Ma

0 16
Avatar for Gege
Written by
3 years ago

Ina, Nanay, Mommy at Mama yan ang tawag natin sa lumuwal sa atin.

Mama, yan ang tawag ko sa kanya. Siyam na buwan nya akong dala dala sa kanyang sinapupunan habang nagtatrabaho sya dito sa Maynila.

Sa panganganak ng ating mga ina ang kalahati ng kanilang katawan ay nasa hukay. Maaari kasing magkakumplikasyon habang inilalabas nila tayo. Anumang oras pwede silang mawala o kaya ang batang inilalabas nila.

Hindi madali ang maging Ina. Pagkatapos nila tayong iluwal, aalagaan nila tayo. Halos hindi padapuan sa lamok o langaw. Magpupuyat sa gabi tuwing tayo'y umiiyak upang tayo ay ipagtimpla ng gatas o ipaghele.

Kung tayo ay hawakan ay ingat na ingat na para bang tayo ay babasaging crystal na anumang oras ay maaring mabasag. Sa lambot ng balat natin ay natatakot na baka tayo ay masugatan. Mapapangiti sa tuwing tayo ay ngumingiti. Matataranta kapag tayo ay iyak ng iyak at hindi mapatahan.

Kapag nagkakasakit tayo halos lahat ng Santo ay dadasalan. Halos hindi makatulog kasi baka mapaano tayo kapag napapikit sila.

Lahat kaya nilang gawin mabigyan lang tayo ng magandang buhay. Handang akuin ang gawaing bahay para lang tayo ay hindi mahirapan. Sa tuwing tayo ay may kaaway sila ay handang sumugod sa kapitbahay. Ganyan yung walang sawa nilang pagmamahal at pag-aalala sa atin.

Habang tayo ay lumalaki at tumatanda nag-aalala sila baka tayo ay hindi mabigyan ng magandang bukas. Na baka tayo ay maligaw ng landas.

Sila ang ating unang guro. Tuturuan tayo ng tamang asal na kung minsan ay hindi pa natin magawa.

Isusubo nya na lang ang pagkain pero iuuwi nya pa. Para tayo ay mapakain ng mga pagkain na hindi pa natin natitikman. Handang magutuman mabusog lang tayo.

Kapag nasasaktan tayo mas nasasaktan sila. Yung isang yakap nya lang alam mong kakampi mo sya. Na lagi syang andyan para sayo at handa kang damayan.

Yung kahit nag-asawa ka na, andyan lang sya nakaalalay. Yung nakabantay pa rin sya kasi baka saktan ka ng asawa mo. Tuturuan ka kung paano magpaligo at mag-alaga ng sarili mong anak. Handang magpuyat kung ikaw ay bagong panganak wag ka lang mabinat. Yung isang tawag mo lang pupunta sya kasi kailangan mo sya. Hindi nya ipapakitang nahihirapan sya kasi ayaw nyang mag-alala ka.

Kung minsan lahat yan nakakalimutan natin. Minsan sobra sobra tayo kung sumagot. Parang akala natin tayo ang laging tama.

Minsan mapagbubuhatan tayo ng kamay pero sa huli sila din naman ang nasaktan. Aamuhin tayo na para bang sila ang may kasalanan.

Pero aminin man natin o hindi, tuwing uuwi tayo sya ang una nating hinahanap.

"Pa, nasaan si mama?"

Yan ang madalas kong tanong tuwing uuwi ako na hindi ko nakikita si mama. Para bang natatakot ako na hindi ko sya makita. Ang laking luwag sa pakiramdam kapag sinabi ni papa na nasa taas lang pala sya mg bahay namin.

Yung kahit sinong chief pa ang itapat mas masarap pa rin ang luto ni mama.

Salamat Ma ha? Salamat kasi lagi ka lang nandyan para sa amin ng mga anak mong tamad. Handang umalalay at yumakap tuwing kami ay nalulumbay.

Kapit ka lang Ma ha? Mabibigay din namin sayo ang magandang bukas. Hindi man namin masuklian ng buo ang lahat ng paghihirap mo Mahal ka namin Ma. Matigas man ang ulo namin at pasaway inaalala ka din naman Ma.

Para sa akin ikaw ang pinaka the best mama in the world kahit maging isang ina ako balang araw. Walang mas hihigit sayo Ma.

Happy Mothers Day Ma. Mahal na Mahal kita Ma. Salamat sa mga itinuro mo sa amin. Salamat sa lahat ng sakripisyo. ❣️

1
$ 0.00
Avatar for Gege
Written by
3 years ago

Comments