My Room mate

0 29
Avatar for Kaereyes
4 years ago

"Gano'n ho ba? May mga kasama po ba ako sa borders?" Tanong ko kay manang na dati naming yaya. Siya ang nag-aasikaso sa borders na ito.

Nandidito kami sa labas, nilibot ko ang aking paningin. Med'yo luma na ito, matanda na rin si manang kaya siguro hindi nalilinis.

"May mga kasama ka diyan ngunit kaka-onti lamang lalo na't bakasyon, ang iba kasing estudiyante ay nagsi-uwian sa kanilang mga bahay."

Tumatango tango ako bago kami pumasok ng sabay ni manang.

"Iyon ang kwarto mo, Creil." Turo ni manang na tiningnan ko naman. Itim ang pinto ng aking kwarto, may katabi rin akong kwarto kaya ibig sabihin ay may ka-room mate ako.

Nilingon ko si manang. "Mana--" Hindi ko natuloy ang aking sasabihin nang mawala si manang sa aking likuran.

Nasaan siya?

Napatingin ako sa aking wrist watch, mag-aala sais na ng hapon. Pumunta ako sa aking kwarto pero bago 'yon ay napasilip ako sa kabila. May uwang ito ng onti.

May nakita akong babaeng nakaupo sa sahig, mula sa akin ay nakatalikod siya. Itim ang bistida nito at maikli ang buhok. May ginagawa siya ngunit hindi ko makumpirma.

Biglang humangin ng malakas dahilan kung bakit nililipad ang mga kurtina na nakakabit sa bintana. Nilibot ko ang paningin ko sa paligid, bawat pinto ng kwarto nila ay nakalock.

Muli akong bumaling sa ka-room mate ko pero gano'n na lang akong mapahawak sa aking dibdib nang makita ko siyang nasa pintuan na. Nakaupo pa rin siya, nakatalikod. Walang pinagbago, lumapit lang.

Sinilip ko kung anong ginagawa niya, may hawak itong kutsilyo habang tinutusok ang sahig na gawa sa kahoy. Napahinga naman ako ng maluwag roon.

Pumasok na ako sa kwarto na malinis naman na. Nilinis na ito ni manang kaya ang gamit ko na lang ang aking aasikasuhin.

Nang matapos ay binuksan ko ang pinto, tumingin ako sa labas na madilim. Hindi ba sila nagbubukas ng ilaw? Saka, akala ko ba may mga kasama ako? Nasaan sila?

Muli kong sinarado ang pinto dahil natatakot akong lumabas sa gano'n kadilim pero, maya maya lang ay nakaramdam akong na-iihi.

Wala na akong nagawa kundi ang lumabas. Muli akong napatingin sa ka-room mate ko ng bukas ang pinto niya. Nasaan kaya iyon? Bakit siya lang ang nakikita ko?

Pumunta na ako sa banyo, tatlo ang banyo rito pero ito ang malapit. Wala rin kasing banyo sa kwarto ko, e.

Matapos kong umihi ay naghilamos ako ng mukha, habang ginagawa ko 'yon ay may naramdaman akong dumaan sa aking likuran kaya tiningnan ko naman.

Walang tao, madilim lang talaga. Saan ba ang bukasan ng ilaw?

Tinapos ko na ang aking paghihilamos saka na nagmadaling bumalik sa kwarto pero gano'n na lang akong napatigil nang makita ko ang aking ka-room mate na nakatayo sa mismong pinto ng aking kwarto.

Nakatingin ito sa akin na nanlilisik ang mga mata, may hawak rin siyang kutsilyong halatang hindi binibitawan, tuwid ang kaniyang mga tayo.

Hindi ko tuloy alam kung papasok pa ako sa aking kwarto o mag-istay na lang rito sa labas. Nilakasan ko ang aking loob, naglakad ako patungo sa kwarto ko, nang makarating...

"Excuse me..." Abot abot ang aking kaba, para kasing kakaiba ito. Ang creepy sobra. Hindi siya gumalaw kaya ako na lang nag-adjust, para akong si Flash kung kumilos, hindi ko namalayan ang aking sarili na nasa loob na ng aking kwarto.

Nilock ko ang pinto...

Gano'n na rin ang bintana...

Gumaan ang aking pakiramdam kaya humiga na ako sa aking kama pero habang nakapikit ay may narinig akong sumisitsit.

