Valedictorian Speech- Elementary

0 23
Avatar for Ezei
Written by
2 years ago
Topics: Tagalog

 

Ngayon po ang araw na ating pinakahihintay , ang Araw ng ating Pagtatapos. Ito ang araw na kung saan makakamit na natin ang tagumpay sa ilang taon nating pagsusumikap sa ating pag-aaral. Malaki ang kaibahan ng pagdiriwang natin ng Araw ng Pagtatapos sa taong ito kumpara sa mga nakakaraang pagdiriwang.  

Makalipas kasi ang mahigit isang taon, naging malaking hamon sa atin ang nararanasan nating pandemya. Ngunit ito’y isa lamang sa mga pagsubok upang mas lalo pa tayong mahubog at mas maging matatag sa hinaharap. Sa tema ngayong taon ng ating pagtatapos na - KALIDAD NG EDUKASYON LALONG PATATAGIN SA GITNA NG PANDEMYA, ay Hindi kayang hadlangan ng COVID-19 ang layuning maisulong ang pag-aaral ng bawat bata. Sa pagtutulungan ng mga guro at mga magulang, mas lalo pa nating patatagin ang kalidad ng edukasyon.

Sa kabila ng kinahaharap nating sitwasyon, nais ko pong himukin ang lahat na taos-pusong magpasalamat sa ating Panginoon sa araw na ito.  Salamat po at kahit paano’y kami ay nagkatipon-tipon dahil sa Virtual na seremonya na ito. Hindi man tayo nagkita-kita ng personal sa buong taon dahil sa dulot ng pandemya, nagpapasalamat pa rin ako dahil alam ko na ligtas tayong lahat sa loob ng ating mga tahanan. Salamat po Panginoon sa patuloy Nyo pong pag-iingat sa amin sa araw-araw at sa mga araw na darating pa. Nawa’y pasiyahan po Ninyo ang aming munting pagtitipon sa araw na ito.

Sa aming mga magulang, taos puso po ang aming pasasalamat dahil tinulungan nyo po kaming makapagtapos may pandemya man o wala. Salamat po dahil kahit po mayroon kayong mga trabaho at gawain ay ginabayan at tinulungan nyo pa rin kami sa aming pag-aaral sa loob ng ating mga tahanan. Taos puso  po akong nagpapasalamat dahil hindi lamang namin kayo naging mga magulang, naging guro din po namin kayo sa loob ng ating mga tahanan. Higit kanino man, sa inyo po namin iniaalay ang aming matatanggap na katibayan at karangalan.

Para sa aking mommy at papa, lubos po ang aking pasasalamat sa inyong walang sawang pag-aalaga at pagsuporta sa aking pag-aaral simula pa po noong ako ay kinder hanggang sa araw ng aking pagtatapos dito sa mababang paaralan ng SSES. Higit ko pa pong pagbubutihin ang aking pag-aaral hanggang sa ako ay makapagtapos ng kolehiyo at masuklian ko po ang lahat ng inyong pagsasakrispisyo para sa akin.

Sa lahat ng guro ng SSES, lubos ang aking pasasalamat sa walang sawa ninyong pagsusumikap at pagtuturo sa amin kahit pa domoble ang inyong mga gawain dahil sa sitwasyon na ating kinakaharap sa ngayon. Salamat po dahil kayo ang gumabay sa amin upang makapagtapos at makatungtong sa kinaroroonan namin ngayon. Naging malaking hamon din po sa inyo ang nararanasan nating pandemya. Dahil po sa lahat ng inyong pagsasakripisyo sa amin maihatid lamang ang lahat ng aming pangangailangan sa distance learning, isa po kayo sa naging inspirasyon namin upang lalo pang magsumikap upang makatapos sa aming pag-aaral. Hinding hindi ko po kayo malilimutan. Maraming maraming salamat po!

