Napulitika ka na ba?

0 36
Avatar for LX
Written by
4 years ago

Sa tanang taon ko sa mundo, hindi ko kailanman inakala na ang politika ay gaganap ng malaking bahagi sa aking buhay—ni ang pagkakaroon nito ng gaano mang bahagi ay hindi ko lubos na naisip. Labing-pitong taon pa lamang nang dumilat ang aking mga mata sa liwanag ng mundo ngunit wala pang isang dekada nang magkaroon ng anyo ang mga bagay na tinatamaan ng liwanag na ito; mga dating dinaaraan-daanan lamang ng aking paningin ngunit ngayo’y siyang nakapagpatitigil sa akin at humahantong sa, “heto na naman tayo.” Kung ang pulitika ay bibigyan ng metaporikal na panagisag, ang pinakamalapit na maiuugnay ko rito ay ang hangin.

Politika ang hangin na sinasamyo ng lipunan at siyang umiihip sa mga dahon upang may darapuang kahahantungan. At dahil nga ang politika ay napakahalaga at may sistemang nakapag-uudyok at nakapagbabago ng mga bagay upang huminto man o magpatuloy, ako ay dahon na ring naihip nito. Nadaya na ako, oo; pinagnakawan na rin, ngunit ang pinakamalalang pamumulitikang naranasan ko ay ang pagbali ng katotohanan.

Maaari kong ibahagi ang mga partikular na karanasan sa aking buhay kung kailan ako ay napulitika ngunit baka abutin tayo ng pagtatapos ng konstruksyon ng daan sa Ungka; hindi natin sigurado kung isang taon lang ba talaga ang aabutin nun. Kung babaybayin natin ang aking nakaraan at hihimayin ang lahat ng detalye, maaaring mas mahaba pa sa trapik sa EDSA ang ating tatahakin. Kung iiwanan ko naman ang ibang detalye at may katumbas na halaga ang bawat isang hindi naisama, baka mas malaki pa ito sa nakulimbat ni Napoles sa kaban ng bayan.

Lahat tayo ay mga dahon. Tayo ay darapo sa mga sanga kung saan man tayo hihipin ng hanging ito. Hindi man partikular ang aking ibinahagi, masasabi kong ang hanging ito ay langhap na langhap nating lahat. Lingid man sa ating kaalaman, ito ang ating hinihinga at mas lalong ito ang yumayakap sa ating kabuuan bilang lipunan.

Kaya kung ang tanong ay, “Napulitika ka na ba?” iisa lamang ang aking maisasagot: Lahat tayo ay mga dahon.


Originally, I wrote this article for a homework my Politics and Government professor gave, answering the question "Napulitika ka na ba?" A colleague of hers wanted to publish this article after she let him read my work. Unfortunately, this pandemic occurred and nothing that was planned pushed through. So what's the harm in publishing it here?

2
$ 0.00
Avatar for LX
Written by
4 years ago

Comments