Maraming ibig sabihin ang pag-ibig. Marami rin ang uri nito.
At isa sa pinakadakilang pag-ibig ay ang pag-ibig ng isang ina sa anak.
Ang ina sa pagdarasal, ang mga dalangin niya ay napakamakapangyarian. Bakit? Dahil ang panalangin niya ay may kahalong pagmamakaawa na dingin ito ng Panginoon lalo na kung nasa matinding pagsubok ang kanyang anak. Hindi niya inuuna ipanalangin ang kanyang kaligtasan bagkus pinagninilayan muna ang dapat sabihin upang maisaayos at maging ligtas ang anak sa lahat ng oras.
Ang ina kapag may pera, hindi iniisip kung magkakaroon ba siya ng bagong gamit o alahas. Una sa listahan ang pangangailangan ng pamilya. At kung may sobra, magandang sapatos at napupusuang laruan ng anak ang kanyang ikasisiya.
Ang ina, sa hapag-kainan, hindi nauuna sa ulam, tinitignan muna kung sapat ang hinain sa kanyang mag-anak. Maliit na parte ang ihahain sa kanyang pinggan upang makita na busog at masigla ang anak sa tuwina.
Ang ina, sa pagamutan, huling nagpapasuri. Inuuna ang mga mahal upang mabili muna ang kanilang mga pangangailangan. Hindi na baleng walang gamot o bitamina sa kanya, mapunan lamang ang pangangailang ng mga anak. Ngunit, talagang kakaiba ang nagagawa ng pag-ibig ng isang ina, sa buong pamilya, kadalasa’y siya ang huling tamaan ng sakit at kahit mahina at may karamdaman pa, makikita mong laging may reserbang enerhiya. Magandang resistensiya ang hatid ng tunay na pag-ibig ng isang ina.
Ang ina madalang nating marinig na may iniinda. Para sa kanya, ayaw niyang mag-alala pa ang mga anak.
Iba’t iba ang ugali ng ina. Iba’t iba ang paraan ng pagpapalaki nito sa kanyang mga supling pero ang pag-ibig ng ina ay iisa… walang hanggang at walang katulad!