Sa aking mga kapwa mag-aaral na magsisipagtapos sa paaralang ito, nagpapasalamat ako dahil naging bahagi kayo ng aking buhay bilang isang estudaynte. Alam ko na nahirapan tayo sa ating sitwasyon at naging malaking hamon ito sa ating buhay bilang mag-aaral ngunit narito tayo at nalagpasan ang lahat ng mga pagsubok. Binabati ko kayo at sobrang mamimiss ko kayong lahat. Idinadalangin ko sa ating mahal na Panginoon na muli tayong gabayan sa mga darating pang mga taon na ating kakaharapin sa ating pag-aaral. Nawa ay mawala na ang pandemyang ito at magkita-kita na ulit tayo.

Sa aking matalik na kaibigan na si Axl Rose, bagamat hindi na tayo magkamag-aral ngayon dahil lumipat kana sa inyong probinsya, hinding hindi ko makakalimutan ang lahat ng ating pinagsamahan. Tayo lagi ang magkapartner sa laban ng MTAP. Naaalala ko pa tuwing tayo ay lumalaban ay sabay tayong kinakabahan ngunit sabay din tayong nagdarasal upang gabayan tayo sa ating laban. Naaalala ko din na tayo palagi ang magkasamang mag check ng mga test papers noong tayo ay grade 3. Kung hindi sana tayo nagkalayo, natitiyak ko na makakapasok palagi tayo sa MTAP competition ng magkasama. Sa pinagsamahan natin wala akong naramdaman na competition sa pagitan nating dalawa dahil alam ko na tunay tayong magkaibigan at yan ang sobrang mamimiss ko sa ating pinagsamahan. Sana lagi kang ingatan ng Diyos sa araw-araw at dalangin ko na magkita tayong muli sa mga susunod na araw at nananabik ako na maibalik mo sa akin ang ibinigay kong sulat noong araw na huli tayong nagkita.

Sa mga kaibigan kong sina Shiela at Precious, maraming salamat sa masasayang araw na magkakasama tayo sa paaralang ito. Nakakamiss ang mga panahong wala pang pandemya, malaya tayong nakakapaglaro sa loob ng paaralan at kung minsan ay sa bahay namin. Magkakaiba man ang tahakin nating daan sa ating High School, umaasa ako na magkakasama pa rin tayo balang araw.. Sana kahit magkaroon na tayo ng mga magiging bagong kaibigan, wag nyo parin sana akong malilimutan. Kahit maging busy na tayo sa pagiging Junior High School, sana magkaroon parin tayo ng komunikasyon sa isat isa.

Sa aking mga matatalik na kaibigan, Axl Rose, Shiela at Precious, hangad ko ang inyong tagumpay sa pagtahak sa mga susunod na yugto ng inyong buhay bilang mag-aaral. Maraming salamat sa inyo at isang maligayang pagbati mula sa akin.

Nais ko pong magbalik tanaw bago pa man ako naging mag-aaral dito sa paaralan ng Soro-Soro. Naalala ko pa noon bagong lipat pa lang po kami dito sa Soro-Soro at ako po ay nasa apat na taong gulang pa lamang. Naalala ko po na pumunta kami ni mommy sa paaralang ito upang ako ay ipa-enroll bilang kinder. Ngunit dahil sa ako po ay masyado pang bata, hindi po pumayag ang gurong kausap ng aking magulang. Nang mga panahong iyon ay hindi ko pa po kilala kung sino ang kausap na guro ng aking mommy. Pero pinipilit ni mommy na payagan na po ako dahil marunong na daw po akong magbasa, magsulat at magbilang. Pero hindi po talaga pumayag ang guro at sinabing sa Day Care daw po ako ipasok. Umuwi kami ni mommy na walang nagawa, pero hindi nya pa rin po ako ipinasok sa Day Care. Noong sumunod na taon bumalik po ulit kami sa paaralang ito at pina-enroll na po ako bilang kinder at doon ko po nalaman ang pangalan ng gurong kausap ng aking magulang. Sya po ay walang iba kundi si Maam Marilyn. Isa sya sa mga gurong nagbigay sa akin ng pagkakataon na maipakita ang aking talento upang ilaban sa iba pang paaralan. Dito po ako nagsimulang lumaban sa ibat ibang paaralan at maswerte naman po na ako po ay nanalo sa buong Binan. Mula noon taon taon na po akong lumalaban sa ibat ibang paligsahan. Lumalaban po ako sa MTAP, Science Quiz Bee at Journalism. Dito unti unting nagkaroon ako ng kumpyansa sa aking sarili lalo na at nakakapag-uwi po ako ng karangalan mula sa aking sinalihang paligsahan. Sinisikap ko pong manalo para po sa aking mga magulang at sa aking paaralan. Dito sa SSES ay naging masaya ako bilang isang estudyante. Mababait at magagaling ang aming mga guro, ang mga kapwa ko estudyante ay gayon din, minsan may taglay po talagang kapilyuhan pero kami po ay nagkakasundo lahat at nagtutulungan lalo na po pagdating sa mga group activities.

