Sa Piging [1887]

2 32
Avatar for KirstenCassandra
1 year ago

Tangan ang aking abaniko, marahan akong pumanaog sa aming casa kasama ang mamá upang magtungo sa bahay ng kapitan. Labag man sa aking kalooban ngunit sadyang mapilit ang aking amiga. Ayaw ko naman na magkaroon pa kami ng samaan ng loob dahil lang sa aking pagdadahilan.

Malayo pa lamang ay tanaw na namin ang nagliliwanag na tahanan ng kapitan, maingay ito, marahil sa dami ng taong imbitado sa piging na iyon. Umakyat na kami ng aking mamá at agad naman kaming sinalubong ni Sita. Naupo kami sa sala de estar habang hinihintay na tawagin ang lahat sa mesas de comedor upang simulan ang pagtitipon.

Nakahinga naman ako ng maluwag nang masumpungan kong wala ang ginoong aking iniiwasan. Marahil ay abala ito kung kaya't hindi nakarating.

"Habang hinihintay na maisaayos ang mesas de comedor, nais kong humiling sa unica hija ng matalik kong kaibigan na handugan tayo ng isang awitin... Kung iyong mamarapatin, Kristina?" ani Kapitan Pedro.

"Sige na hija, pagbigyan mo na ang iyong tiyo." ani mamá.

Tumayo ako at naglakad papalapit sa lumang piyano sa gilid ng sala de estar at sinimulang ilapat ang aking mga daliri sa tiklado. Umawit ako ng pikit ang mga mata at buong damdamin, tahimik ang lahat at matimtimang nakikinig. Saliw ng piyano na tila iisang tinig.

Nang matapos ang awitin, tahimik ang lahat. Nakaramdam ako ng kaba, nag-aalala. Hindi ba maganda iyong aking pagkakaawit?

Binasag ng isang tao ang katahimikang iyon ng isang malakas na palakpak, nang nilingon ko kung sino ang taong iyon, lalong bumilis ang tibok ng aking puso. Si Alonzo. Tila ako'y naging bato sa aking kinauupuan habang nakatingin sa binatang nakangiti sa akin. Bumalik ako sa aking katinuan nang nagpalakpakan ang lahat ng nasa loob ng tahanan, maging ang mga tagaluto at tagasilbi sa bahay ng kapitan.

"Muy bien, hija. Muy bien!" sigaw ng kapitan. "Nariyan ka na pala Heneral Alonzo. Como estás, amigo?"

"Estoy bien, Señor, gracias" sagot ng heneral.

"Don, Doña, Sénior, Séniorita, sa pagpapatuloy po ng kasiyahan, nakahanda na po ang mesas de comedor." sabi ng cocinero.

"Halina na kayo, mga amigo at amiga." paanyaya ni Kapitan Pedro.

Hindi ko alam ang pumasok sa aking isipan at lalapitan ko sana ang binatang iyon, nang makita kong masayang kausap na siya ni Sita. Tumalikod na ako at niyaya ang aking ina na maupo sa comedor.

*Ahh! Kristina. Eres un tonto.

Nagsimula na ang salu-salo. Ako lamang yata sa loob ng silid ang hindi maipinta ang mukha dahil sa harapan ko pa naupo si Alonzo at Sita. Sino naman ang gaganahang kumain kung dalawang naglalandiang tagak ang iyong makikita sa iyong harapan?

"Hija? Ayos ka lamang ba? Tila wala kang gana," tanong ng mamá.

"Oo nga, amiga, para bang namumula ka," tanong rin ni Sita. Nakatingin rin si Alonzo.

"Ah—masama lang ang aking pakiramdam. Huwag kayong mag-alala. Con su permiso..." ang sagot ko, at tumayo sa aking kinauupuan. Kailangan kong lumabas upang makahinga sa sitwasyong iyon.

Pumanaog ako sa tahanang iyon at tumayo sa labas. Malawak ang lugar ngunit parang napakasikip niyon para sa aming tatlo. Hindi ko alam kung bakit ako nakakaramdam ng ganito. Ng paninibugho. Bakit ba naman kasi sa dinami-rami ng magiging kakumpitensya ko, si Sita pa? Ang aking amiga.

