Pa Isinulat ko ang tulang ito para sayo, tulang ibinalot ko ng may pagmamahal ng buong buo
Dahil sa namumuong pangarap na balang araw Balang araw gusto ko rin maging IKAW oo maging ikaw, maging matapang! ikaw na nagpapaliwanag kung ano ang tunay na kahulugan ng salitang buhay
Ikaw na nagturo sa akin kung paano lumakad Humakbang sa makaDiyos na landas patungo sa hinahangad Ikaw na sa akin nagturo kung paano magbasa hindi lamang ng mga letra kundi pati narin ang pangangailangan ng iba
nagturo sa akin kung paano magbilang
Isa
Dalawa
Tatlo
Isa, dalawa, tatlo tinuruan mo akong tumayo sa wasto at tamang prinsipyo
Apat lima anim tinuruan mo ako na ang galit ay hindi dapat tinatanim
pito walo siyam at sampu
aking napagtanto na ang salitang tahan ay ugat ng salitang TAHANAN, at ikaw ang haligi ng tahanan, kaya pala ang sarap sarap umuwi ng bahay.
Pa ikaw yung unang lalaking nasilayan ko
Ikaw yung unang lalaki na masaya nung nakita ako
Pa ikaw yung unang lalaki na humalik sa pisngi at labi ko
Ikaw na lagi kong nasasadalan sa tuwing may problema ako
Pa ikaw ang palaging tinatawag ko kapag may sakit ako
Kasi ikaw yung nagsisilbing kumot kapag nilalamig ako, at ikaw yung nagsisilbing unan kapag umiiyak ako
Pa ikaw yung pinakamasaya nung nakagraduate ako
Ikaw yung taong nagturo na makuntento ako Pa, pero bakit ganito? simula ng magkasakit ka hindi ko na alam ang gagawin ko? pero kahit may sakit kana, bakit kami parin ang iniintindi mo, bakit kami parin yung inaalala mo
Kahit nasasaktan kana kami parin yung iniisip mo lagi mong tatandaan nandito kami sa tabi mo, na lagi mong kasama kahit anumang problema ang dumating sa mundo.
Ngunit isang araw bigla akong umiyak dahil may dumating na kahon at sa labis na tarantang makita ang laman, napatunganga ako't naiyak ng biglang tumambad sa akin ang laman at di ako nakangawa daig pa ang pipe na sa isang iglap ay di makapag salita, huminto ang mundo, dumilim ang paligid, pati hangin ay nawala di makapaniwala na ang laman ng kahon ay ang lalaking sa akin ay gumawa.
Ang dating di makaagulapay ay nawalan na ng buhay, matutuyo ang ilog pero di ang mata ko daig pa ang dagat sa agos ng luha ko. Malilibing ang pumanaw pero hindi ang sakit ng puso ko. Pero bakit ka naman sumuko? wala na tuloy akong makakapitan kapag may problema ako, wala na akong kumot na yumayakap kapag nilalamig ako.
Wala na akong unan na lagi kong nasasandalan kapag umiiyak ako wala na yung Ama na laging pinaparamdam na mahal na mahal niya ako. Wala na, wala kana Sa gitna ng labis na aking pagtangis isa lang ang aking dalangin, na sana ito ay isang masamang panaginip, nagbilang ako ng ilang minuto, pumikit, huminga ng malalim, umaasang sa akin may gumising ngunit ako'y nabigo sapagkat hindi pala isang biro. Ngunit aking dalangin na kahit isang saglit gusto kitang yakapin ng mahigpit sapagkat mainit mong yakap ang aking nais, yakap na aking mamimiss.