Panahon Ko ‘to!
Panahon ko ‘to! Ito yung panahon ng mga tinatawag ngayon na mga batang 90’s. Ito ‘yong panahon na masasabi ko na talaga naming hindi ko pwedeng ipagpalit at ipagpapasalamat ko sa Diyos na ito ‘yong panahon na naranasan ko. Matatawag kong ito ‘yong ekstra-ordinaryo, bakit? Sapagkat ito yung panahon na talaga naming hinndi matatawaran ang kasiyahan nng mga kabataan. Ito ‘yong panahon na wala pa ang tinatawag natin na gadgets o makabagong teknolohiya. Ang panahon kung kalian labis na masaya at kontento ang mga tao. Ang panahon kung saan tila walang puwang ang problema. Parang ang gaan gaan ng lahat. Simple lang ang pamumuhay, walang maraming iniisip. Masaya na sa mga laruan na sariling gawa lamang at hindi pinagkagastusan. Ang itinuturing nap era-perahan ay mga balat ng sari-saring kendi o dili kaya ay mga dahon ng halaman, ang lutu-lutuan ay gawa lamang sa binasang lupa na hinugisan ng kalan, kaldero, kawali, ang mga mangkok at pinggan ay nabibili sa halagang piso na may kasamang tsokolate na gawa sa cocoa at ang pansit -pansitan ay iba’t- ibang uri ng dahon at mga bulaklak.
Madalas na naglalaro ang mga bata ay sa labas ng bahay. Habulan, luksong tinik, luksong baka, patintero, piko, taguan -pung, Chinese garter, sipa, tumbang preso, at langit, lupa, impyerno ang ilan sa mga larong kinagisnan. Nakatutuwa iyong taguan -pung, kapag hindi makitang taya ang mga kalaro ay umuuwi na lamang at umaayaw na ng hindi alam ng mga nakatago kaya naman pag medyo natagalan na sa pinagtataguan ay mapipilitan nang lumabas at walang magawa kundi mainis sa taya at uuwi na rin lamang. May mga iba pang laro tulad ng holen, teks, pogs, jackstone, pick up sticks at tau- tauhan. Masaya din iyong tau- tauhan, guguhit ka sa lupa ng hugis parisukat tapos sa loob noon ay doon ilalagay ang tinatawag na taya tapos may bukod tangi kang tau- tauhan na siya mo’ng gagamiting pamato upang tirahin palabas ng parisukat ang taya at presto! Sa iyo na ang lumabas na laruan.
Bihira noon ang may bisikleta, natatandaan ko noong bata pa ako, kailangan pa magrenta ng bisikleta upang maranasan ang mag bike, sa halagang limang piso kada oras, at marahil ito ang dahilan kaya hindi ako natutong mamisikleta, dahil sa wala akong pambayad ng renta kasi naman ang baon ko lang sa eskwelahan ay piso sa umaga at piso sa hapon. Sa halagang iyon ay nakakapagmeryenda na ako ng pansit o lugaw at palamig na may maliliit na sago. Ang pinakasasakyan naming ay iyong tinatawag na trolley, kapirasong medyo mahabang kahoy, sa tantiya ko ay may sukat na dalawampung pulgada ang haba at may walong pulgada ang lapad, ‘yon bang katulad ng ginagamit ng mga nanay paglalaba, ‘yong tinatawag na iskobahan o washing board sa salitang ingles. Nilalagyan ‘yon ng apat o limang bearing upang magsilbing gulong tapos doon patatakbuhin sa kalsada na mataas-pababa para mas mabilis, nakakatuwa talaga. May mga araw naman na nag kakayayaan kami na magpunta sa ilog, ibiya ang tawag sa amin sa ilog, habang daan ay madaming puno, may bayabas, santol, kaimito kaya naman bago makarating sa ilog ay busog na sa mga bungang- kahoy. Pagdating sa ilog ay agad magtatalunan sa tubig at pag napagod ay kakainin ang dalang pagkain na para sa amin ay napakasarap na, iyong maluto o pack lunch, kaanin lang naman na nakalagay sa pinainitang dahon ng saging, at ulam na ginisang toyo lang na maraming bawang at sibuyas, adobong walang karne ang tawag naming dun. Kapag mainit na at sunog na ang mga balat, magyayaya na ng pag- uwi at takbuhan na!
Pagsapit ng gabi, ang libangan naman naming ay magtambling sa pinag- dugtong- dugtong na unan o kaya ay maglaro sa anino gamit ang mga kamay. Hindi kasi uso ang telebisyon. Mayroong iilan na mayroong telebisyon at kung suswertihin at pinayagan ng magulang ay makikipanood sa kapit bahay. Nakakapanood din naman kami ng mga pelikula, doon sa tindahan ng kapit bahay na may Betamax. Kung gusto mong makapanood, dapat maghanda ka ng piso pambayad, halos punong puno ang sala ng may ari ng Betamax dahil halos lahat ng kapit bahay ay nakikipanood, isang beses lang kasi sa loob ng isang linggo ang palabas.
Ang saya ‘di ba? Ito ang panahon ko at walang makakasapat sa lahat ng magagandang karanasang pinagdaanan ko, at alam ko, madami ang matutuwa at makakarelate ika nga sa mga taong makakabasa nito. Napakasarap balikan ng mga ala- ala.