"Estás bien, Séniorita?" ani Alonzo. Sa lalim ng aking pagmumuni-muni ay hindi ko napansin na nariyan na pala siya sa aking likuran.

"A-Ah, oo. Gracias." sagot ko. "A-Anong ginagawa mo rito sa labas? Baka hinahanap ka na ng iyong nobya,"

"Nobya, binibini? Wala akong nobya. Sa totoo lamang ay matagal nang hinihintay kita," ani Alonzo. Nabihag na naman ako ng nangungusap niyang mga mata.

"Batid mong itinatangi ka ng aking amiga, bakit hindi nalang siya ang suyuin mo?" tanong ko.

"Oo, maganda si Sita. Mestiza de sangley ngunit batid mong ikaw ang aking itinatangi." sagot niya.

"Huwag mo na akong paglaruan pa. Bumalik ka na roon kay Sita. Ayokong magkasira lamang kami ng dahil sa iyo," sambit ko at dali-daling tumakbo palayo sa binata at ang mga luha ay nag-uunahan sa pagpatak.

Hindi ko na matanaw ang daan dahil napakadilim. Tumakbo lamang ako nang hindi nalalaman ang aking patutunguhan. Napansin ko na lamang na napakalayo na ng aking natakbo. Nilukuban ako ng matinding takot at kaba.

Wala akong marinig na kahit kaunting tunog. Isang oras na marahil akong naglalakad, pilit na hinanap ang daan palabas ngunit hindi ko makita dahil madilim sa kagubatan. Tumangis ako at humingi ng tulong ngunit walang nakakarinig sa aking tinig.

Maya-maya pa, may narinig akong yapak sa tuyong dahon. May tao. Lalong tumindi ang aking takot, baka tulisanes ang unang makahanap sa akin at hindi mga guardia sibil. Lumalakas ang mga yabag na iyon, nagbabadyang malapit na siya sa akin. Tinangka kong tumakbo ngunit nahawakan niya agad ang aking kamay.

Nang lumingon ako, nakita kong may tangan siyang sulo at nang maaninag ko ang mukha ng taong iyon, agad akong nawalan ng malay.


Ginising ako ng amoy ng nasusunog na mga dahon at kahoy. Pagdilat ng aking mga mata ay nakita ko si Alonzo na nagsusunog ng mga dahon at kahoy marahil upang makita ito ng mga guardia sibil upang saklolohan kami.

"A-Anong ginagawa mo rito, ginoo?" tanong ko.

"Ganiyan ka ba magpasalamat sa taong tumulong sa iyo?" nakangising sagot niya.

Parang nabasa ko na ang tagpong ito sa isa sa mga paborito kong libro. Totoo nga, marahil ang mga nakasulat sa libro ay nangyayari rin sa tunay na buhay.

"Muchas gracias, sa tulong mo." sabi ko.

"Walang anuman, binibini."

Namayani ang katahimikan sa kagubatang iyon, ngunit hindi na gaanong nakakatakot sa lugar na iyon. Pakiramdam ko'y ligtas na ako kahit na hindi pa kami natatagpuan ng mga guardia sibil.

"Ipagpaumanhin mo rin ang aking inasal kanina na tila hindi mo nagustuhan, naging mapusok yata ako sa aking mga binitiwang salita," pagbasag ni Alonzo sa katahimikan. "Ngunit masaya akong nagbalik ka na. Masaya akong makita kang muli,"

"Ditto, heneral" sagot ko.

2
$ 0.33
$ 0.33 from @TheRandomRewarder
Sponsors of KirstenCassandra
empty
empty
empty
Avatar for KirstenCassandra
1 year ago

Comments

Awww you're back bubba. Hehehe kilig to the bones naman eh hihi nagselos pa sa ouster sauce hahaha

$ 0.00
1 year ago

It's good to be back! hehe. Napakagandang oyster sauce. Hahhaaha

$ 0.00
1 year ago