Mula sa aking puso, nagpapasalamat po ako sa lahat ng mga naging guro ko. Ngunit lahat po tayo ay sadyang may mga hinahangaan na mga tao. Labis ko pong hinahangaan ang mga gurong sadyang may dedikasyon sa kanilang pagtuturo. Kayo po ay aking lubos na hinahangaan, G. Nino Flor, Gng. Virginia, Bb. Michel, Gng. Janice, at Bb. Camille.

Akin rin pong pasasalamatan si Gng. Fe, naging sub teacher po namin kayo noong kinder pero nagustuhan ko po kayo dahil sobrang istrikto nyo po kaya palagay po ang loob ko na magiging mabait po kaming lahat. At si Maam Lolit na kahit kailan po ay hindi ako binigo sa tuwing mangangailangan ako ng tulong sa araling Math. Inaamin ko po na hindi naging madali ang araling Math sa distance learning kaya nagpapasalamat po ako sa inyo maam Lolit sa mga oras na inilalaan nyo po sa akin.

Maam Janice, ang favorite po ng lahat, ang pagiging sweet nyo po sa mga bata ay malaking tulong po dahil hindi po kami natatakot sa tuwing papasok kami sa school. Naalala ko po, grade 1 po kami nang unang makapasok sa MTAP Division Level, at yon po ay dahil sa pagtuturo nyo po sa amin.

Maam Virginia, ramdam po namin ang pagiging isang ina at guro nyo po sa aming mga estudyante nyo. Gustung gusto nyo po na lagi kaming matuto sa bawat araw ng pagpasok namin sa paaralan. Sa dedikasyon nyo po sa patuturo sa amin, kami po ng aking best friend na si Axl Rose ay nakapasok sa Top 5 MTAP Division Level at Top 4 MTAP District Level noong kami ay nasa baitang 3.

Para naman po sa inyo Maam Michell, kung sa tingin po ng iba ay medyo strict po kayo, pero para po sa akin kayo po talaga ang gustung gusto ko sa pagiging istriktong teacher. Lagi ko po kayong kinukwento sa mommy ko sa tuwing uuwi ako ng bahay. Ang cool nyo pong magalit sa amin pero “the best” naman po sa pagtuturo. Madali pong tumatak sa aming isipan ang bawat aralin na itinuturo nyo sa amin.

Sir Rafer, hindi ko po makakalimutan ang mga pangaral nyo sa amin at husay nyo sa pagtuturo. Kahit na po hindi ko na kayo adviser patuloy parin po ang pagbibigay nyo sa akin ng mga payo. Lagi nyo pong sinasabi sa amin ang katagang “You Are The Master Of Your Destiny”, at ito po ay natatak sa aking isipan.

