Sariwa pa sa aking isipan ang nasilayan ko kaninang umaga, nakakalunod ng mata ang matulin na paglakbay paitaas ng iyong bandila, pula sa ilalim ng asul, tatlong bituin, at araw na may walong sinag. Ang pagdulas nito sa humahaplos na hangin ang nagpaalala sa aking kamay na kailangan ko itong ipwesto sa aking dibdib at damhin ang aking puso.
Hindi ko kabisado ang lirikong nararapat kong banggitin at sa halip na sumabay sa mga salitang naririnig ko sa iba, nagpaanod ako sa diwa ng awit at sa iyong kasarinlan na ipinaglaban ng mga bayani noon. Ang bandilang iwinawagayway ay nangangahulugan ng ating kalayaan pero, iniibig kong Pilipinas, nangangamba ako kung ikaw nga ba ay malaya na sapagkat sa mura kong kaalaman at kahit ako ay musmos pa lamang, batid kong ikaw ay nananatiling nasa hawla.
Kailan ka lumaya sa digmaan, sa unos na nag-ugat sa galit at poot, sa pagbaha ng dugo at luha, at sa pang-aapi? Kailan mo nakamit ang kapayapaan sa iyong sakop, sa dagat at lupain? Kailan ka hindi inangkin ng mga taong lubos na makasarili – mga taong malikot sa paghawak ng maskara? Pinagtataksilan ka ng mga taong ipinaglaban mo. Inaabuso ka nila kasabay ng kalayaang ipinagkaloob mo para sa kanila. Unti-unti ka nilang sinisira at inuubos gamit ang kahinaan mo para sa kanilang sariling kapakanan.
Ako ay biktima ng lilim ng kanilang karahasan. Ang masaksihang makitil ang buhay ng aking ama ang pinakamasalimuot na nangyari sa aking buhay. Nais kong tumakbo palapit sa’yo at hiling kong lumaban ka. Hinihingi ko sa iyong ipaghiganti mo ako. Ang pagtanggal nila ng kalayaan sa akin na magkaroon ng ama na gagabay sa aking paglaki ang nagpapatibay sa puso kong nababalot na ng pighati. Binigkas ko nang buo at malinaw ang totoo ngunit walang naniwala sa akin. Hindi mahal ang katotohanan, pero bakit ang hustisya’y napakahirap makamtan?
Hindi hudyat ng katahimikan ang libu-libong buhay na tinatapos ng bala at mas lalong hindi kasalanan ang manindigan sa tamang panig ng mga pangyayari. Subalit wala akong magagawa dahil nakikita ko ang mga Pilipinong bukas ang bibig pero nakatali ang mga kamay – hindi naging malaya.
Marahas kumapit ang mga masasamang loob at nanganganib ako sa bawat kaganapan na maaaring dumating. Sa tingin ko ay hindi na magiging panatag ang loob kong lumaki na walang kaakibat na peligro. Pero nawa ay magsilbi itong inspirasyon sa dami ng mga bagay na kailangan kong aralin.
Sa pitong taon ko dito sa mundo, ngayon lang ako magpapakawala ng pangako - bukas-makalawa, magiging pangulo ako ng Pilipinas. Itatayo ko ang iyong bandila nang may dangal, malasakit, at buong puso. Alam kong ang pagmamahal ko sa iyo, Inang Bayan, ang pinakadakilang nagawa ko sa aking buhay. Darating ang oras na babangon ang araw sa silangan at masisinagan ang mga batang katulad ko na hindi na nangangailangan pang mamalimos ng pangtugon sa mahapding sikmura at mangalakal ng susi upang maranasan ang mga karapatang hindi tumalima sa aking pagkatao at hindi na rin ito lulubog sa kanluran na may itinatagong hikbi ng mga mamamayang naghahangad ng kapayapaan.
Natatakot akong gagamitin nila ang kahinaan ko dahil wala akong maibibigay.
Kung nais mong malaman ang pangalan ko, diyan ako hindi ako sigurado dahil sari-sari ang tawag nila sa akin: bata, palaboy, madungis, paslit, at paminsan-minsan pa ay magnanakaw. Pakiusap kong sana ay ituring mo ako bilang tunay na Pilipino at tawaging Gabriela.
Alam kong ikaw ang aking tahanan, Pilipinas.
Thank you for reading this article!