"Pst..." Nakiramdam ako, hindi ako gumalaw.

"Pst! Pst!" Palakas ng palakas ang boses niyang halatang naiirita na dahil ayokong lumingon. Nakatagilid ako ng higa, nakatalikod sa pinto.

Ang mga sitsit ay parang malapit lang sa akin.

"Pst! Pst! Pst!" Ang sakit sa taynga kaya wala akong pag-aalin langang tumingin sa pinto ko. Pero parang mahuhulog ang aking puso.

Nanlaki ang aking mga mata, nanlamig ang buong katawan ko nang makita ko ang ka-room mate kong nasa tabi ng aking kama. Nakangiti ito sa akin habang ang kutsilyo niyang dala ay nakatutok sa aking dibdib.

"Ahhhhhh!" Pagtili na lamang ang aking nagawa.

NAGISING ako nang may tumamang sinag ng araw sa aking mukha. Nilibot ko agad ang piningin ko sa buong kwarto, maayos, wala ring masakit sa akin. So ibig sabihin? Panaginip lang iyon, ang sama naman.

Tumayo na ako saka uminom ng tubig. May ingay sa labas kaya lumabas ako. Nakita ko si manang at ang isang lalaking kasing edad ko lamang.

Nag-uusap sila, napatingin silang dalawa sa akin.

"Oh, Creil, hija, kumain ka na..." Pagyayaya ni manang sa akin.

Pati ang lalaki ay napatingin sa akin ng seryoso. Nahiya naman ako dahil wala pa akong kaayos ayos sa sarili. Matapos iyon ay pumasok na siya sa kwarto niya.

Pwede pa lang may lalaki rito...

Tiningnan ko ang room mate ko, sarado ang kaniyang pinto. Bumaba na ako saka kumain.

"Uhm, manang..." Panimula ko. "Bakit po walang ilaw rito sa labas kagabi?"

"Ah, iyon ba? Oo nga pala, anong oras na kasi itong nakauwi si Hades, siya kasi ang nagbubukas ng ilaw rito..."

"Ah," napatango na lang ako. "Ilan po ba kaming tao rito?"

"Lima."

Napatingin ako sa pinto ng aking ka-room mate.

"Eh, bakit si Hades pa lang po ang nakikita ko? Nasaan ho 'yong iba?"

"‘Yong iba kasi ay minsan lang lumabas, kadalasan rin ay nakalock ang mga pinto nila dahil may mga lalaki rin rito. Pero, may tiwala naman ako sa kanila na hindi mangbabastos ng babae. Masaya pa nga kaming kumakaing lahat..."

DUMATING na naman ang gabi. Gabi na kinakatakotan ko, na hindi ko alam ang aking gagawin. Nakaupo ako sa aking kama, katahimikan ang namamalagi.

Sa kalikutan ng aking mga mata ay may nakita akong butas kung saan makikita ang kabilang kwarto, ang kwarto ng room mate ko.

Hindi ko siya nakikita, simula kanina pa. Hindi rin bumukas ang kaniyang pinto kaya gusto ko siyang silipin kung anong ginagawa niya.

Yumukod ako para makita.

Lapit pa....

Yuko pa...

Naaninag ko na ang loob ng kwarto niya.

Dinikit ko na ang mata ko sa pader. Nakita ko siya na nakatayo habang nakatalikod na naman sa akin. Pero sa isang iglap ay may matang sumilip sa butas, napaatras ako roon dahil sa kaba.

Ano bang naisipan ko at sinilip ko? Ang lakas naman ng pakiramdam niya.

Humiga na muli ako sa kama, nakatulog naman agad ako pero nagising na lang ako nang maramdaman kong may bumubukas ng aking pinto.

Gumagalaw ang door knob, may gustong pumasok. Sino ito? Magnanakaw? Si Manang? Si Hades? O ang ka-room mate ko?

Baka si manang...

Pero...

Tumayo ako, lumapit ako sa pinto, bubuksan ko na sana kaso may kutsilyong tumusok roon. Muntikan pa ako sa mukha, hindi ako nagdadalawang isip na umatras saka nag-aabang sa kaniyang gagawin.

Puro butas na ang pinto ko, kinakabahan ako. Paano kung makapasok ito? Paano kung bigla ako nitong saksakin?

Makalipas ang ilang minuto ay bigla itong tumigil. Dahan dahan akong naglakad.