At Maam Camille, maam She, maam Lolit at maam Mary Joy, ang mga guro ko sa baiting 6 na hindi ko man lamang nasilayan hanggang sa Araw ng Pagtatapos.  Bagamat hindi po tayo nagkita sa buong taon, ginawa nyo naman po ang lahat para magkaroon po tayo ng komunikasyon upang maihatid sa amin ang lahat ng dapat naming malaman at ramdam po namin na nais nyo po kaming matuto kahit na po sa panahon ng pandemya.

Ang lahat po ng guro sa SSES ay aking hinahangaan at ipinagmamalaki. Dahil po sa inyo, sa husay at dedikasyon nyo sa pagtuturo sa amin, nakamtam po namin ang aming pangarap na makapasa sa Entrance Examination ng Science and Technology High School. Pinapangako ko po na patuloy po akong mag-aaral nang mabuti para ipakilala ang paaralan na kung saan ako nanggaling.

Sa aking paglisan sa paaralang ito, magkahalong saya at lungkot ang aking nararamdaman. Masaya po ako dahil isa na namang panibagong yugto bilang estudyante ang aking tatahakin ngunit malungkot din po ako dahil kailangan ko na pong iwan ang mahal kong paaralan. Mamimiss ko po ang bawat araw na pumapasok pa ako dito, yung mga panahong kami ay lagi sa classroom ni Maam Jojie pagkatapos ng klase kasama ang aking mga kaibigan na sina Shiela at Precious. Doon lagi kaming masaya at madalas nagkwekwentuhan at minsan nagsasayawan kasama pa ng iba naming kamag-aral. Sa mga panahong iyon sobrang saya namin pag magkakasama at nakikipagbiruan sa aming mga guro na sina Maam Jojie, Maam Michell, Mam Gamo at maam Cindy. Mamimiss ko yung mga Saturdays na kailangan naming pumasok sa school para sa training ng Journalism. Ang saya-saya namin don kahit may pressure dahil kailangan naming magtraining na mabuti, pero hinahaluan parin po nila maam ng biruan. Mamimiss ko din po ang pagiging officer ng SPG na kung saan si Sir Rafer ang namumuno dito. Masaya kami dito habang gumagawa ng action plan at patuloy na lumalawak ang aming kaalaman. Dito nakakasama ko ang isa sa aking mga kaibigan at kamag-aral na si Blessie.

Nakakalungkot din po na wala po tayong pagkakataon na makapagpaalam sa isat isa ng personal dahil sa pandemyang kinakaharap natin. Mamimiss ko ang bawat okasyon na kung saan ay lagi kaming may presentation tulad ng pagkanta ko noong Teachers Day, pagsasayaw kasama ang aking mga kapwa estudyante at ang lahat ng paligsahan na aking nasalihan. Subalit ang lahat ng ito ay mananatili sa aking puso at hinding hindi ko malilimutan kailan pa man.

Sa pitong taon kong pag-aaral dito sa paaralang ito, aking napagtanto na hindi sa laki o gara ng paaralan masusukat ang kalidad ng edukasyon. Ipinagmamalaki ko na ako ay nagtapos sa paaralang ito, ang SSES. Sa paaralang ito unti-unting nahubog ang aking pagkatao. Sa gabay ng aking mga magulang at ng paaralang ito masasabi ko na ako ay naging isang mabuting halimbawa para sa aking kapwa mag-aaral.

Para sa aking mga kapwa mag-aaral, nawa’y pagbutihin natin ang ating pag-aaral dahil ito ang tanging hangad ng lahat ng ating mga magulang. Hindi lamang sa karangalan nasusukat ang bawat talino ng isang mag-aaral. Lahat tayo ay may kanya kanya at ibat ibang talento na maaari nating hubugin at paunlarin. Follow your dreams Batch 2021! At sabay sabay tayong magtatagumpay sa awa at tulong ng ating Maykapal!

Muli sa aking mga guro at magulang, maraming maraming salamat po sa inyo! At sa aking mga kapwa mag-aaral, binabati ko kayong lahat!

 

Congratulations Batch 2021!


0
$ 0.00
Avatar for Ezei
Written by
2 years ago
Topics: Tagalog

Comments