Unang Tampisaw sa Tag- init
Kapag dumarating talaga ang tag-init ay napakasarap magtampisaw sa malamig na tubig. Masarap ding makalanghap ng sariwang hangin kaya napagkasunduan ng aming pamayanan na magtungo sa isang ilog. Kakatapos lamang ng pasukan noon at napakainit ng panahon. Nabanggit ng isang tambay sa amin na gusto nilang mag- swimming at tinuro si mama na mamuno rito. Dahil sa pamimilit nila ay wala ng nagawa si mama at pumayag. Napagkasunduan na sa ilog ng Matictic,Bulacan ang aming pupuntahan.
Nag- ambagan ang mga sasama ng isandaang piso para sa pag-arkila ng jeep at kanya kanyang baon ang nangyari. May isang bata ang humirit kay mama, " Ate pwede po ba na sumama kahit walang bayad kasi maliit naman ako", bumanat naman si mama,"Sige sumama ka basta sa gulong ka", at dahil doon ay napilitang magbayad ang bata.
Araw ng Sabado, April 10,2017, maagang nagising ang sasama sa pagligo sa ilog upang maghanda ng bibitbitin nila patungo sa sa aming pagliliguan.Sa ika-6 ng umaga ay nagsimula na kaming maghakot at sumakay sa mga jeep upang maaga kami makarating at makahanap ng magandang puwesto.
Habang nasa biyahe, nagkakantahan ang lahat at nagbibiruan. Napakaingay ng loob ng jeep habang pinagmamasdan ang ganda ng mga nadadaanan naming lugar. Maingay ang lahat nang biglang may masuka sa biyahe. Natigil kami sa isang tabi at huminto muna upang maibsan ang hilo ng isa naming kasama. Mabuti na lamang at may dalang gamot ang isa sa amin at napainom ang nagsuka. Nagpatuloy kami sa biyahe hanggang marating namin ang isang ilog na napapaligiran ng mga bundok at maraming puno, ang ilog ng Matictic sa Bulacan.
Ang swimming na iyon ay ang una naming tampisaw sa tag-init.Kaming mga bata ay lumusong kaagad kahit wala pang almusal dahil sa kasabikan. Nagahahanda naman ang mga magulang namin ng mga makakain namin.
Napakasariwa ng hangin sa lugar na iyon,napakalamig ng tubig,maraming tao, napakalinis ng tubig at puno ng mga puno ang paligid. Kakaiba sa pakiramdam ang panibagong tanawing ito sa aming mata. Hindi maitatanggi na iyon ang pinakamagandang tanawin na nakita namin para simulan ang tag-init.
Ang unang lusong ay napakalamig. Nakakatawa dahil ang ilan sa amin ay nanginginig pa. Habang lumalayo kami sa pampang ay mas lalong lumalamig. Sinubukan ko na lumayo hanggang marating ko ang malalim na parte at dun na ako nagsimulang lumangoy. Hindi ako kagalingan sa paglangoy at nais lamang na masukat kung ano ang parteng malalim upang masabihan ng babala ang iba para maiwasan ang insidente.
Ilang minuto lamang ay tinawag na kami ng aming mga magulang upang mag almusal.Pag-ahon namin ay mas lalo naming naramdaman ang lamig. May isa pa nga sa amin ang nagmura dahil dito. Pagtapos kumain ay lumusong muli sa tubig at lumangoy. Nilubos naming lahat ang oras sa pagtatampisaw. Ang pinakakamangha-mangha na nangyari doon ay ang pagkakaroon ng exhibition ng mga tambay sa amin. Gumawa sila ng toreng tatsulok na pagkataas-taas.
Lumipas ang oras nang napakabilis at dumating na ang oras ng aming pag uwi. Nagbihis na ang lahat at nagligpit ng mga ginamit. Pagod ang lahat at isa isa ng pumasok sa jeep. Habang nasa biyahe ay nakatulog na ang iba dahil sa pagod.
Natapos ang una naming tampisaw sa tag-init nang napakasaya. Umuwi kami nang nakangiti at hindi nagsisisi. Ipinangako ng lahat na hindi iyon ang magiging huli bagkus iyon ang magiging simula.