Pansit

0 14
Avatar for Iza05
Written by
3 years ago

Mag-aalas siyete na ng umaga nang masilayan ni Carlo ang pagal na katawan ni Mang Kanor. Agad siyang kumuha ng tubig na maiinom at iniabot ang baso sa maruming kamay ng kanyang ama. Ngumiti ito ng bahagya at humahangos na nagsalita.

"Sa..lamat, a..nak."

"Heto nga pala baon mo. Sige anak, pumasok ka na't baka mahuli ka pa sa klase mo. 'Wag kang papagutom, Carlo."

"Opo. Salamat po, itay."

__________

"O, Carlo, bakit hindi ka kumakain? Hindi ka ba nagugutom? Nawala mo ba pera mo?" nag-aalalang tanong ni pedro.

"Hindi naman, nagtitipid lang. May pinag-iipunan kasi ako."

"Ano naman 'yun?"

"Pers mantsari namin ni emma, gusto ko siyang i-surprays."

"Tam-es naman pre! Totoo na ba 'yan?"

Tanging ngiti lang ang naging tugon ni Carlo.

__________

Matapos ang isang linggong pagtitipid at pagtitiis ng gutom ay napagtagumpayan ni Carlo ang pag-iipon. Tanghaling tapat, nagmadali siyang pumunta sa isang karinderya at saka umorder ng pinakamurang pansit. "Happy 2nd Monthsary, Babe!" Hindi maalis sa kanyang mukha ang abot-taingang mga ngiti, kasabay nito ang mahina niyang pag-awit ng "Ikaw na nga" na theme song nilang dalawa ni emma.

Habang naglalakad sa init ng araw at sa nakasusulasok na amoy ng usok ng mga sasakyan, napatingin si Carlo sa gawing kaliwa ng kalsada at nakita ang kanyang amang naghahalungkat ng mga kalakal mula sa basurahan. Nilapitan ng isang babae si Mang kanor. kasabay ang pag-abot ng ilang mga plastik na bote at isang pirasong biskwit. Napangiti ng mapait si Carlo.

May namuong hamog sa gilid ng kanyang pilik-mata kasabay ng pagkatapon ng pansit pinag-ipunan niya para kay emma. Gusto niyang lumapit ngunit hindi siya pinahintulutan ng kanyang mga paa. Nakita siya ng kanyang ama. Nagmamadali itong tumakbo papalapit sa kanya at wari'y may isinisigaw ngunit wala siyang marinig na tinig.

Napahiga si Carlo sa gilid ng kalsada kasabay ang paghandusay ng kanyang ama na nahagip ng humaharurot na sasakyan. Natulala si Carlo. at tuluyan nang bumuhos ang luha sa kanyang mga mata. Napatakip siya ng bibig at pilit na pinigilan ang sarili na sumigaw at magwala sa sitwasyong kinabibilangan nilang dalawa.

Ngumiti si Mang kanor kasabay ang pagtulo ng mga luha nito. Tiningnan nito ang anak at ang pansit sa gilid niya na tuluyan nang natapon.

"Anak, ku..main ka na ba?"

Dinig na dinig ni Carlo ang tinig ni Mang kanor sa kabila ng ingay ng mga tao at sasakyan sa paligid niya. Sa ganoong sitwasyon ay tanging siya pa rin ang iniisip at inaalala ng kanyang ama. At bago pa tuluyang magsara ang mga mata nito...

"Sala..mat anak.. Hin..di.. ko aka..lain na maaa..lala.. mo pa.. na.. birtdey ko.. nga..yon.."

--

Pagwawakas.

-1
$ 0.00
Avatar for Iza05
Written by
3 years ago

Comments