Ika-15 ng Mayo, 2013 – Pinirmahan ng dating Pangulong Aquino ang batas na magdadagdag ng dalawang taon sa basic education sa Pilipinas.
Ang batas Republika Blg. 10533 ay pinamagatang “Isang Batas na Nagpapabuti sa Sistema ng Batayang Edukasyon sa Pilipinas sa Pagpapalakas ng Kurikulum Nito at Pagdadagdag ng Bilang ng mga Taon para sa Batayang Edukasyon, Paglalaan ng Pondo Para Rito at Para sa Iba Pang Layunin”. Bukod sa karagdagang dalawang taon na tinatawag na senior high school (grade 11 & 12), layunin din nitong ihanda ang mga mag-aaral sa kolehiyo at mabigyan ng oportunidad sa karerang bokasyonal at teknikal.
Ngunit sa mga nakaraang taon na kung saan nakapagtapos na ang mga first batch ng Senior high school masasabi ba natin na naging epektibo ang pagpapatupad ng naturang batas? Natutulungan ba talaga nito ang mga mag-aaral upang magkaroon ng magandang kinabukasan o nadaragdagan lamang ang bilang ng mga unemployed at out-of-school youth sa bansa dahil dito?
Ayon sa Jobstreet.com, 35% sa mga kompanya ang hindi nais na tumanggap ng mga empleyadong SHS lamang ang natapos samantalang 41% naman ang hindi sigurado. Dagdag pa rito ang mga paaralang hindi pa handa upang magdagdag ng mga pasilidad at hindi pa handang ihandog ang lahat ng strand/tracks (hal. HUMSS, GAS, STEM, ABM, TVL). Isa pa rito ay ang mga mag-aaral na kumukuha ng strand na hindi naman konektado sa kukuhaning kurso sa kolehiyo. Halimbawa na lamang ang isang mag-aaral na nakapagtapos sa strand na STEM ngunit kumuha ng BS. Accountancy sa koheliyo. Sa biglaang pagpapatupad nito, hindi naging handa ang ating bansa at nagkaroon ng pagkalito sa mga mag-aaral. Karamihan sa public schools ay hindi pa din kaya hanggang ngayon na ihandog ang lahat ng strands para sa mag-aaral, kulang pa din ang mga pasilidad, gayundin ang mga guro.
Sa kabila ng lahat, batas na ang K-12 program. Ngunit malaman at aksyunan sana ng mga mambabatas kung ano ang epektibo, ano ang hindi at ano ang mga dapat na gawin upang mas lalo pang mapabuti ang nasabing programa.