Wala sa plano ko noon ang maging guro. Ngunit dahil sa aking scholarship noong kolehiyo ay napilitan akong magturo sa Senior High School. Hindi naging madali ang una kong pagsabak sa pagtuturo dahil hindi naman ako eduk major at wala rin naman ako noong karanasan sa pagtuturo maliban sa pag-tutor. Gayunpaman, nasanay na lang ako sa pagtuturo at nahumaling na rin ako sa propesyon na ito 👨🏫. Hindi ko rin inakala na marami pala akong matutunan sa pagtuturo. Narito ang apat na mahahalagang aral na natutunan ko sa aking ika-apat na taon ng pagtuturo.
1️⃣Laging maging mapag-unawa.
Lahat ng tao may pinagdadaanan. Ang mga estudyante ay hindi lamang mag-aaral, sila rin ay anak ng kanilang magulang, kuya/ate ng kanilang kapatid, kaibigan ng kanilang mga tropa. Higit sa lahat, sila ay tao lamang. Dahil dito, kailangan natin habaan ang pasensya at intindihin ang ibang tao.
Halimbawa kapag may estudyanteng madalas mag-absent, sa halip na pagalitan siya agad-agad ay mas makatutulong kung unawain muna ang estudyante at alamin kung bakit siya pala-absent dahil baka may problema siya sa pamilya, may problema sa pera, o kung anupaman. GANUN DIN SA BUHAY. Mas mainam na unawain muna natin ang ating mga kapwa bago tayo magalit. Mahirap nang sigawan (o baka pa nga saktan) ang mga mahal natin sa buhay dahil sa mga bagay na pwede naman pala pag-usapan nang masinsinan.
2️⃣Mahalaga ang maayos na komunikasyon.
Kaugnay sa pag-unawa ay ang maayos na komunikasyon. Hindi mo ipapahayag ang iyong sarili at hindi mo rin maiintindihan ay iyong kapwa kung walang komunikasyon.
Sa buhay ng isang guro, palagi kang meron kausap. May mga kwentuhan at biruan kasama ang mga estudyante kapag vacant. May mga simpleng pagbati kapag nakasalubong ang mga estudyante. May mga tsismisan sa faculty room. May mga pagkamusta sa mga magulang. Dahil dito, mahalaga na maging maingat sa pananalita dahil madaling mabaluktot ang iyong mga salita kung mayroong hindi malinaw sa inyong pag-uusap.
3️⃣"Kapag maiksi ang kumot, matutong mamaluktot."
Maraming surprises sa pagiging guro. Okay sana kung surprise cake 🍰 o surprise chocolate 🍫, kaso... surprise na mga problema 😒. Biglang mababago ang class schedule. Biglang masisira ang projector o ang connector. Biglang ma-aassign sa isang subject kung saan hindi ka naman talaga experto. Sa lahat ng mga pabago-bagong naganap, kailangan talagang laging mag-adjust at mag-adapt. Ika nga ng mga matatanda, "kapag maiksi ang kumot, matutong mamaluktot." Kadalasan ay wala tayong kapangyarihan sa mga suliraning lumilitaw sa buhay kaya dapat marunong tayo bumagay sa anumang sitwasyon. Mahalaga ring magkaroon ng positibong saloobin sa paglutas ng mga suliraning ito. Isipin mo marami ka nang problema, pinapahihirapan at pinapalungkot mo pa sarili mo. Ako? Sinusubukan ko na lang tawanan lahat ng problemang ibinabato ng buhay. 😆
4️⃣Matutong tumanggi ng trabaho.
Kapag bago ka sa trabaho, malamang sandamakmak na trabaho ipapagawa sa'yo. Syempre mahirap tumanggi kapag baguhan (medyo kailangan pa-bibo muna 😜). Pero dapat marunong tayo na piliin lamang ang mga trabahong gagawin—yung mga nakapaloob lamang sa kontrata—dahil maaari tayong ma-burn out.
Marami pang ginagawa ang mga guro maliban sa pagtuturo. May mga paperworks, admin duties, classroom management, paglilinis, pag-hohost sa mga school event, pagkausap sa mga magulang, lahat na! Kaya medyo nagsisisi tuloy ako nung nalaman ng admin na marunong ako sa MS Excel. Lahat ng trabaho na may kinalaman sa Excel, sakin na pinagawa kahit marami pa akong ibang kailangan tapusin. Siguro mas mabuti kung inilihim ko lang yung skill o talent ko na yun, hindi rin naman ako na-promote dahil dun. (Yan tuloy, lumipat ako ng school kasi maraming trabahong pinapasa sakin na di naman dapat. Hehe) Pero siyempre kung may kakayahan tayong tulong at hindi ka naman maabala at mapeperwisyo, mas mabuti pa rin ang tumulong, basta huwag lang sana maabuso ng ibang tao.
Hindi ko man ginusto nung una, hinding hindi ako nagsisi na ako ngayon ay isa nang guro. Maraming kabataang pag-iisip ang nahubog, maraming natutunan, at tiyak marami pang mas matututunan.
Tama, hindi madali maging guro. Maging magulang nga lang di rin madali mas lalo na yung guro na ang daming tuturuan. Haha. Salamat sa mga gurong kagaya nyo at natuturuan mabuti ang mga estudyante. Hehe.