Ang Gabi Bago ang Aking Kaarawan!

2 25
Avatar for JuanDisipulo
3 years ago

Ilang oras na lamang mula ngayon ay kaarawan ko na.

Marahil hindi ako kagaya mo, marahil isa ako sa iilan na nasanay nang walang espesyal sa aking kapanganakan. Walang magarbo o kahit simpleng handa at wala ring keyk na paghahatian. Kadalasan kasi mas nakakaalala pa ng aking kaarawan ang aking mga kaibigan kumpara sa aking mga magulang at mga kapatid. Kung kayat nasanay na akong nagdi-diactivate ng aking Facebook account para walang magpaalala sa kanila na kaarawan ko at dahil din doon halos taon-taon akong walang natatanggap na mga pagbati sa kanila maliban na lamang sa mga taong nakakaalam ng aking numero sa selpon.

 

Maaaring naiisip mo na napakalungkot ko naman na tao, na ‘di man lamang magawang mag-enjoy kahit sa pinakaimportanteng araw ng kanyang buhay. Hindi ko alam kung feeling mo ay napakawierd ko at napakaemotional. Pero nagkakamali po kayo. Sadyang pinipili ko lamang na maging tahimik ang aking kaarawan at kung maaari nga walang makaalam nito.

 

May mga pagkakataon noon ng nasa elementarya pa ako ay namamangha ako sa mga kamag-aral ko na dinadala ang kanilang mga handa sa paaralan tuwing kaarawan nila. Sobrang saya ko noon, siyempre dahil sa meron akong mga masasarap na pagkain na matitikman. At kapag kaarawan ko naman, masaya na akong ipanalangin sa unahan at ipagpasalamat ang aking buhay sa nagbigay nito.

 

Wala naman sa akin kung walang handa tuwing sasapit ang aking kaarawan ngunit hindi ko maikakaila na siyempre naghahangad din ako kahit isang simple na mapagsasaluhan din naman sana, pero dahil sa hindi nga kadalasan na aalala nila ay hanggang sa ngayon ay nasanay na akong hindi na lang magcelebrate nito.

 

Nariyan na nililibang ko na lamang ang aking sarili sa mga gawaing bahay at dahil alam ko na kaarawan ko, abay sinisipagan ko sa lahat ng aking gagawin. Hindi ko alam kung saan nanggagaling pero kung may anong eherhiya ang sumasapi sa akin at bigla-bigla na lamang akong nagsisipag. Ganito ko na lamang iniraraos ang aking kaarawan, na maging produktibo at para maging makabuluhan at higit sa lahat ang makalimutan ko papano na kaarawan ko pala.

 

Siguro ang isa sa pinakadahilan nito ay hindi ko kayang magdemand sa aking kinagisnang mga magulang ng mga bagay na alam ko naming hindi sa akin maibibigay. Bilang isang ampon ay ramdam ko parin yung pagkakaiba ng isang tunay na anak sa hindi. Na hindi ako maaaring maghangad ng mga bagay na kagaya nito at kung sakali man magpasalamat na lang ako dahil sa sinusuportahan nila ako mula ng maliit pa at hanggang ngayon ay sinusuportahan ang aking pag-aaral sa kolehiyo. Hindi rin ako mapaghangad sa mga bagay na alam kung hindi pa para sa akin.

 

Kagaya ng sinasabi ko na isang natural na araw lamang ang aking kaarawan. Naalala ko noon ng aking Ika-18 na kaarawan. Siyempre hindi parin naalala ng aking mga magulang na kaarawan ko at nakaplano na sana ako noon na magsimba dahil saktong tumapat sa araw ng Linggo. Ngunit sa kapareho din na araw ay ako pala ang magpapabiik sa aming alagang inahing baboy. Nakakatuwang isipin na sa araw ng aking kapanganakan ay magbibigay din ako ng buhay sa mga mumunting biik ng aming baboy. Nagsimula itong “mag-litson” (Bicol Dialogue) alas kuwatro ng madaling araw at natapos ang labing siyam na biik pasado alas dos na ng hapon. Mag-isa kung inalalayan ang inahin at dahil dito nagging masaya naman ako at ako’y nagging produktibo sa araw na iyon. Pero siyempre ala-ala ko parin yung lungkot ko dahil walang nakaalala na kaarawan ko din ng araw na iyon.

Kaya nasa sa tao talaga kung papaano mo tatanggapin ang isang sitwasyon. Kung magiging malungkot ka ba sa mga pagkakataon na ganto o iisipin mo na lamang ang kabutihan ng Diyos sa buhay mo. Kung nagmumukmok na lamang ako at di magiging positibo sa mga bagay-bagay ay ako lang naman ang labis na mahihirapan. Ako lang naman ang magusu-suffer ng pagiging madamdamin ko. Kung kaya’t hindi ko na lamang ito, pinagtutuunan ng labis na pansin. Nagiging appreciative na lamang ako sa mga bagay na meron ako at hindi na naghahangad ng mga bagay na wala. Iniisip ko na lamang na sa tamang panahon na kaya ko na rin na ibigay sa aking sarli ay saka na lang. Sabi nga sa sikat na kasabihan, “Kapag maiksi pa ang kumot, matutulong mamaluktot, kapag lumapad at humaba saka na mag-unat-unat.”

 

Pero bukas ay hindi na ako kagaya ng dati na magdidi-activate pa sa aking Facebook, o aayaw na may makaalala ng aking kaarawan. Hindi na ako kagaya ng dati na iisipin na hindi espesyal ang aking kapanganakan. Dahil maynagturo sa akin na kailangan kung i-appreciate ang aking sarili, na kailangan kung magcelebrate. Dahil ang totoo, ito ay mahalaga at dapat na ipagpasalamat. Kasi sa panahon ngayon, lalong lalo na ngayong labis tayong aapektuhan ng pandemya at ito’y nagturo sa atin na pahalagahan ang buhay at huwag na pagpokus sa mga bagay na hindi magdudulot satin ng saya.

 

Ngayong gabi sa aking pagtulog ay hangad ko na lamang ang isang magandang umagang babati sa akin sa aking paggising. Isang umaga na ituturing kong tagumapay at biyaya  ng Diyos. Na sa araw na darating ay ipinanganak ang isang batang maynakalaang magandang kinabukasan at hinaharap, hindi lang para sa akin kundi para sa lahat ng mga taong naniniwala at nagmamahal sa akin.

 

Isang Maligayang Pagbati sa para sa aking Kaarawan!

Baka sakaling kanilang makalimutan…

 

Sponsors of JuanDisipulo
empty
empty
empty

2
$ 0.05
$ 0.05 from @AlphaCron
Avatar for JuanDisipulo
3 years ago

Comments

Advance Happy Birthday sayo @JuanDisupulo. 💕Nawa'y bigyan ka ng Panginoon ng marami pang biyaya at mabuting kalusugan sapagkat deserve mo ito.

$ 0.00
3 years ago

Maraming salamat bro, nawa'y ikaw din sana po ay pagpalain. Salamat sa iyong kabutihan.🤗

$ 0.00
3 years ago