Spoken Poetry: Pikit

0 18
Avatar for HavenLyyy
3 years ago

Magandang araw, mga kaibigan! Nais ko lamang ibahagi sa inyo ang isang spoken poetry na aking nilikha para sa aking sarili noong mga oras na ako'y nasa dilim. Sana po ay magustuhan ninyo ito.

Pikit.

Pumikit ka, 'wag mo munang tignan ang mundong hindi ka makita

Pumikit ka, pakawalan muna ang mga luhang pilit na kumakawala

Ipahinga mo muna ang iyong labi na pagod na pagod na sa pagngiti,

Pumikit ka, ibaba mo muna ang mundo

Ang mundong tila ba'y pasan-pasan mo,

Huminga ka, itigil ang pag-iisip, itigil ang pagbalik

Itigil ang paghila sa buhol nang paulit-ulit dahil mas lalo lamang itong humihigpit

Tama na, bitiwan mo na.

Bitiwan mo ang pinanghahawakang sakit,

Alisin mo sa puso ang natitira pang pait sa tuwing maalala mo ang paraan

ng pagkapunit ng puso mong nagtiwala lang naman

Itigil mo na ang pagbabalik tanaw

sa problemang hindi mo naman dapat iniisip na ang may sala ay ikaw,

dahil hindi. Kaya't tama na, tahan na.

Ipikit mo na ang pagod mong mga mata.

Itago mo na ang paborito mong sayang nadungisan na ng mantsa

Iwanan mo na ang apat na sulok na naging saksi sa paghina

Tanggapin mo na

ang katotohanang hindi ka na makakabalik pa

Kahit anong piglas, kahit anong kawala

Kahit gaano karaming luha ang mapawala

hindi mo na mababago ang nagdaan

Huwag mo nang balik-balikan ang nakaraan na patuloy ka lamang sinasaktan

Ang pinto palabas ay huwag mong isarado

Tanggapin mo na may mga bagay na hindi mo kontrolado,

Hindi mo na napansin, lahat sila'y lumabas na

Pero ika'y nakakulong pa rin sa sarili mong isip, sa sariling problema

Na laging kapit, laging bitbit

Sa halip na ilayo ay lalo lamang inilalapit

Mahirap, mahirap ang lumimot

Ngunit mas mahirap kung mananatili ka sa lungkot

Kaya't hayaan na, bitiwan mo na

Bumitaw ka sa lubid ng lungkot

na sa halip na iahon ay mas lalo ka lamang nilulunod

Magpatawad ka, palayain mo na

Huwag ka nang maghintay na ayusin ka ng iba

Huwag mo nang hintayin na mawalan ka ng gana

Huwag ka nang mangloko, huwag mo nang ipilit pa

Walang makakaligtas sa'yo kung sa sarili mo'y nalulunod ka pa

Palayain mo na ang sarili mo sa lungkot

Buksan mo na ang pinto sa saya na matagal mo nang ipinagdamot

At makikita mo ang tunay na takbo ng mundo

Na hindi lamang sa isang kabanata umiikot ang isang libro, ang isang kwento, pati ang kwento ng buhay mo

Kaya't tahan na, pumikit ka na.

Tuluyan mo nang pakawalan ang sarili sa kadenang ikaw lang din naman ang may likha

Hayaan mo na ang sarili mo sa saya

At kung iniisip mong hindi mo kaya, subukan mong pumikit muna.

2
$ 0.07
$ 0.07 from @TheRandomRewarder
Avatar for HavenLyyy
3 years ago

Comments