Lakad...

Lapit...

Hawak sa door knob...

Pero sa isang pagpihit ko. Muli na namang may nagwala sa labas, sa pangalawang gabi ko ito. Nakadalawang tili na ako.

NAGISING ako nang may marinig akong nag-uusap sa aking pinto. Nagtaka rin ako kung bakit sa sahig ako nakahiga, bakit hindi sa aking kama?

"Creil! Creil! Bakit sira sira ang pinto mo?"

Tumayo ako saka humarap sa pinto ko. Sira sira nga, so hindi na panaginip iyon? Sasabihin ko ba kay manang? Para lang kasi akong binabangunot.

Binuksan ko ang pinto, naabutan ko si manang sa labas habang may kasamang babae. Mukhang mas matanda pa ako rito.

"Oh, hi, I'm Janea." Tumango na lamang ako saka bumaling kay manang.

"Po?" Tanong ko.

"Bakit sira sira ito?"

"Hindi ko rin ho alam."

Ka-room mate ko po ang may kasalanan. Dalawa na ang nakikita ko rito, si Hades at Janea. Sino pa ang tatlo?

Pinaayos ni manang ang pintuan ko.

Natulog ako sa oras na 4:00 pm. Kulang kasi ako sa tulog. Ngayong araw ay walang kakaibang nangyari. Kaya laking pasasalamat ko.

Nagising na naman ako ulit sa kakaibang ingay ngunit parang ayokong dumilat. Para kasing iyon na naman. Nakiramdam na naman muli ako, parang katabi ko lang iyong gumagawa ng ingay.

Dahan dahan akong dumilat. Napatingin ako sa aparador na gumagalaw, may gustong lumabas roon.

Parang maiiyak na talaga ako sa takot, tumayo ako para makatakbo kung ano kang lumabas diyan.

Todo todo na ang aking kaba! Ayoko na! Ano na naman ito?! Bakit may ganito?! Hindi ba alam nila manang 'to?!

Sa pagbukas no'n ay may lumandang sa akin, ang aking ka-room mate. Dahil sa ginawa niya ay napahiga ako, pumatong siya sa akin. Gusto niya 'kong saksakin. Ako naman ay todo iwas.

Nakakatakot ang kaniyang awra, sobrang lakas niya pa. Bakit ganito ang babaeng 'to?

Tinadyakan ko siya, tumalsik naman. Tatakbo na sana ako ng madaplisan niya ako sa balikat.

"Tulong!" Naiiyak kong sigaw. Parang sa kahit anong oras ay mamamatay na ako dahil rito. Paulit ulit rin akong nagdadasal sa aking isipan.

Wala siyang tigil, nagwawala. Kaya nag-ipon ako ng lakas para maitulak siya, natulak ko naman. Pagkakataon ko ng lumabas.

Hinawakan ko ang door knob, ayaw magbukas. Nakailang pihit pa ako, papalapit na ito sa akin, sasaksakin dapat ako nang bumukas ang pinto. Tumakbo ako ng takot na takot kahit alam kong maraming tao sa sala.

Si manang na may limang kasama.

Lima?

Limang kasama?

Napatigil ako.

"Hija, anong nangyayari sa 'yo?!" Nag-aalala si manang nang lapitan ako.

Napatulala akong napatingin sa kasama niya. Si Hades, Janea, isang babae at dalawang lalaki pa.

Lima?

Eh, sino 'yong nasa kwarto ko?

Ka-room mate ko?

"‘Yong k-ka-room mate ko po..." Tulala kong sabi dahilan kung bakit mangunot ang noo nilang lahat. "Gusto akong patayin..."

"Huh?" Si manang agad ang nagreact. "Wala kang katabing kwarto."

Ako naman ang nagtaka, tiningnan ko silang lahat saka ako tumingin sa kwarto ko. Halos manlaki ang aking mga mata na wala nga, nag-iisa lang ang kwarto ko sa p'westo na 'yon.

Wala!

Wala akong katabing kwarto!

Eh, ano 'yong nakita ko?! At iyong ka-room mate ko na gusto akong patayin?!

-----Wakas----

Written by: Miss Eyang or Queen_pee07

Credits to the owner of this photo.

Ngayon ko lang napansin na mali 'yong title ko, pero sana magustuhan niyo pa rin.

2
$ 0.00
Avatar for Kaereyes
4 years ago

Comments