Hindi naging madali sa aming magkakapatid lalo na kay Mama ang agarang pagkawala ni Papa. Graduating ang ate ko noon, (highschool) walong taon naman ako at pitong taon si bunso, pero dahil special child mas kailangan niya ng atensiyon. Labandera lang si Mama kaya nagdesisyon siya na after mailibing ni Pando ay uuwi na lang kami ng Pangasinan, since nangungupahan lang din kami. 'Yung inuupahan namin, dalawang palapag, bale nasa ikalawang palapag kami. Pag-akyat mo may maliit dun na espasyo kung saan madalas naglalaro mga bata o di kaya tinatambayan. Pagka kaliwa mo doon ang inuupahan namin. Hindi kalakihan pero may dibisyon. Siksikan kami sa isang kwarto tapos kusina na kaya dinig na dinig mo kung may kakain o magkakape. Yung palikuran nandoon sa baba. And speaking of kape, hapon no'n alas tres, kinabukasan no'n ang alis namin pauwing Pangasinan. Nag-aayos kami ng ibang gamit, si bunso naglalaro sa tabi namin no'n nang biglang dumating ang ate namin. (panganay na anak ni Pando sa unang asawa, mas matanda sa ate ko.) Kinukumusta niya kami, kung tuloy ba kami sa pag-uwi. Um-oo naman si Mama kasi nga wala naman siyang permanenteng trabaho doon, atleast sa Pangasinan nandoon 'yung mga kamag-anak niya. Tahimik lang kaming nakikinig ni ate habang nag-uusap si Mama at 'yung kapatid namin sa ama. Maya-maya pa may naamoy akong mabango. Ipinagsawalang bahala ko lang iyon at nagpatuloy sa ginagawa, tapos ilang saglit lang kinalabit ako ni ate. Tinatanong niya ako kung nagpabango daw ako, sagot ko naman hindi kaya tinanong niya 'yung panganay namin. "Oo, pabango ko 'yon," sagot naman ng panganay namin pero halatang nagsisinungaling. Nag-iba kasi 'yung ekspresyon ng mukha niya. Pero dahil sabi niya pabango niya 'yon, tila nakampante ang loob ni ate. Nagpatuloy lang 'yung dalawa sa pagkukwentuhan pero ang ate ko hindi mapakali. Ipinipilit niya na may mabango daw. Naamoy ko rin pero wala naman akong pakialam dahil sa edad ko na walo, normal lang makaamoy ng mabango dahil may ilong ako.
"May mabango talaga!" bulalas na ni ate nang hindi na makatiis. Tumayo na ito tsaka pumunta malapit sa pinto. Si Mama naman hindi na kumikibo, tapos 'yung panganay naman ni Pando hindi na maipinta 'yung mukha. Ako? Wala lang! Malay ko ba kung anong meron sa amoy mabango na 'yon? Maya-maya pa nag-salita ulit si Mama, "Baka nand'yan Papa niyo," sabi niya na ikinagulat ko. Syempre patay na tapos sasabihin niya andy'an? Bigla tuloy akong kinabahan! Pero 'yung sumunod na nangyari ang diko talaga inaasahan.
Pabalik na sana nun si ate ko sa tabi ko kasi nawala na 'yung amoy mabango pero napahinto siya sa paglalakad nang may maulinigan kaming parang nagtitimpla ng kape sa kusina. Alam niyo ba 'yung tunog kapag tumatama 'yung kutsara sa bunganga ng tasa kapag nagtimpla ka ng kape tapos kakanawin mo? Ganon na ganon! Nagkitinginan kaming apat nila Mama. Hindi ko alam kung namutla din ba ako no'n pero sila kitang-kita ko kung paanong namutla 'yung mga mukha nila. "Ma?" tawag ko kay Mama at dali-dali naman itong lumingon. "Ma, may nagtitimpla kape!" Hindi agad sumagot si Mama, bakas din sa mukha ang kaba. Pero nang sinabi niyang, "Papa niyo 'yun!" Sigawan kami sabay takbo at nag-unahan sa paglabas. Nakipag-unahan din si Mama kaya naiwan 'yung bunso namin. Narinig namin na umiyak ito, nagulat marahil sa pag-sigaw namin. Nagtuturuan pa kami kung sino kukuha sakanya sa loob dahil nga natatakot kami pumasok! Pero sa huli si Mama din kumuha sakanya. Kinagabihan no'n, doon kami natulog sa labas, doon sa maliit na espasyo na madalas tambayan. Hindi na rin muna namin pinauwi 'yung panganay namin para lang may kasama kami.
Kinaumagahan matapos 'yung kakat'wang pangyayari na 'yon, sumilip kami sa kusina. Nagulat kami nang may makita kaming tasa (alam niyo 'yung tasang maliit na kulay brown? Tasa pa noong panahon ng hapon) doon at kutsarita. Hindi nako natakot o kinabahan kase nasa isip ko na no'n "Si Papa nga."
Mahilig kasi magkape si Papa tuwing madaling araw bago mamasada, at kung walang pasada nagkakape din ito sa hapon. At paborito niyang gamitin 'yung tasang kulay brown!
Sobra talaga akong natakot noong una pero kung iisiping mabuti, nakakatuwa dahil kahit wala na siya nagawa pa rin niyang magparamdam hindi para manakot kundi para magpaalam.
Hapon na rin kami nagbyahe no'n pauwing Pangasinan, dinalaw pa kasi namin 'yung puntod niya.
- E N D -
Hindi na kami nakabalik pa ng Maynila at hindi na rin nagkaroon ng pagkakataon para madalaw ang puntod ni Papa. Nawalan kami ng kontak sa panganay namin. Pero noong 2019, nahanap namin siya. Salamat sa social media! Kapag napag-uusapan namin 'yun natatawa na lang kami!