga nakatatanda. Maipakikita nito ang ating kagalangan sa ibang tao. Sinisimbolo rin nito na tayo’y tinuruan ng ating mga magulang ukol sa paggalang tungo sa ating mga nakatatanda. Ipinakikita rin nito ang kulturang Pinoy na maipagmamalaki natin nang lubos.
Nawa’y hindi maglaho ang pagmamano sa mga matatanda sa mga susunod na henerasyon sapagkat marapat na bigyang respeto ang mga nakatatanda. Kaakibat na rin nito ang katotohanan na ito’y isang kulturang Pinoy na siyang tanyag at kakaiba.