Gusto kong ikwento sa inyo ang isa sa mga nakakatawang pangyayari nung highschool ako na hindi ko talaga malimutan.
Monday afternoon, 4 PM. Napagpasyahan kong matulog pagkatapos kong gawin ang mga assignment ko. Sobrang kulang kasi ako sa tulog dahil pang-umaga. 4 AM pa lang gising na ako para maghanda ng makakain at babaunin ko eh. Ako na lang nag-aaral sa amin nung time na yun dahil yung 3 na nakakatanda kong kapatid ay huminto na. Libre lang naman kasi mag-aral ng highschool pero pagdating ng college, doon na may bayad. Kaya yung mga kapatid ko, nagtatrabaho na lang. Iniipon yung sweldo para makapagsimula ng college sa susunod na pasukan.
So ayun nga, malalim ang tulog ko nang biglang naalimpungatan ako. Napadilat ako ng mata nung tumama ang tingin ko sa orasan.
Sa isip ko: Hala alas sais na pala! Napasarap tulog ko. male-late na ako sa school nito.
Dali-dali akong naligo, kumain, nag-toothbrush at nagbihis ng uniporme. Pero ang ipinagtataka ko, ay kung bakit ang Ate ko, Kuya ko at girlfriend nya ay nagkakaraoke. Nung nakita na nila akong palabas ng bahay, nagtatawanan sila. Narinig ko pa ang Kuya ko na sinabing,
“Oh papasok ka na?”
“Oo Kuya, malelate na ako.” sagot ko at nagtawanan na naman sila.
“Wag mong sasabihin.” natatawang sabi ni Ate sa Kuya ko.
Tuluyan na akong lumabas ng bahay. Paglabas ko, nagtataka na naman ako.
Sa isip ko: Bakit ba nila ako tinitingnan?
Nagtuloy-tuloy lang ako ng lakad hanggang sa makalabas sa eskinita sa kanto ng bahay namin.
Tapos nakasalubong ko yung isa naming kapitbahay na nagwawalis na feeling close. Tinanong ako,
“Oh may pasok kayo? Anong oras na ah?”
“Meron po.” sabi ko.
Nagtataka naman akong tinanaw nung kapitbahay namin na yun habang papalabas na ako ng compound.
Nang makalabas na ako ng compound, nagtaka na naman ako.
Sa isip ko: Bakit dumidilim? Dapat lumiliwanag. Magse-seven na ah?
Then it hit me. Hindi pala alas sais ng umaga, araw ng Tuesday, nung magising ako kundi alas sais ng gabi, araw ng Monday pa rin. Dali-dali kong tinahak ang daan papauwi sa bahay.
Pagdating ko sa bahay, nung makita ako nila Ate, Kuya at ng Girlfriend nya, sabay-sabay silang nagtawanan.
“Ano? Gising ka na?” Tanong ng Ate ko sabay tawa nilang tatlo.
“Bakit di niyo sinabi? Nakakahiya!” atungal ko sa kanila.
Hindi nila ako sinagot. Nagtawanan lang sila at pinag-usapan nila yung nangyaring ‘yon. Sa tampo ko, pagkatapos kong magpalit ng damit ay bumalik ako sa pagtulog.
Salamat sa pagbabasa!
Mayroon ka rin bang ganitong karanasan na kung saan bigla kang nagising at ginawa ang mga bagay nang wala sa oras? o kung ano mang nakakatawang experience? Share naman diyan!