May isang ama na nangarap umasenso, makapagpatayo ng bahay, makapagtapos ng pag-aaral ang mga anak at makapagnegosyo balang araw.
Dahil sadyang mahirap ang buhay dito sa Pilipinas, naisip niyang mag-abroad na lang. Hulyo 2018, Nakita niya sa fb na hiring ang South Korea, pero dapat mag-aral muna ng hangul.
Dahil desidido siya na makapag-abroad, ang kalahati sa suweldo niya ay ibinayad niya para makapag-aral ng hangul. Kahit mahirap, pinagsabay niya ang pag-aaral, pagtatrabaho at paglaan ng oras sa mga anak at sa asawa niya.
Hindi naging madali ang pag-aaral niya, dahil talagang mahirap pag-aralan ang lenggwahe ng mga Koreano. Isa pa sa nakakapagpababa ng kumpiyansa niya ay ang mga negatibong sinasabi ng ibang kamag-anak at kaibigan niya. Pero naisip niya, Bakit siya magpapaapekto sa mga sinasabi ng iba? May pamilya siyang sumusuporta sa kanya. Sapat na dahilan na yun para pagsikapan pa lalo ang pag-aaral niya at para mapatunayan din sa iba na tama ang desisyon niya.
Hunyo 2019, Dumating ang araw na mag iexam na sila sa Poea, kailangan maipasa nila ito para makapagpatuloy pa sila sa tinatawag na Skills test, doon ay kakausapin sila ng mga Koreano. Naipasa niya ang unang exam, sulit ang tatlong araw na hindi niya pagpasok sa trabaho. At dahil dito, kailangan pa lalo tutukan ang pangalawang exam, ang Skills Test. Mas mahirap ito dahil may assemble na gagawin, pagpapakilala sa sarili sa salitang hangul, interbyu ng Koreano atbp. Salamat sa tulong ng Paaralan dahil tinutulungan sila sa mga kailangan nilang gawin.
Bago ang Skills Test, siya ay nagpaalam sa pinagtatrabahuan niya na liliban siya ng isang linggo upang mapaghandaan ang exam. Oktubre 2019, Kabado siya nung araw na yun dahil hindi biro ang mga katanungan na natapat sa kanya, meron siya di nasagot sa interbyu, at meron din siyang mali sa assemble. Bawat mali ay may nababawas na puntos, kaya ang nasa isip niya ay di na siya papasa. Kaya kinagabihan, dinaan niya sa pag inum ng alak at iniyakan niya talaga dahil ang akala niya ay bagsak na siya.
Nung araw na naglabas na ng anunsiyo ang Poea kung sino ang nakapasa ay sobra ang kaba niya. Alam niyang bagsak na siya kaya ang asawa niya ang pinatingnan niya ng iskor niya sa exam. Natuwa ang asawa niya sa nakita, at sinabi sa kanya, "Pasado ka Dadhie!!" Sa sobrang tuwa niya, napatalon siya at napayakap sa asawa at mga anak niya. Dahil sa wakas matutupad na din ang isa sa pangarap niya.
Mabilis ang naging proseso sa kanya dahil isa siya sa napili ng employer sa Korea. Nobyembre 2019, nagdesisyon siyang magresign sa trabaho para asikasuhin ang mga kailangang dokumento sa Poea. Isang buwan lang naka iskedyul na siyang lumipad patungong South Korea.
Disyembre 04, 2019 nakarating siya sa Korea. At laking pasasalamat niya sa Panginoon dahil maganda at maayos ang kumpanyang napasukan niya. Patuloy pa rin ang komunikasyon niya sa asawa at mga anak niya, araw araw nakakausap niya ang mga ito. Kahit malayo siya, alam niyang may patutunguhan ang pagsusumikap niya. Makakaipon na siya at mabibigay niya na ang pangangailangan ng pamilya niya. At unti unti, makakaahon din sila sa hirap at matutupad din ang mga pangarap niya para sa kinabukasan ng pamilya niya.
Para sa lahat ng mga Haligi ng Tahanan,
Happy Father's Day sa inyo!!
Maraming Salamat po sa makakabasa nito. Ingat po tayong lahat ๐๐
Ang ganda naman ng kwento. Nakakainspire ng mga taong makakabasa nito. Ang ating ama ang halimbawa ng isang magulang. Kaya dapat mahalin natin sila at alagaan para suklian ang kanilang sakripisyo sa atin nung tayo pa ay hindi nakakatulong sa kanila