ANG MISTERYO SA LIKOD NG BIRINGAN CITY (The Invisible City of Samar)
Isa ang maalamat na Siyudad ng Biringan sa Samar sa labis na nagpapamangha sa akin.
Ang Biringan ay isang invisible city na pinaniniwalaang nasa pagitan ng Gandara, Tarangan at Pagsanghan sa Samar. Ang pangalan ng siyudad ay nangangahulugan sa diyalektong Waray na “ang itim na siyudad”, o “hanapan ng mga nawawala”.
***********
NASAAN NGA BA ANG BIRINGAN CITY?
Walang makapagturo kung nasaan ang eksaktong lokasyon ng mahiwagang siyudad. Gayunpaman, ito ay itinalagang isang barangay na bahagi ng Pagsanghan, Samar.
Pinaniniwalaan ng mga lokol na sumusulpot at nagpapakita lamang ang mahiwagang lungsod sa mga karapat-dapat.
Ayon sa kuwento nang mga nakasaksi diumano ng paglitaw ng invisible city, ang buong siyudad ay nagliliwanag at may mga nagtataasang gusali, na maihahalintulad sa modernong siyudad ng New York at Singapore. Laganap rin diumanon ang magagarbong cathedral-type buildings na may twist ng modern architecture sa invisible city.
Sinasabi rin na iba ang sukat o haba ng oras sa loob ng Biringan. Ito ang dahilan kaya ang mga taong aksidenteng napapadpad sa siyudad nang kahit ilang minuto para sa kanilang kamalayan, ay linggo o buwan na palang nawawala at hinahanap ng kanilang mga kaanak.
***********
SINO-SINO ANG MGA NAKATIRA SA BIRINGAN CITY?
Ayon sa paniniwala, ang populasyon ng Biringan ay binubuo ng mga engkanto na tinatawag na Dalaketnon. Ang mga Dalaket ay mukhang tao. Ang tanging pinagkaiba lamang ay wala silang philtrum o kanal sa ilalim ng kanilang ilong at ibabaw ng labi. Ang mga engkantong ito ay nakasuot ng mga itim na kasuotan, at namumuhay sa modernong paraan.
*************
MGA KUWENTO TUNGKOL SA BIRINGAN CITY
Bagama’t iilan lamang ang aktuwal na nakasaksi sa pagsulpot ng mahiwagang siyudad, ang kanilang mga testimonya ay napakalinaw at masasabi mong tila hindi lamang hinabi ng kanilang mga imahinasyon.
Ilang jeepney at bus driver na rin ang nagsabi na diumano, sila ay nakaranas ng close encounter sa mga nilalang na naninirahan sa siyudad. Ayon sa kanila, ang mga engkanto mula sa Biringan ay bumibisita sa mga kalapit na siyudad at nagpapahatid sa kanila. Tila nawawala raw sila sa kanilang mga sarili at matatauhan sa liblib na lugar, na kangina lamang ay isang abalang siyudad sa kanilang mga paningin.
Ipinagpapalagay rin na ang mga nawawalang mangingisda ay napunta sa Biringan at hindi na nakabalik. Ngunit ang mga pinalad ay nakapagbigay ng kanilang testimonya kung paano sila ganyakin ng mga engkanto patungo sa Biringan. Ayon sa kuwento, sa gabi nang kanilang paglalayag sa laot, bigla na lamang nilang makikita ang sarili sa isang kalmadong dagat na napakaraming isda. Sa paghahangad na makahuli ng marami, sila ay lalaot pa palayo sa pampang, hanggang sa makita na lamang nila ang mga sarili na sila ay lumulutang na sa alapaap ng Biringan City at hindi na sa dagat.
********************
PAHULING SALITA:
Para sa akin, tatlo ang posibleng paliwanag sa hiwagang bumabalot sa Biringan City.
Ang siyudad na ito ay maaaring maikategorya sa Parallel Universe, kung saan may ibang bersiyon ang mundong ating ginagalawan sa alternate reality. Maaaring ang Biringan City ay sadyang bahagi ng Pilipinas, na isang maunlad, makapangyarihan at modernong bansa sa ibang universe o alternate reality.
Maaari ding maihanay ang encounter sa Biringan City sa time travelling. May posibilidad na ang mga nakasaksi at nakapunta mismo sa Biringan ay nakaranas ng split of time at nakapasok sila sa ibang oras—sa hinaharap of future. Ito ang paliwanag kaya kung ilarawan nila ang siyudad, ito ay lubhang moderno at may advance technology.
Ngunit, kagaya sa paniniwala ng nakararami, may posibilidad rin na ang Biringan City ay sadyang siyudad o tahanan ng mga engkanto. Kung totoo ang teoryang ito, isa lamang ang ibig sabihin: nakasasabay rin sa pagbabago ng panahon ang mga engkanto at sila ay nagiging moderno rin higit pa sa inaasahan natin. Baka nga mas advance pa ang sibilisasyon at uri ng pamumuhay nila.
Maraming posibilidad. Pero isa lamang ang tiyak. Ang Biringan City ay mananatiling isang misteryo at hiwaga.
kahit saan po ay may hiwaga tayong makikita pero dito sa biringan city ay hiwagang misteryo na bumabalot sa ating pagkatao bilang kilala sa pilipinas. Eto nga ba ay may katotohanan talaga?
kung ito ay totoo handa ka bang makita ang biringan city at ang misteryo nito?
magandang umaga!
-Marty27
Ang alam ko lng sa biringan nakakatakot..sabi ng lola ko pag maypumupunta daw huwag daw maingay at huwag daw lilingon..kwento nya sa amin nung bata p kmi..pero hindi pla matagpuan ang lugar na un?...