Nakamulatan na natin mula pagkabata, sa mga itinuturo sa atin ng ating mga magulan at maging sa paaralan na ang isang pamilya ay binubuo ng ama, ina at mga anak. Sa Family Tree na ating ipinapasa bilang proyekto, mayroon lamang isang ama at isang ina.
Ganoon naman talaga, diba? Iisa lamang ang dinadala at pinapangakuan sa harap ng altar na magiging kasama hanggang pagtanda sa hirap at ginhawa. Hangga't ikaw ay kasal pa, hindi ka kailanman maaaring magpakasal muli sa iba liban na lamang kung ikaw at legal nang hiwalay o byudo/a. Iyon ang alam nating tama sa mata ng ating kapwa-tao, ng lipunan at ng Diyos.
Ngunit alam ba nating dito mismo sa Pilipinas ay pinahihintulutan ang pag-aasawa ng hindi lamang isa, dalawa o tatlo kundi apat! Oo, tama ang basa mo, hanggang apat na beses maaaring ikasal ng di kailangang makipaghiwalay sa mga naunang asawa.
Polygamy o Duwaya sa Islam ay ang pagpapahintulot sa lalaking muslim na makapangasawa ng hanggang sa apat na beses. Ang pagpapahintulot na ito ay maituturing lamang na Halal kung ito ay magiging alinsunod sa nakapaloob sa Banal na Qur'an.
Ayon rito, ang kasal mayroong apat na mabibigat na gampanin, ito ay ang sumusunod:
1. Proteksyon laban sa pisikal, moral at ispiritwal na na karamdaman (4:25; 2:188)
2. Pagpapatuloy ng buhay ng tao (2:224)
3. Pagkakaroon ng makakasama at kapayapaan ng isip (30:22)
4. Pag-usbong ng ugnayan ng pagmamahal at pagmamalasakit (30:22; 4:2)
Kung alinman sa mga naisaad ay hindi nabibigyan importansya, ang kasal sa Islam ay naituturing na Haram o hindi sumusunod sa nararapat, maging polygamy man ito o hindi.
Makikita ring hindi nabanggit sa sumusunod na ang pagpapahintulot ay upang makamit lamang ang pagnanasang senswal. Ito ang miskonsepsyon na natatanggap ng Islam hinggil sa usaping ito mula sa lipunan.
Unang pinahintulutan and pag-aasawa ng higit sa isa matapos ang nagdaang mga digmaan noong unang panahon, na kung saan libo libong mga babaeng balo ang naulila sa kanilang mga asawa, maging mga batang babae na naging dahilan ng pagbabago sa proporsyon ng babae sa lalaki kaya naman naging imposible ang pag-aasawa para sa lahat kaya naman naging solusyon ang pagpapahintulot ng Duwaya upang hindi tuluyang maulila ang mga naiwan. Ngunit mariing kinokondena ng Islam ang pag-aasawa ng higit sa isa kung hindi kaya ng lalaking muslim na ituring ang kanyang mga asawa ng pantay-pantay.
Sinasabi sa banal na Qur'an:
وَ اِنۡ خِفۡتُمۡ اَلَّا تُقۡسِطُوۡا فِی الۡیَتٰمٰی فَانۡکِحُوۡا مَا طَابَ لَکُمۡ مِّنَ النِّسَآءِ مَثۡنٰی وَ ثُلٰثَ وَ رُبٰعَ ۚ فَاِنۡ خِفۡتُمۡ اَلَّا تَعۡدِلُوۡا فَوَاحِدَۃً اَوۡ مَا مَلَکَتۡ اَیۡمَانُکُمۡ ؕ ذٰلِکَ اَدۡنٰۤی اَلَّا تَعُوۡلُوۡا
And if you fear that you will not be fair in dealing with the orphans, then marry of women as may be agreeable to you, two, or three, or four; and if you fear you will not deal justly, then marry only one or what your right hands possess. That is the nearest way for you to avoid injustice. [4:4]
Malinaw na malinaw ang mensahe rito ukol sa PAGPAPANTAY-PANTAY.
Kung hindi mo kayang punan ang pangangailangan ng iyong apat na asawa, ay huwag nalang dahil kung ipipilit, lalo ka lamang makakagawa ng kasalanan sa mata ng tao at maging sa Diyos.
Tandaan na ang Polygamy o Duwaya ay pinahihintulutan lamang at HINDI IPINAG-UUTOS. Malaki ang kaibahan ang dalawang salita na ito.