Aswang sa aming baranggay (baryo sitenta)

0 24
Avatar for Michikai
3 years ago

I-ilan lang ang mga nakatira sa Baryo Sitenta dahil sa sabi-sabi na may “aswang” raw na nakatira sa baryo na iyon. Kabilang sa mga nakatira doon ay ang pamilya Cruz – sina Mang Kaloy at Aling Cecilia at ang kanilang dalawang anak na sina Carlos at Cerio.

Bantog na “aswang” raw ang kapitbahay nila, si Mang Boy. Ngunit, kahit kailan, hindi ito pinaniniwalaan ng pamilya Cruz dahil sa kabutihan na ipinapakita ng matanda sa kanila.

Isang araw, may isang grupo ng kabataan na pumunta sa bahay ni Mang Boy. Nagkataon rin na nasa bakuran sina Mang Kaloy at ang dalawa niyang anak na lalaki naglilinis.

“Hoy aswang lumabas ka riyan! Iwan mo na ang baryo namin susunugin namin ‘tong bahay mo,” sigaw ni Elias, isa sa mga grupo ng kabataan.

“Elias! Ba’t ganyan ka magsalita sa matanda? Galangin mo naman siya,” sabi ni Mang Kaloy sa anak ng tindero sa baryo nila.

Umalis ang grupo ng mga kabataan bago pa man nakalabas si Mang Boy sa maliit niyang bahay. Kinabukasan, usap-usapan sa baryo nila na nawawala si Elias at isa sa mga kaibigan niya.

“Siguro kinuha sila ng matanda kagabi, nakakatakot na talaga ‘tong lugar natin,” sabi ng tindera sa maliit na tyangge.

Narinig nina Mang Kaloy ang usap-usapan ngunit panatag ang kalooban nilang mag-asawa na walang kinalaman si Mang Boy sa pagkawala ng dalawang bata. Sina Carlos at Cerio naman ay may kaunting duda at takot na.

Lumipas ang isang araw ng hindi pa rin nakikita sina Elias at ang kaibigan niya. Nagplano ang mga nakatira sa Baryo Dekada Sitenta na gumawa na ng aksyon.

“Ano kaya kung ipagpatulog natin yung banta nina Elias sa matanda? Baka sakaling ipakita na niya ang totoo niyang pagkatao,” sabi ng isa sa mga residente doon.

Nagtipun-tipon sila ng madaling araw. Walang kaalam-alam ang pamilya Cruz sa plano ng mga kapitbahay nila na sunugin ang bahay ni Mang Boy. Naisagawa nila ito.

“Carlos, Cerio gising! Nasusunog yung bahay ni Mang Boy, labas na tayo at baka madamay yung bahay natin,” sigaw ni Aling Cecilia habang ginigising ang dalawang anak niya.

Lumabas ang pamilya at nakita nilang nag-aabang ang mga tao sa paglabas ng tinatagurian nilang “aswang”. Subalit, halos maubos na ang likuran na parte ng bahay ni Mang Boy ay walang “aswang” na lumabas.

Ang lumabas ay isang matanda na mahinang-mahina na at halos hindi na makahinga sa usok sa nasusunog niyang bahay. Sinalubong siya ni Mang Kaloy bago pa siya bumagsak sa lupa.

Hinikayat ng pamilya Cruz ang mga tao na magtulong-tulong apulahin ang apoy. Hindi makatanggi, ginawa ito ng mga taga Baryo Dekada Sitenta kahit medyo labag sa kalooban nila.

Kinabukasan, dumating si Elias at ang kaibigan niya. Mula pala sila sa bayan may pinuntahang kaibigan at hindi nakauwi agad. Sising-sisi ang mga taga Baryo Dekada Sitenta sa ginawa nila kay Mang Boy.

Pinatira ng pamilya Cruz ang matanda sa bahay nila ngunit hindi rin ito nagtagal. Labis na na-apektuhan ang kalusugan niya sa mga usok na nasimhot noong araw na iyon at mahinang-mahina na siya.

“Maraming salamat sa hindi niyo paghusga sa akin sa kabila ng pananaw ng lahat ng taga rito sa akin. Hindi ako ‘aswang’, sadyang ayaw ko lang na patulan yung mga sinasabi nila dahil hindi naman totoo.

Inakala nilang may aswang sa Baryo na ‘to dahil paunti na ng paunti ang mga nakatira dito at akala nila ay ako ‘yon dahil matanda na ako at nakakatakot para sa kanila.

Ngunit ang totoo, ang mapanghusgang mga taga rito ang dahilan kung bakit umaalis ang ibang mga taga rito para mamuhay sa kabilang baryo. Sana’y balang araw ay hindi na ganito ang mga nakatira sa baryong mahal ko,” sabi ni Mang Boy bago pumanaw.

1
$ 0.00
Avatar for Michikai
3 years ago

Comments